Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 15


Bahagi 15

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, kay John Whitmer, sa Fayette, New York, Hunyo 1829 (tingnan ang ulo ng bahagi 14). Lubhang personal at kahanga-hanga ang mensahe dahil sa sinasabi ng Panginoon ang tungkol sa yaong si John Whitmer at Siya lamang ang nakaaalam. Kalaunan, si John Whitmer ay naging isa sa Walong Saksi sa Aklat ni Mormon.

1–2, Ang bisig ng Panginoon ay sumasa buong mundo; 3–6, Ang mangaral ng ebanghelyo at magligtas ng mga kaluluwa ang bagay na pinakamahalaga.

1 Makinig, aking tagapaglingkod na John, at pakinggan ang mga salita ni Jesucristo, na iyong Panginoon at iyong Manunubos.

2 Sapagkat dinggin, ako ay nangungusap sa iyo nang may katalasan at may kapangyarihan, sapagkat ang aking bisig ay sumasa buong mundo.

3 At aking sasabihin sa iyo ang yaong walang taong nakaaalam maliban sa akin at sa iyo lamang—

4 Sapagkat maraming ulit mo nang ninais sa akin na malaman kung alin ang magiging pinakamahalaga para sa iyo.

5 Dinggin, pinagpala ka dahil sa bagay na ito, at sa pagpapahayag ng aking mga salita na aking ibinigay sa iyo alinsunod sa aking mga kautusan.

6 At ngayon, dinggin, sinasabi ko sa iyo, na ang bagay na magiging pinakamahalaga para sa iyo ay magpahayag ng pagsisisi sa mga taong ito, upang makapagdala ka ng mga kaluluwa sa akin, upang ikaw ay makapagpahingang kasama nila sa kaharian ng aking Ama. Amen.