Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 124


Bahagi 124

Paghahayag na ibinigay kay Joseph Smith, ang Propeta, sa Nauvoo, Illinois, Enero 19, 1841. Dahil sa mga umiigting na pang-uusig at patakarang labag sa batas laban sa kanila ng mga pinuno ng pamahalaan, napilitan ang mga Banal na lisanin ang Missouri. Ang utos ng panlilipol na ipinalabas ni Lilburn W. Boggs, gobernador ng Missouri, na may petsang Oktubre 27, 1838, ay iniwan silang walang mapagpipilian. Noong 1841, nang ibinigay ang paghahayag na ito, ang lungsod ng Nauvoo, na sumasakop sa dating kinatatayuan ng nayon ng Commerce, Illinois, ay pinaunlad ng mga Banal, at dito itinatag ang punong-himpilan ng Simbahan.

1–14, Inuutusan si Joseph Smith na magpalabas ng isang kapita-pitagang pagpapahayag ng ebanghelyo sa pangulo ng Estados Unidos, sa mga gobernador, at sa mga pinuno ng lahat ng bansa; 15–21, Pinagpapala sina Hyrum Smith, David W. Patten, Joseph Smith, Sr., at iba pa sa mga buhay at patay dahil sa kanilang karangalan at kabutihan; 22–28, Inuutusan ang mga Banal na magtayo ng isang bahay na matutuluyan ng mga dayuhan at pati na rin ng isang templo sa Nauvoo; 29–36, Kinakailangang isagawa sa mga templo ang mga pagbibinyag para sa mga patay; 37–44, Nagtatayo ang mga tao ng Panginoon ng mga templo sa tuwina para sa pagsasagawa ng mga banal na ordenansa; 45–55, Pinapayagan ang mga Banal na hindi magtayo ng templo sa Jackson County dahil sa pang-aapi ng kanilang mga kaaway; 56–83, Ibinibigay ang mga tagubilin para sa pagtatayo ng Bahay sa Nauvoo; 84–96, Si Hyrum Smith ay tinatawag na maging patriyarka, tumanggap ng mga susi, at tumayong kahalili ni Oliver Cowdery; 97–122, Pinapayuhan si William Law at ang iba pa sa kanilang mga gawain; 123–145, Tinutukoy ang mga pangkalahatan at lokal na pinuno, kabilang ang kanilang mga tungkulin at kinaaanibang korum.

1 Katotohanan, ganito ang wika ng Panginoon sa iyo, aking tagapaglingkod na Joseph Smith, ako ay labis na nalulugod sa iyong pag-aalay at mga pagpapatunay, na iyong ginagawa; sapagkat sa layuning ito kita ibinangon, upang maipakita ko ang aking karunungan sa pamamagitan ng mahihinang bagay ng sanlibutan.

2 Ang iyong mga panalangin ay katanggap-tanggap sa akin; at bilang tugon sa mga yaon, sinasabi ko sa iyo, ikaw ay inaatasan ngayon din na magpalabas ng isang kapita-pitagang pagpapahayag ng aking ebanghelyo, at ng istakang ito na aking itinatag upang maging isang batong panulok ng Sion, na pakikintabin ng pagpapakinis na nahahalintulad sa isang palasyo.

3 Ang pagpapahayag na ito ay gagawin sa lahat ng hari ng daigdig, sa apat na sulok nito, sa marangal na halal na pangulo, at sa mga kagalang-galang na gobernador ng bansa kung saan ka naninirahan, at sa lahat ng bansa sa mundo na nakakalat.

4 Isulat ito sa diwa ng kaamuan at alinsunod sa kapangyarihan ng Espiritu Santo, na mapapasaiyo sa oras ng pagsusulat ng gayundin;

5 Sapagkat ipaaalam sa iyo ng Espiritu Santo ang aking kalooban hinggil sa mga yaong hari at may kapangyarihan, maging kung ano ang sasapitin nila sa darating na panahon.

6 Sapagkat dinggin, ako ay malapit nang manawagan sa kanila na tumalima sa liwanag at kaluwalhatian ng Sion, sapagkat ang takdang panahon ay sumapit na upang tulungan siya.

7 Samakatwid, manawagan ka sa kanila nang may malakas na pagpapahayag, at ng may patotoo mo, hindi natatakot sa kanila, sapagkat sila ay tulad ng damo, at tulad ng bulaklak niyon ang lahat ng kanilang kabantugan na kapagdaka ay malalaglag, upang maiwan din silang walang maidadahilan—

8 At upang akin silang madalaw sa araw ng kaparusahan, kung kailan ko hahawiin ang takip sa aking mukha, upang itakda ang bahagi ng nagpapahirap sa mga mapagpaimbabaw, kung saan may pagngangalit ng mga ngipin, kung kanilang tatanggihan ang aking mga tagapaglingkod at ang aking patotoo na inihahayag ko sa kanila.

9 At muli, ako ay dadalaw at palalambutin ang kanilang mga puso, marami sa kanila para sa inyong ikabubuti, upang makatagpo kayo ng biyaya sa kanilang mga mata, nang makalapit sila sa liwanag ng katotohanan, at ang mga Gentil sa kadakilaan o pagtataas ng Sion.

10 Sapagkat ang araw ng aking pagpaparusa ay mabilis na sasapit, sa oras kung kailan hindi ninyo inaakala; at nasaan ang kaligtasan ng aking mga tao, at kublihan para sa mga yaong matitira sa kanila?

11 Gumising, O mga hari ng mundo! Lumapit kayo, O, lumapit kayo, na dala ang inyong ginto at inyong pilak, upang tumulong sa aking mga tao, sa bahay ng mga anak na babae ng Sion.

12 At muli, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, ang aking tagapaglingkod na si Robert B. Thompson ay tutulong sa iyong sumulat ng pagpapahayag na ito, sapagkat ako ay labis na nalulugod sa kanya, at na makasama mo siya;

13 Samakatwid, makinig siya sa iyong payo, at akin siyang pagpapalain ng pagkarami-raming pagpapala; siya ay maging tapat at tunay sa lahat ng bagay simula ngayon, at magiging dakila siya sa aking mga paningin;

14 Subalit tandaan niya na ang kanyang pangangasiwa ay aking ipasasagot sa kanyang mga kamay.

15 At muli, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, pinagpala ang aking tagapaglingkod na si Hyrum Smith; sapagkat ako, ang Panginoon, ay minamahal siya dahil sa karangalan ng kanyang puso, at dahil kanyang minamahal ang yaong matwid sa aking harapan, wika ng Panginoon.

16 Muli, ang aking tagapaglingkod na si John C. Bennett ay tulungan ka sa iyong gawain na ipalaganap ang aking salita sa mga hari at tao sa mundo, at umagapay sa iyo, maging sa iyo, na aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, sa oras ng paghihirap; at ang kanyang gantimpala ay hindi mawawala kung tatanggap siya ng payo.

17 At dahil sa kanyang pagmamahal ay magiging dakila siya, sapagkat magiging akin siya kung kanyang gagawin ito, wika ng Panginoon. Aking nakita ang gawaing kanyang ginawa, na tinatanggap ko kung magpapatuloy siya, at puputungan ko siya ng mga pagpapala at dakilang kaluwalhatian.

18 At muli, sinasabi ko sa iyo na aking kalooban na ang tagapaglingkod ko na si Lyman Wight ay magpatuloy sa pangangaral para sa Sion, sa diwa ng kaamuan, pinatototohanan ako sa daigdig; at akin siyang dadalhin na tila nasa mga pakpak ng mga agila; at siya ay magtatamo ng kaluwalhatian at karangalan para sa kanyang sarili at sa aking pangalan.

19 Upang kapag natapos niya ang kanyang gawain, maaari ko siyang tanggapin sa aking sarili, maging tulad ng ginawa ko sa aking tagapaglingkod na si David Patten, na kasama ko sa panahong ito, at gayundin ang aking tagapaglingkod na si Edward Partridge, at gayundin ang aking matandang tagapaglingkod na si Joseph Smith, Sen., na nakaupong kasama ni Abraham sa kanyang kanang kamay, at pinagpala at banal siya, sapagkat siya ay akin.

20 At muli, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, ang aking tagapaglingkod na si George Miller ay walang panlilinlang; maaari siyang pagkatiwalaan dahil sa karangalan ng kanyang puso; at dahil sa pagmamahal na mayroon siya sa aking patotoo, ako, ang Panginoon, ay minamahal siya.

21 Samakatwid, ako ay nagsasabi sa iyo, aking ipinagtitibay sa kanyang ulo ang katungkulan ng obispado, tulad sa aking tagapaglingkod na si Edward Partridge, upang kanyang matanggap ang mga paglalaan ng aking sambahayan, nang makapagkaloob siya ng mga pagpapala sa mga ulo ng mga maralita sa aking mga tao, wika ng Panginoon. Walang sinumang hahamak sa aking tagapaglingkod na si George, sapagkat bibigyang-karangalan niya ako.

22 Ang aking tagapaglingkod na si George, at ang aking tagapaglingkod na si Lyman, at ang aking tagapaglingkod na si John Snider, at ang iba pa, ay magtatayo ng isang bahay sa aking pangalan, tulad ng isa na ipakikita sa kanila ng aking tagapaglingkod na si Joseph, sa lugar na kanya ring ipakikita sa kanila.

23 At ito ay magiging isang bahay-paupahan, isang bahay kung saan maaaring tumuloy roon ang mga dayuhang galing sa malayo; kaya nga gawin itong isang mabuting bahay, karapat-dapat sa lahat ng pagtanggap, upang ang napapagod na manlalakbay ay maaaring magtamasa ng kalusugan at kaligtasan habang kanyang pagninilayan ang salita ng Panginoon; at ang batong-panulok na aking itinakda para sa Sion.

24 Ang bahay na ito ay magiging isang nakapagpapalusog na tirahan kung itatayo ito sa aking pangalan, at kung ang tagapamahala na itatalaga rito ay hindi pahihintulutan ang anumang karumihan na maparito. Ito ay magiging banal, o hindi mananahan dito ang Panginoon ninyong Diyos.

25 At muli, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, ang lahat ng aking banal ay pumarito mula sa malayo.

26 At magpadala ka ng mabibilis na sugo, oo, mga piniling sugo, at sabihin sa kanila: Pumarito kayo, dala ang lahat ng inyong ginto, at inyong pilak, at inyong mamahaling bato, at dala ang lahat ng inyong mga antigo; at kasama ang lahat ng may kaalaman tungkol sa mga antigo, upang ang paparito ay maparito, at dalhin ang puno ng abeto, at ang puno ng sipres, at ang puno ng pino, kasama ang lahat ng mahalagang puno ng mundo;

27 At may bakal, may tumbaga, at may tanso, at may zinc, at may lahat ng mamahaling bagay sa lupa; at magtayo ng isang bahay sa aking pangalan, upang manahanan doon ang Kataas-taasan.

28 Sapagkat walang lugar na matatagpuan sa mundo na maaari niyang paroonan at ibalik muli ang yaong nawala sa inyo, o ang yaong kanyang kinuha, maging ang kabuuan ng pagkasaserdote.

29 Sapagkat walang lugar na pinagbibinyagan sa mundo, upang sila, ang aking mga banal, ay maaaring binyagan para sa mga yaong patay—

30 Sapagkat ang ordenansang ito ay nabibilang sa aking bahay, at hindi magiging katanggap-tanggap sa akin, maliban sa mga araw ng inyong karalitaan, kung kailan hindi ninyo magagawang makapagtayo ng isang bahay para sa akin.

31 Subalit iniuutos ko sa inyo, lahat kayong mga banal ko, na magtayo ng bahay para sa akin; at pinagkakalooban ko kayo ng sapat na panahong magtayo ng bahay para sa akin; at sa panahong ito, ang inyong mga pagbibinyag ay magiging katanggap-tanggap sa akin.

32 Subalit dinggin, sa katapusan ng itinalagang panahong ito, ang inyong mga pagbibinyag para sa mga patay ninyo ay hindi magiging katanggap-tanggap sa akin; at kung hindi ninyo nagagawa ang mga bagay na ito sa katapusan ng itinalagang panahon, kayo ay ikakaila bilang isang simbahan, kasama ng inyong mga patay, wika ng Panginoon ninyong Diyos.

33 Sapagkat katotohanan, sinasabi ko sa inyo, na pagkaraang kayo ay magkaroon ng sapat na panahong magtayo ng bahay sa akin, kung saan nabibilang ang ordenansa ng pagbibinyag para sa mga patay, at kung ang gayundin ay itinatag bago pa ang pagkakatatag ng daigdig, hindi magiging katanggap-tanggap sa akin ang inyong mga pagbibinyag para sa mga patay ninyo;

34 Sapagkat para dito inorden ang mga susi ng banal na pagkasaserdote, upang kayo ay makatanggap ng karangalan at kaluwalhatian.

35 At pagkatapos ng panahong ito, ang inyong mga pagbibinyag para sa mga patay ng mga yaong nakakalat sa iba’t ibang lugar, ay hindi katanggap-tanggap sa akin, wika ng Panginoon.

36 Sapagkat inoorden na sa Sion, at sa kanyang mga istaka, at sa Jerusalem, ang mga yaong lugar na aking itinatakdang kanlungan, ang magiging mga lugar para sa inyong mga pagbibinyag para sa inyong mga patay.

37 At muli, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, paano magiging katanggap-tanggap sa akin ang inyong mga paghuhugas, maliban kung ginagawa ninyo ang mga ito sa isang bahay na inyong itinayo sa aking pangalan?

38 Sapagkat sa ganitong layunin ko inutusan si Moises na nararapat siyang magtayo ng tabernakulo, na nararapat nila itong dalhin kasama nila sa ilang, at na magtayo ng bahay sa lupang pangako, upang ang mga ordenansang yaon ay maihayag na natatago mula pa sa simula bago nilikha ang daigdig.

39 Samakatwid, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, na ang inyong mga pagpapahid ng langis, at inyong mga paghuhugas, at inyong mga pagbibinyag para sa mga patay, at inyong mga kapita-pitagang kapulungan, at inyong mga pag-alala sa mga hain ninyo sa pamamagitan ng mga anak na lalaki ni Levi, at sa mga orakulo ninyo sa inyong mga dakong kabanal-banalan kung saan kayo tumatanggap ng mga pag-uusap, at ang inyong mga panuntunan at kahatulan, para sa pagsisimula ng mga paghahayag at pagtatatag ng Sion, at para sa kaluwalhatian, karangalan, at pagkakaloob ng lahat ng nauukol sa kanyang mamamayan, ay inorden alinsunod sa ordenansa ng aking banal na bahay, na laging iniuutos sa aking mga tao na itayo sa aking banal na pangalan.

40 At katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ang bahay na ito ay itayo sa aking pangalan, upang aking maihayag ang mga ordenansa ko roon sa aking mga tao;

41 Sapagkat minarapat ko na ihayag sa aking simbahan ang mga bagay na pinanatiling nakatago bago pa ang pagkakatatag ng daigdig, mga bagay na nauukol sa dispensasyon ng kaganapan ng panahon.

42 At ipakikita ko sa aking tagapaglingkod na si Joseph ang lahat ng bagay na nauukol sa bahay na ito, at ang pagkasaserdote nito, at ang lugar kung saan ito itatayo.

43 At inyo itong itatayo sa lugar kung saan ninyo pinagnilay-nilayan itong itayo, sapagkat yaon ang pook na aking pinili para sa inyo na pagtayuan nito.

44 Kung kayo ay gagawa nang inyong buong lakas, aking ilalaan ang pook na ito upang ito ay maging banal.

45 At kung ang aking mga tao ay makikinig sa tinig ko, at sa tinig ng aking mga tagapaglingkod na itinatalaga ko na mamuno sa aking mga tao, dinggin, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, sila ay hindi mapaaalis mula sa kanilang lugar.

46 Subalit kung sila ay hindi makikinig sa aking tinig, ni sa tinig ng kalalakihang ito na aking itinatalaga, hindi sila pagpapalain, sapagkat kanilang dinurumihan ang aking mga banal na lupain, at ang aking mga banal na ordenansa, at mga kasunduan, at ang aking mga banal na salita na ibinibigay ko sa kanila.

47 At ito ay mangyayari na kung magtatayo kayo ng isang bahay sa aking pangalan, at hindi gagawin ang mga bagay na aking sinasabi, hindi ko isasagawa ang sumpa na aking ginagawa sa inyo, ni tutuparin ang mga pangako na inyong inaasahan sa aking mga kamay, wika ng Panginoon.

48 Sapagkat sa halip na mga pagpapala, kayo, dahil sa inyong sariling mga gawa, ay magdadala ng mga sumpa, poot, galit, at paghahatol sa sarili ninyong mga ulo, dahil sa inyong mga kahangalan, at dahil sa lahat ng inyong kasuklam-suklam na gawain, na ginagawa ninyo sa harapan ko, wika ng Panginoon.

49 Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, kapag ako ay nagbibigay ng kautusan sa sinuman sa mga anak na lalaki ng tao na gumawa ng isang gawain sa aking pangalan, at ang mga yaong anak na lalaki ng tao ay hahayo nang buong lakas nila at gagamitin ang lahat ng mayroon sila upang magampanan ang gawaing yaon, at hindi tumitigil sa kanilang pagsusumigasig, at kapag sumasalakay ang kanilang mga kaaway sa kanila at hinahadlangan silang magampanan ang gawaing yaon, dinggin, mamarapatin ko na huwag nang ipagawa ang gawaing yaon sa mga kamay ng mga yaong anak na lalaki ng tao, kundi tanggapin ang kanilang mga alay.

50 At ang kasamaan at paglabag sa aking mga banal na batas at kautusan ay aking ipapataw sa ulo ng mga yaong humahadlang sa aking gawain, hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi, yamang sila ay hindi nagsisisi, at napopoot sa akin, wika ng Panginoong Diyos.

51 Samakatwid, sa kadahilanang ito ko tinatanggap ang mga alay ng mga aking inuutusang magtayo ng isang lungsod at isang bahay sa aking pangalan, sa Jackson county, Missouri, at hinadlangan ng kanilang mga kaaway, wika ng Panginoon ninyong Diyos.

52 At susuklian ko sila ng paghahatol, poot, at galit, pananaghoy, at dalamhati, at pagngangalit ng mga ngipin sa kanilang mga ulo, hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi, yamang sila ay hindi nagsisisi, at napopoot sa akin, wika ng Panginoon ninyong Diyos.

53 At ito ay aking ginagawa bilang halimbawa sa inyo, para sa inyong kasiyahan hinggil sa lahat ng yaong inutusang gumawa ng gawain at hinadlangan ng mga kamay ng kanilang mga kaaway, at dahil sa pang-aapi, wika ng Panginoon ninyong Diyos.

54 Sapagkat ako ang Panginoon ninyong Diyos, at ililigtas ang lahat na yaong inyong mga kapatid na naging dalisay sa kanilang puso, at pinaslang sa lupain ng Missouri, wika ng Panginoon.

55 At muli, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, inuutusan ko kayong muli na magtayo ng bahay sa aking pangalan, maging sa lugar na ito, upang mapatunayan ninyo ang inyong sarili sa akin na kayo ay matatapat sa lahat ng bagay, anuman ang aking iniuutos sa inyo, upang akin kayong pagpalain, at putungan kayo ng karangalan, kawalang-kamatayan, at buhay na walang hanggan.

56 At ngayon, sinasabi ko sa inyo, ukol sa aking bahay-paupahan na iniuutos ko sa inyo na itayo upang upahan ng mga dayuhan, itayo ito sa aking pangalan, at ang aking pangalan ang ipangalan dito, at ang aking tagapaglingkod na si Joseph at ang kanyang sambahayan ay may lugar dito, sa bawat sali’t salinlahi.

57 Sapagkat ang paghihirang na ito ay ipinapataw ko sa kanyang ulo, upang ang kanyang pagpapala ay mapasaulo rin ng angkan niya na susunod sa kanya.

58 At tulad ng aking sinabi kay Abraham hinggil sa mga lahi sa mundo, maging gayon ang sinasabi ko sa aking tagapaglingkod na si Joseph: Sa iyo at sa iyong mga binhi, pagpapalain ang mga lahi sa mundo.

59 Samakatwid, ang aking tagapaglingkod na si Joseph at ang kanyang mga binhing susunod sa kanya ay may lugar sa bahay na yaon, sa bawat sali’t salinlahi, magpakailanman at walang katapusan, wika ng Panginoon.

60 At ang pangalan ng bahay na yaon ay tawaging Bahay sa Nauvoo; at ito ay magiging isang kalugud-lugod na tirahan para sa tao, at isang lugar-pahingahan para sa napapagod na manlalakbay, upang kanyang mapagnilay-nilayan ang kaluwalhatian ng Sion, at ang kaluwalhatian nito, ang batong panulok niyon;

61 Upang kanya ring matanggap ang payo mula sa mga yaong aking itinatalaga na maging tulad ng mga halaman ng kabantugan, at tulad ng mga tagabantay sa kanyang mga pader.

62 Dinggin, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ang aking tagapaglingkod na si George Miller, at aking tagapaglingkod na si Lyman Wight, at aking tagapaglingkod na si John Snider, at aking tagapaglingkod na si Peter Haws, ay ayusin ang kanilang sarili, at italaga ang isa sa kanila na maging isang pangulo sa kanilang korum para sa layunin ng pagtatayo ng bahay na iyon.

63 At bubuo sila ng isang saligang-batas, sa pamamagitan nito ay makatatanggap sila ng saping-puhunan para sa pagtatayo ng bahay na iyon.

64 At sila ay hindi tatanggap ng mababa sa limampung dolyar para sa isang bahagi ng saping-puhunan sa bahay na iyon, at pahihintulutan silang tumanggap ng labinlimang libong dolyar mula sa isang tao para sa saping-puhunan sa bahay na iyon.

65 Subalit sila ay hindi pahihintulutang tumanggap ng higit sa labinlimang libong dolyar na saping-puhunan mula sa isang tao.

66 At sila ay hindi pahihintulutang tumanggap ng mababa sa limampung dolyar para sa isang bahagi ng saping-puhunan mula sa isang tao sa bahay na iyon.

67 At sila ay hindi pahihintulutang tumanggap ng sinumang tao, bilang isang namumuhunan sa bahay na ito, maliban kung ang yaon din ay magbabayad ng kanyang saping-puhunan sa kanilang mga kamay sa oras na tumanggap siya ng saping-puhunan;

68 At katumbas ng halaga ng saping-puhunan na kanyang ibinabayad sa kanilang mga kamay, siya ay tatanggap ng saping-puhunan sa bahay na iyon; subalit kung wala siyang ibinabayad sa kanilang mga kamay, siya ay hindi tatanggap ng anumang saping-puhunan sa bahay na iyon.

69 At kung may sinumang nagbabayad ng saping-puhunan sa kanilang mga kamay, ito ay magiging saping-puhunan sa bahay na iyon, para sa kanyang sarili, at para sa susunod niyang salinlahi, sa bawat sali’t salinlahi, yamang hinahawakan niya at ng kanyang mga tagapagmana ang saping-puhunan na yaon, at hindi ipagbibili o ipamimigay ang saping-puhunan mula sa kanilang mga kamay gamit ang kanilang pagkukusang-loob at pagkilos, kung inyong gagawin ang aking kalooban, wika ng Panginoon ninyong Diyos.

70 At muli, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, kung ang aking tagapaglingkod na si George Miller, at aking tagapaglingkod na si Lyman Wight, at aking tagapaglingkod na si John Snider, at aking tagapaglingkod na si Peter Haws, ay tatanggap ng ilanmang saping-puhunan sa kanilang mga kamay, na mga salapi, o mga ari-arian kung saan sila ay tumatanggap ng tunay na halaga ng mga salapi, hindi sila maglalaan ng ilanmang bahagi ng saping-puhunan na yaon sa anumang iba pang layunin, tanging sa bahay lamang na iyon.

71 At kung sila ay maglalaan ng ilanmang bahagi ng saping-puhunan na yaon sa iba pa, tanging sa bahay lamang na iyon, nang walang pahintulot ng namumuhunan, at hindi nagbabayad nang makaapat na ulit para sa saping-puhunan na kanilang inilalaan sa iba pa, tanging sa bahay lamang na iyon, sila ay isusumpa, at aalisin sa kanilang kinaroroonan, wika ng Panginoong Diyos; sapagkat ako, ang Panginoon, ay Diyos, at hindi maaaring kutyain sa alinman sa mga bagay na ito.

72 Katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ang aking tagapaglingkod na si Joseph ay magbayad ng saping-puhunan sa kanilang mga kamay para sa pagtatayo ng bahay na iyon, alinsunod sa palagay niyang makabubuti; subalit ang aking tagapaglingkod na si Joseph ay hindi makapagbabayad ng higit sa labinlimang libong dolyar na saping-puhunan sa bahay na iyon, ni mababa sa limampung dolyar; ni ang sinumang iba pang tao, wika ng Panginoon.

73 At mayroon ding iba na nagnanais na malaman ang aking kalooban hinggil sa kanila, sapagkat kanilang hiniling ito sa aking mga kamay.

74 Samakatwid, sinasabi ko sa inyo hinggil sa aking tagapaglingkod na si Vinson Knight, kung gagawin niya ang aking kalooban, magbayad siya ng saping-puhunan sa bahay na iyon para sa kanyang sarili, at para sa susunod niyang salinlahi, sa bawat sali’t salinlahi.

75 At itaas niya ang kanyang tinig nang matagal at malakas, sa gitna ng mga tao, upang ipagtanggol ang kapakanan ng mga maralita at nangangailangan; at huwag siyang mabibigo, ni huwag manghihina ang kanyang puso; at aking tatanggapin ang kanyang mga pag-aalay, sapagkat ang mga ito ay hindi matutulad sa mga pag-aalay ni Cain sa akin, sapagkat magiging akin siya, wika ng Panginoon.

76 Magsaya ang kanyang mag-anak at ilayo ang kanilang mga puso sa paghihirap; sapagkat aking pinili siya at hinirang siya, at siya ay pararangalan sa gitna ng kanyang sambahayan, sapagkat aking patatawarin ang lahat ng kanyang kasalanan, wika ng Panginoon. Amen.

77 Katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ang aking tagapaglingkod na si Hyrum ay magbayad ng saping-puhunan sa bahay na iyon alinsunod sa palagay niyang makabubuti, para sa kanyang sarili at sa susunod niyang salinlahi, sa bawat sali’t salinlahi.

78 Ang aking tagapaglingkod na si Isaac Galland ay magbayad ng saping-puhunan sa bahay na iyon; sapagkat ako, ang Panginoon, ay minamahal siya dahil sa gawain na kanyang ginawa, at patatawarin ang lahat ng kanyang kasalanan; kaya nga, siya ay maaalala na may pinamuhunan sa bahay na iyon sa bawat sali’t salinlahi.

79 Ang aking tagapaglingkod na si Isaac Galland ay italaga na kasama ninyo, at iorden ng aking tagapaglingkod na si William Marks, at basbasan niya, na sumama sa aking tagapaglingkod na si Hyrum upang tuparin ang gawain na tutukuyin sa kanila ng aking tagapaglingkod na si Joseph, at sila ay labis na pagpapalain.

80 Ang aking tagapaglingkod na si William Marks ay magbayad ng saping-puhunan sa bahay na iyon, alinsunod sa palagay niyang makabubuti, para sa kanyang sarili at sa kanyang salinlahi, sa bawat sali’t salinlahi.

81 Ang aking tagapaglingkod na si Henry G. Sherwood ay magbayad ng saping-puhunan sa bahay na iyon, alinsunod sa palagay niyang makabubuti, para sa kanyang sarili at sa mga binhi niya na susunod sa kanya, sa bawat sali’t salinlahi.

82 Ang aking tagapaglingkod na si William Law ay magbayad ng saping-puhunan sa bahay na iyon, para sa kanyang sarili at sa mga binhi niya na susunod sa kanya, sa bawat sali’t salinlahi.

83 Kung gagawin niya ang aking kalooban, huwag niyang isama ang kanyang mag-anak sa mga lupain sa silangan, maging sa Kirtland; gayunpaman, ako, ang Panginoon, ang magtatayo sa Kirtland, subalit ako, ang Panginoon, ay may parusang inihahanda para sa mga naninirahan doon.

84 At sa aking tagapaglingkod na si Almon Babbitt, maraming bagay ang hindi ko kinasisiyahan; dinggin, siya ay nagmimithing ipilit ang kanyang payo sa halip na ang payo na aking inorden, maging iyong sa Panguluhan ng aking Simbahan; at siya ay lumilikha ng isang gintong guya para sambahin ng aking mga tao.

85 Walang sinuman ang lilisan mula sa lugar na ito na nagtutungo ritong nagsusumikap na sundin ang aking mga kautusan.

86 Kung maninirahan sila rito, mamuhay sila para sa akin; at kung mamamatay sila, mamatay sila para sa akin; sapagkat sila ay mamamahinga mula sa lahat ng kanilang gawain dito, at magpapatuloy ng kanilang mga gawa.

87 Anupa’t magtiwala sa akin ang tagapaglingkod ko na si William, at huwag nang matakot hinggil sa kanyang mag-anak, dahil sa karamdaman sa lupain. Kung minamahal ninyo ako, sundin ang aking mga kautusan; at ang karamdaman sa lupain ay magbibigay ng kaluwalhatian sa inyo.

88 Ang aking tagapaglingkod na si William ay humayo at magpahayag ng aking walang hanggang ebanghelyo nang may malakas na tinig, at may labis na kagalakan, kapag pinapahiwatigan siya ng aking Espiritu, sa mga naninirahan sa Warsaw, at gayundin sa mga naninirahan sa Carthage, at gayundin sa mga naninirahan sa Burlington, at gayundin sa mga naninirahan sa Madison, at maghintay nang may pagtitiis at pagsusumigasig para sa mga karagdagang tagubilin sa aking pangkalahatang pagpupulong, wika ng Panginoon.

89 Kung gagawin niya ang aking kalooban, mula ngayon ay makinig siya sa payo ng aking tagapaglingkod na si Joseph, at gamit ang kanyang pinamuhunan ay itaguyod ang kapakanan ng mga maralita, at ilathala ang bagong pagkakasalin ng aking banal na salita sa mga naninirahan sa mundo.

90 At kung gagawin niya ito, akin siyang pagpapalain ng pagkarami-raming pagpapala, kung kaya’t hindi siya pababayaan, ni hindi makikitang nanlilimos ng tinapay ang kanyang mga binhi.

91 At muli, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ang aking tagapaglingkod na si William ay italaga, iorden, at hirangin bilang tagapayo ng aking tagapaglingkod na si Joseph, kahalili ng aking tagapaglingkod na si Hyrum, upang matanggap ng aking tagapaglingkod na si Hyrum ang katungkulan ng Pagkasaserdote at Patriyarka, na itinalaga sa kanya ng ama niya, sa pamamagitan ng pagbabasbas at sa pamamagitan din ng karapatan;

92 Kaya simula ngayon, tataglayin niya ang mga susi ng mga pagbabasbas ng patriyarka sa mga ulo ng lahat ng aking mga tao,

93 Kaya sinumang binabasbasan niya ay pagpapalain, at sinumang isinusumpa niya ay susumpain; kaya ang anumang kanyang ibubuklod sa lupa ay mabubuklod sa langit; at anuman ang kanyang paghihiwalayin sa lupa ay mahihiwalay sa langit.

94 At simula sa oras na ito, aking itinatalaga siya na maging isang propeta, at isang tagakita, at isang tagapaghayag sa aking simbahan, kasama ng aking tagapaglingkod na si Joseph;

95 Upang siya ay makakilos nang kaayon din ng aking tagapaglingkod na si Joseph; at na makatanggap siya ng payo mula sa aking tagapaglingkod na si Joseph, na siyang magpapakita sa kanya ng mga susi nang sa pamamagitan niyon, siya ay makapagtanong at makatanggap, at maputungan ng gayunding pagpapala, at kaluwalhatian, at karangalan, at pagkasaserdote, at mga kaloob ng pagkasaserdote, na noon ay ipinagkaloob sa kanya na aking tagapaglingkod na si Oliver Cowdery;

96 Upang ang aking tagapaglingkod na si Hyrum ay makapagpatotoo tungkol sa mga bagay na aking ipakikita sa kanya, nang ang pangalan niya ay maalalang marangal sa bawat sali’t salinlahi, magpakailanman at walang katapusan.

97 Tanggapin din ng aking tagapaglingkod na si William Law ang mga susi nang sa pamamagitan niyon, siya ay makahiling at makatanggap ng mga pagpapala; siya ay maging mapagpakumbaba sa harapan ko, at mawalan ng panlilinlang, at matatanggap niya ang aking Espiritu, maging ang Mang-aaliw, na maghahayag sa kanya ng katotohanan ng lahat ng bagay, at ibibigay sa kanya, sa oras ding iyon, kung ano ang kanyang sasabihin.

98 At ang mga tandang ito ay susunod sa kanya—siya ay magpapagaling ng may sakit, siya ay magtataboy ng mga diyablo, at maliligtas mula sa mga yaong magbibigay sa kanya ng nakamamatay na lason;

99 At siya ay aakayin sa mga landas kung saan hindi masusunggaban ng makamandag na ahas ang kanyang sakong, at magagawa niyang matayog ang pag-iisip sa kanyang mga saloobin na para bang nasa mga pakpak ng mga agila.

100 At kung aking loloobin na nararapat siyang bumuhay ng patay, huwag niyang pipigilin ang kanyang tinig.

101 Samakatwid, ang aking tagapaglingkod na si William ay manawagan nang malakas at huwag manahimik, nang may kagalakan at kasiyahan, at may mga hosana sa kanya na nakaupo sa luklukan magpakailanman at walang katapusan, wika ng Panginoon ninyong Diyos.

102 Dinggin, sinasabi ko sa inyo, ako ay may misyong nakahanda para sa aking tagapaglingkod na si William, at sa aking tagapaglingkod na si Hyrum, at para sa kanila lamang; at ang aking tagapaglingkod na si Joseph ay manatili sa tahanan, sapagkat kinakailangan siya. Ang nalalabi ay aking ihahayag sa inyo pagkaraan nito. Maging gayon nga. Amen.

103 At muli, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, kung ang aking tagapaglingkod na si Sidney ay maglilingkod sa akin at magiging tagapayo ng aking tagapaglingkod na si Joseph, siya ay bumangon at lumapit at kumilos sa katungkulan ng kanyang tungkulin, at magpakumbaba ng kanyang sarili sa harapan ko.

104 At kung siya ay mag-aalay sa akin ng isang katanggap-tanggap na pag-aalay, at mga pagpapatunay, at mananatili sa aking mga tao, dinggin, ako, ang Panginoon ninyong Diyos, ay pagagalingin siya upang gumaling siya; at siya ay muling magtataas ng kanyang tinig sa kabundukan, at magiging tagapagsalita sa aking harapan.

105 Siya ay magtungo at patirahin ang kanyang mag-anak sa kapitbahayan kung saan naninirahan ang aking tagapaglingkod na si Joseph.

106 At sa lahat ng kanyang paglalakbay, magtaas siya ng kanyang tinig tulad ng tunog ng isang trumpeta, at balaan ang mga naninirahan sa mundo na takasan ang poot na darating.

107 Tulungan niya ang aking tagapaglingkod na si Joseph, at tulungan din ng aking tagapaglingkod na si William Law ang aking tagapaglingkod na si Joseph, sa pagpapalabas ng isang kapita-pitagang pagpapahayag sa mga hari ng mundo, maging tulad ng aking sinabi noon sa inyo.

108 Kung gagawin ng aking tagapaglingkod na si Sidney ang aking kalooban, huwag niyang ilipat ang kanyang mag-anak sa mga lupain sa silangan, kundi ibahin niya ang kanilang tinitirahan, maging tulad ng aking sinasabi.

109 Dinggin, hindi ko kalooban na siya ay maghangad na humanap ng kaligtasan at kublihan sa labas ng lungsod na aking itinatalaga sa inyo, maging ang lungsod ng Nauvoo.

110 Katotohanan, sinasabi ko sa inyo, maging ngayon, kung siya ay makikinig sa aking tinig, makabubuti ito sa kanya. Maging gayon nga. Amen.

111 At muli, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, magbayad ang aking tagapaglingkod na si Amos Davies ng saping-puhunan sa mga kamay ng mga yaong itinatalaga kong magtayo ng isang bahay-paupahan, maging ang Bahay sa Nauvoo.

112 Ito ay kanyang gawin kung nais niyang magkaroon ng pinamuhunan; at makinig siya sa payo ng aking tagapaglingkod na si Joseph, at gumawa sa pamamagitan ng kanyang sariling mga kamay upang kanyang matamo ang pagtitiwala ng mga tao.

113 At kapag kanyang napatunayan ang kanyang sarili na matapat sa lahat ng bagay na ipagkakatiwala sa kanyang pangangalaga, oo, maging sa ilang bagay, siya ay gagawing tagapamahala sa marami;

114 Samakatwid, ibaba niya ang kanyang sarili upang siya ay itaas. Maging gayon nga. Amen.

115 At muli, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, kung susundin ng aking tagapaglingkod na si Robert D. Foster ang aking tinig, magtayo siya ng isang bahay para sa aking tagapaglingkod na si Joseph, alinsunod sa kasunduang ginagawa niya sa kanya, sa tuwing ang pinto ay bubuksan sa kanya sa pana-panahon.

116 At magsisi siya sa lahat ng kanyang kahangalan, at damitan ang kanyang sarili ng pag-ibig sa kapwa-tao; at tumigil sa paggawa ng kasamaan, at ihinto ang lahat ng kanyang malupit na pananalita;

117 At magbayad din ng saping-puhunan sa mga kamay ng korum ng Bahay sa Nauvoo, para sa kanyang sarili at para sa kanyang salinlahi na susunod sa kanya, sa bawat sali’t salinlahi;

118 At makinig sa payo ng aking mga tagapaglingkod na sina Joseph, at Hyrum, at William Law, at sa mga may kapangyarihan na aking tinatawag na magtatag ng saligan ng Sion; at makabubuti ito sa kanya magpakailanman at walang katapusan. Maging gayon nga. Amen.

119 At muli, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, walang sinumang magbabayad ng saping-puhunan sa korum ng Bahay sa Nauvoo maliban kung siya ay isang naniniwala sa Aklat ni Mormon, at sa mga paghahayag na aking ibinibigay sa inyo, wika ng Panginoon ninyong Diyos;

120 Sapagkat ang yaong higit o kulang dito ay nagmumula sa masama, at lalakipan ng mga sumpa at hindi ng mga pagpapala, wika ng Panginoon ninyong Diyos. Maging gayon nga. Amen.

121 At muli, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, tumanggap ng makatarungang sahod ang korum ng Bahay sa Nauvoo para sa lahat ng kanilang gawain na kanilang ginagawa sa pagtatayo ng Bahay sa Nauvoo; at ang kanilang mga sahod ay maalinsunod sa napagkasunduan nila sa kanilang sarili, hinggil sa halaga nito.

122 At ang bawat taong nagbabayad ng saping-puhunan ay pasanin ang nauukol na bahagi ng kanilang sahod, kung talagang kinakailangan, bilang kanilang panustos, wika ng Panginoon; kung hindi, ang kanilang mga gawain ay ituturing na kanilang saping-puhunan sa bahay na iyon. Maging gayon nga. Amen.

123 Katotohanan, sinasabi ko sa inyo, akin ngayong ipinakikilala sa inyo ang mga pinunong nabibilang sa aking Pagkasaserdote, upang inyong mataglay ang mga susi nito, maging ang Pagkasaserdote na naaalinsunod sa orden ni Melquisedec, na naaalinsunod sa orden ng aking Tanging Bugtong na Anak.

124 Una, aking ibinibigay sa inyo si Hyrum Smith na maging patriyarka sa inyo, na taglayin ang mga pagpapala ng pagbubuklod ng aking simbahan, maging ang Banal na Espiritu ng pangako, na nagbubuklod sa inyo hanggang sa araw ng pagtubos, upang kayo ay hindi mahulog sa kabila ng oras ng tukso na maaaring gumulat sa inyo.

125 Aking ibinibigay sa inyo ang tagapaglingkod ko na si Joseph na maging namumunong elder sa aking buong simbahan, na maging tagapagsalin, tagapaghayag, tagakita, at propeta.

126 Aking ibinibigay sa kanya na maging mga tagapayo ang aking tagapaglingkod na si Sidney Rigdon at ang aking tagapaglingkod na si William Law, upang sila ang bumuo ng isang korum at Unang Panguluhan, na tatanggap ng mga orakulo para sa buong simbahan.

127 Aking ibinibigay sa inyo ang tagapaglingkod ko na si Brigham Young na maging pangulo ng Labindalawang naglalakbay na kapulungan;

128 Na Labindalawang nagtataglay ng mga susi sa pagbubukas ng kapangyarihan ng aking kaharian sa apat na sulok ng mundo, at pagkatapos, ipalaganap ang aking salita sa bawat nilikha.

129 Sila ay sina Heber C. Kimball, Parley P. Pratt, Orson Pratt, Orson Hyde, William Smith, John Taylor, John E. Page, Wilford Woodruff, Willard Richards, George A. Smith;

130 Si David Patten ay aking kinuha para sa aking sarili; dinggin, walang sinumang makakukuha ng pagkasaserdote niya mula sa kanya; subalit, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, may ibang maitatalaga sa gayunding tungkulin.

131 At muli, aking sinasabi sa inyo, ako ay nagbibigay sa inyo ng isang mataas na kapulungan, bilang batong panulok ng Sion—

132 Ang mga pangalan nila ay Samuel Bent, Henry G. Sherwood, George W. Harris, Charles C. Rich, Thomas Grover, Newel Knight, David Dort, Dunbar Wilson—si Seymour Brunson ay aking kinuha para sa aking sarili; walang sinumang makakukuha ng kanyang pagkasaserdote, subalit may ibang maitatalaga sa gayunding pagkasaserdote bilang kahalili niya; at katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ang aking tagapaglingkod na si Aaron Johnson ay iorden sa tungkuling ito bilang kahalili niya—David Fullmer, Alpheus Cutler, William Huntington.

133 At muli, aking ibinibigay sa inyo si Don C. Smith na maging pangulo ng isang korum ng matataas na saserdote;

134 Na ordenansang itinatatag para sa layunin na maging karapat-dapat ang mga yaong itatalagang mga namamalaging pangulo o tagapaglingkod sa iba’t ibang istaka na nakakalat;

135 At sila ay maaari ding maglakbay kung kanilang pipiliin, datapwat ioorden sila na maging mga namamalaging pangulo; ito ang katungkulan ng kanilang tungkulin, wika ng Panginoon ninyong Diyos.

136 Aking ibinibigay sa kanya sina Amasa Lyman at Noah Packard bilang mga tagapayo, upang sila ay mamuno sa korum ng matataas na saserdote ng aking simbahan, wika ng Panginoon.

137 At muli, sinasabi ko sa inyo, aking ibinibigay sa inyo sina John A. Hicks, Samuel Williams, at Jesse Baker, na ang pagkasaserdote ay mamuno sa korum ng mga elder, na korum na itinatatag para sa mga namamalaging tagapanglingkod; gayunpaman, sila ay maaaring maglakbay, gayunman, inoorden sila na maging mga namamalaging tagapaglingkod sa aking simbahan, wika ng Panginoon.

138 At muli, aking ibinibigay sa inyo sina Joseph Young, Josiah Butterfield, Daniel Miles, Henry Herriman, Zera Pulsipher, Levi Hancock, James Foster, na mamuno sa korum ng mga pitumpu;

139 Na korum na itinatatag para sa mga naglalakbay na elder upang patotohanan ang aking pangalan sa buong daigdig, kung saanman sila isusugo ng naglalakbay na mataas na kapulungan, ang aking mga apostol, upang ihanda ang daan sa aking harapan.

140 Ang kaibahan sa pagitan ng korum na ito at ng korum ng mga elder ay patuloy na naglalakbay ang isa, at namumuno ang isa sa mga simbahan sa pana-panahon; ang isa ay may tungkuling mamuno sa pana-panahon, at ang isa ay walang tungkuling mamuno, wika ng Panginoon ninyong Diyos.

141 At muli, aking sinasabi sa inyo, aking ibinibigay sa inyo sina Vinson Knight, Samuel H. Smith, at Shadrach Roundy, kung kanyang tatanggapin ito, na mamuno sa obispado; ang kaalaman tungkol sa nabanggit na obispado ay ibinibigay sa inyo sa aklat ng Doktrina at mga Tipan.

142 At muli, aking sinasabi sa inyo, si Samuel Rolfe at ang kanyang mga tagapayo ay para sa mga saserdote, at ang pangulo ng mga guro at ang kanyang mga tagapayo, at gayundin ang pangulo ng mga diyakono at ang kanyang mga tagapayo, at gayundin ang pangulo ng istaka at ang kanyang mga tagapayo.

143 Ang mga katungkulan sa itaas ay aking ibinibigay sa inyo, at ang mga susi ng mga iyon, para maging tulong at para sa pamamahala, para sa gawain ng paglilingkod at sa pagpapaganap sa mga banal.

144 At isang kautusan ang aking ibinibigay sa inyo, na nararapat ninyong punan ang lahat ng katungkulang ito at sang-ayunan ang mga yaong pangalan na aking binanggit, o kung hindi ay huwag silang tanggapin sa aking pangkalahatang pagpupulong;

145 At na nararapat kayong maghanda ng mga silid para sa lahat ng katungkulang ito sa aking bahay kapag inyong itinayo ito sa aking pangalan, wika ng Panginoon ninyong Diyos. Maging gayon nga. Amen.