Bahagi 17
Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, kina Oliver Cowdery, David Whitmer, at Martin Harris, sa Fayette, New York, Hunyo 1829, bago nila nakita ang mga laminang naukitan na naglalaman ng tala ng Aklat ni Mormon. Nalaman ni Joseph at ng kanyang tagasulat na si Oliver Cowdery mula sa pagsasalin ng mga lamina ng Aklat ni Mormon na tatlong natatanging saksi ang tutukuyin (tingnan sa Eter 5:2–4; 2 Nephi 11:3; 27:12). Sina Oliver Cowdery, David Whitmer, at Martin Harris ay pinukaw ng isang inspiradong pagnanais na maging tatlong natatanging saksi. Nagtanong ang Propeta sa Panginoon, at ibinigay ang paghahayag na ito bilang kasagutan sa pamamagitan ng Urim at Tummim.
1–4, Sa pamamagitan ng pananampalataya makikita ng Tatlong Saksi ang mga lamina at ang iba pang mga banal na bagay; 5–9, Si Cristo ay nagpapatotoo tungkol sa katotohanan ng Aklat ni Mormon.
1 Dinggin, sinasabi ko sa inyo, na kailangan ninyong magtiwala sa aking salita, na kung inyong gagawin nang may buong layunin ng puso, makikita ninyo ang mga lamina, at gayundin ang baluti sa dibdib, ang espada ni Laban, ang Urim at Tummim, na mga ibinigay sa kapatid ni Jared sa bundok nang siya ay nakipag-usap sa Panginoon nang harapan, at ang mahimalang aguhon na ibinigay kay Lehi habang nasa ilang, sa may mga hangganan ng Dagat na Pula.
2 At makikita ninyo ang mga ito sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, maging sa pamamagitan ng pananampalatayang yaon na taglay ng mga propeta noong mga unang panahon.
3 At pagkatapos ninyong magtamo ng pananampalataya, at makita ang mga ito ng inyong mga mata, kayo ay magpapatotoo tungkol sa mga ito, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos;
4 At gagawin ninyo ito upang ang aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun., ay hindi mapinsala, upang maisakatuparan ko ang aking mga matwid na layunin sa mga anak ng tao sa gaiwang ito.
5 At inyong patototohanan na nakita ninyo ang mga ito, maging tulad ng pagkakita sa mga ito ng aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun.; sapagkat sa pamamagitan ng aking kapangyarihan niya nakita ang mga ito, at ito ay dahil sa may pananampalataya siya.
6 At naisalin niya ang aklat, maging ang yaong bahagi na aking iniutos sa kanya, at yamang ang inyong Panginoon at inyong Diyos ay buhay, ito ay totoo.
7 Anupa’t natanggap ninyo ang gayunding kapangyarihan, at ang gayunding pananampalataya, at ang gayunding kaloob na katulad niya;
8 At kung gagawin ninyo ang mga huling kautusan kong ito, na aking ibinigay sa inyo, ang mga pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig laban sa inyo; sapagkat ang aking biyaya ay sapat para sa inyo, at dadakilain kayo sa huling araw.
9 At ako, si Jesucristo, ang inyong Panginoon at inyong Diyos, ang nangusap nito sa inyo, upang maisakatuparan ko ang aking mga matwid na layunin sa mga anak ng tao. Amen.