Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 127


Bahagi 127

Isang liham mula kay Joseph Smith, ang Propeta, para sa mga Banal sa mga Huling Araw sa Nauvoo, Illinois, na naglalaman ng mga tagubilin tungkol sa pagbibinyag para sa mga patay, na isinulat sa Nauvoo, Setyembre 1, 1842.

1–4, Si Joseph Smith ay nagagalak sa pag-uusig at paghihirap; 5–12, Kinakailangang mag-ingat ng mga tala hinggil sa pagbibinyag para sa mga patay.

1 Yamang inihahayag sa akin ng Panginoon na ang mga kaaway ko, kapwa sa Missouri at sa Estadong ito, ay muling tumutugis sa akin; at yamang tinutugis nila ako nang walang kadahilanan, at wala ni kaunti mang anino o kulay ng katarungan o katwiran sa kanilang panig sa pagbubuo ng kanilang maiuusig sa akin; at yamang ang kanilang mga pagkukunwari ay nakabatay lahat sa kasinungalingan ng pinakamaitim na pangulay, iniisip ko na ito ay marapat at karunungan sa akin na sandaling lisanin ang lugar, para sa aking sariling kaligtasan at sa kaligtasan ng mga taong ito. Nais kong sabihin sa lahat ng yaong nakikipagkalakalan ako na aking ipinauubaya ang mga negosyo sa mga kinatawan at klerk na silang tutupad sa lahat ng pangangalakal sa mabalis at wastong pamamaraan, at titiyakin na lahat ng aking utang ay nababayaran sa takdang panahon, sa pamamagitan ng pagkakalakal ng ari-arian, o sa ibang paraan, kung hihingin ng pagkakataon, o kung ipahihintulot ng mga pangyayari. Kapag aking napag-alaman na ang bagyo ay ganap nang humupa, pagkatapos noon, ako magbabalik sa inyong muli.

2 At hinggil sa mga panganib na itinatakdang maranasan ko, ang mga ito ay tila maliliit na bagay para sa akin, sapagkat pangkaraniwang bagay para sa akin ang inggit at poot ng tao sa lahat ng araw ng aking buhay; at kung para saang layunin, ito ay tila mahiwaga, maliban kung inorden ako mula pa sa pagkakatatag ng daigdig para sa ilang mabuting layunin, o masama, anuman ang inyong pipiliing itawag dito. Kayo ang humatol para sa inyong sarili. Nalalaman ng Diyos ang lahat ng bagay na ito, maging ito man ay mabuti o masama. Subalit gayunpaman, malalim na tubig ang aking kinasanayang languyin. Itong lahat ay naging pangkaraniwan na sa akin; at nadarama ko, tulad ni Pablo, na magalak sa paghihirap; sapagkat hanggang sa araw na ito, ang Diyos ng aking mga ama ay inililigtas ako sa lahat ng ito, at ililigtas ako magmula ngayon; sapagkat dinggin, at makinig, magtatagumpay ako sa lahat ng aking mga kaaway, sapagkat ang Panginoong Diyos ang nangusap nito.

3 Samakatwid, magsaya ang lahat ng banal at labis na magalak; sapagkat ang Diyos ng Israel ang kanilang Diyos, at susukatin niya ang kaukulang kabayaran bilang ganti sa mga ulo ng lahat ng nang-aapi sa kanila.

4 At muli, katotohanan, ganito ang wika ng Panginoon: Ang gawain sa aking templo, at lahat ng gawaing itinatakda ko sa inyo, ay ipagpatuloy at huwag itigil; at ang inyong pagsusumigasig, at inyong pagtitiyaga, at pagtitiis, at inyong mga gawain ay pag-ibayuhin, at hindi mawawala sa inyo ang gantimpala ninyo, wika ng Panginoon ng mga Hukbo. At kung uusigin nila kayo, sa gayundin nila inusig ang mga propeta at mga matwid na kalalakihan na nangauna sa inyo. Sapagkat ang lahat ng ito ay may gantimpala sa langit.

5 At muli, nagbibigay ako sa inyo ng isang mensahe hinggil sa pagbibinyag para sa inyong mga patay.

6 Katotohanan, ganito ang wika ng Panginoon sa inyo hinggil sa mga patay ninyo: Kapag sinuman sa inyo ang binibinyagan para sa mga patay ninyo, magkaroon ng tagapagtala, at magiging saksi siya sa inyong mga pagbibinyag; makinig siya gamit ang kanyang mga tainga, upang siya ay makapagpatotoo nang totoo, wika ng Panginoon;

7 Upang ang lahat ng inyong pagtatala ay maitala sa langit; anumang ibinubuklod ninyo sa lupa ay mabubuklod sa langit; anumang ipinaghihiwalay ninyo sa lupa ay mapaghihiwalay sa langit;

8 Sapagkat ako ay malapit nang magpanumbalik ng maraming bagay sa mundo, na nauukol sa pagkasaserdote, wika ng Panginoon ng mga Hukbo.

9 At muli, ang lahat ng tala ay isaayos, upang mailagay ang mga ito sa mga arkibo sa aking banal na templo, upang maalala sa bawat sali’t salinlahi, wika ng Panginoon ng mga Hukbo.

10 Aking sasabihin sa lahat ng banal na ninanais ko, nang may labis-labis na pagnanais, na magsalita sa kanila mula sa pulpito tungkol sa paksa ng pagbibinyag para sa mga patay, sa susunod na Sabbath. Subalit sapagkat wala sa aking kapangyarihang gawin ang gayon, isusulat ko ang salita ng Panginoon sa pana-panahon, tungkol sa paksang yaon, at ipadadala ito sa inyo sa pamamagitan ng koreo, gayundin tungkol sa marami pang ibang bagay.

11 Akin na ngayong tinatapos ang liham ko sa kasalukuyan, dahil sa kakulangan ng oras; sapagkat ang kaaway ay alisto, at tulad ng sinabi ng Tagapagligtas, dumarating ang prinsipe ng sanlibutang ito, subalit wala siyang kapangyarihan sa akin.

12 Dinggin, ang aking panalangin sa Diyos ay maligtas kayong lahat. At inilalagda ko ang aking sarili na inyong tagapaglingkod sa Panginoon, propeta at tagakita ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Joseph Smith.