Bahagi 14
Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, kay David Whitmer, sa Fayette, New York, Hunyo 1829. Labis na naging interesado ang mag-anak na Whitmer sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon. Nanirahan ang Propeta sa tahanan ni Peter Whitmer, Sr., kung saan siya namalagi hanggang matapos ang gawain ng pagsasalin at matamo ang karapatang ilathala ang ilalabas na aklat. Ang tatlo sa mga anak na lalaki ng mag-anak na Whitmer, bawat isa ay nakatanggap ng patotoo sa katotohanan ng gawain, ay labis na nabahala hinggil sa kalagayan ng kani-kanilang tungkulin. Ang paghahayag na ito at ang dalawa pang sumunod (mga bahagi 15 at 16) ay ibinigay bilang kasagutan sa pagtatanong sa pamamagitan ng Urim at Tummim. Kalaunan, si David Whitmer ay naging isa sa mga Tatlong Saksi sa Aklat ni Mormon.
1–6, Magtatamo ng kaligtasan ang mga manggagawa sa ubasan; 7–8, Ang buhay na walang hanggan ang pinakadakila sa mga kaloob ng Diyos; 9–11, Nilikha ni Cristo ang kalangitan at ang lupa.
1 Isang dakila at kagila-gilalas na gawain ang malapit nang maganap sa mga anak ng tao.
2 Dinggin, ako ang Diyos; tumalima sa aking salita, na buhay at makapangyarihan, higit na matalas kaysa sa espadang may dalawang talim, sa paghahati ng mga kasu-kasuan at ng utak sa buto; kaya nga, tumalima sa aking salita.
3 Dinggin, ang bukid ay puti na at handa nang anihin; kaya nga, sinuman ang nagnanais na umani, ikampay niya ang kanyang karit nang buo niyang lakas, at mag-ani habang may araw pa, upang siya ay makapag-ipon ng walang katapusang kaligtasan para sa kanyang kaluluwa sa kaharian ng Diyos.
4 Oo, sinumang magkakampay sa kanyang karit at mag-aani, siya rin ay tinawag ng Diyos.
5 Samakatwid, kung hihingi kayo sa akin ay makatatanggap kayo; kung kakatok kayo ay pagbubuksan kayo.
6 Hangaring itatag at patibayin ang aking Sion. Sundin ang aking mga kautusan sa lahat ng bagay.
7 At, kung susundin mo ang aking mga kautusan at magtitiis hanggang wakas, ikaw ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan, kung aling kaloob ay pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos.
8 At ito ay mangyayari na kung hihiling ka sa Ama sa aking pangalan, nang may pananampalataya, na naniniwala, mapapasaiyo ang Espiritu Santo, na nagbibigay ng pananalita, upang ikaw ay makatayo bilang isang saksi sa mga bagay na kapwa mo maririnig at makikita, at upang ikaw rin ay makapagpahayag ng pagsisisi sa salinlahing ito.
9 Dinggin, ako si Jesucristo, ang Anak ng buhay na Diyos, na siyang lumikha ng kalangitan at ng lupa, isang ilaw na hindi maikukubli sa kadiliman;
10 Anupa’t tiyak na aking ipahahayag ang kaganapan ng aking ebanghelyo mula sa mga Gentil patungo sa sambahayan ni Israel.
11 At dinggin, ikaw ay si David, at tinawag ka upang tumulong; bagay na kung iyong gagawin, at magiging matapat, pagpapalain ka kapwa sa espirituwal at sa temporal, at dakila ang iyong magiging gantimpala. Amen.