Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 12


Bahagi 12

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, kay Joseph Knight, Sr., sa Harmony, Pennsylvania, Mayo 1829. Si Joseph Knight ay naniwala sa mga sinabi ni Joseph Smith hinggil sa kanyang pagmamay-ari ng mga lamina ng Aklat ni Mormon at sa gawain ng pagsasalin na ginagawa noon at ilang ulit na nagbigay ng pantustos na tulong kay Joseph Smith at sa kanyang tagasulat, na nagpahintulot sa kanilang makapagpatuloy sa pagsasalin. Sa kahilingan ni Joseph Knight, nagtanong ang Propeta sa Panginoon at natanggap ang paghahayag na ito.

1–6, Magtatamo ng kaligtasan ang mga manggagawa sa ubasan; 7–9, Ang lahat ng nagnanais at karapat-dapat ay maaaring tumulong sa gawain ng Panginoon.

1 Isang dakila at kagila-gilalas na gawain ang malapit nang maganap sa mga anak ng tao.

2 Dinggin, ako ang Diyos; tumalima sa aking salita, na buhay at makapangyarihan, higit na matalas kaysa sa espadang may dalawang talim, sa paghahati ng mga kasu-kasuan at ng utak sa buto; kaya nga, tumalima sa aking mga salita.

3 Dinggin, ang bukid ay puti na at handa nang anihin; kaya nga, sinuman ang nagnanais na umani, ikampay niya ang kanyang karit nang buo niyang lakas, at mag-ani habang may araw pa, upang siya ay makapag-ipon ng walang katapusang kaligtasan para sa kanyang kaluluwa sa kaharian ng Diyos.

4 Oo, sinumang magkakampay sa kanyang karit at mag-aani, siya rin ay tinawag ng Diyos.

5 Samakatwid, kung hihingi kayo sa akin ay makatatanggap kayo; kung kakatok kayo ay pagbubuksan kayo.

6 Ngayon, sapagkat kayo ay humingi, dinggin, sinasabi ko sa inyo, sundin ang aking mga kautusan, at hangaring itatag at patibayin ang layunin ng Sion.

7 Dinggin, nangungusap ako sa iyo, at gayundin sa lahat ng yaong nagnanais na gawin at itatag ang gawaing ito;

8 At walang sinuman ang makatutulong sa gawaing ito maliban kung siya ay magiging mapagpakumbaba at puno ng pagmamahal, may pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa-tao, na mapagtimpi sa lahat ng bagay, anuman ang ipinagkatiwala sa kanyang pangangalaga.

9 Dinggin, ako ang ilaw at ang buhay ng sanlibutan, na nangungusap ng mga salitang ito, kaya nga tumalima nang buo mong kakayahan, at pagkatapos, ikaw ay tatawagin. Amen.