Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 18


Bahagi 18

Paghahayag kina Joseph Smith, ang Propeta, Oliver Cowdery, at David Whitmer, na ibinigay sa Fayette, New York, Hunyo 1829. Ayon sa Propeta, ipinaaalam ng paghahayag na ito “ang pagtawag sa labindalawang apostol sa mga huling araw na ito, at gayundin ang mga tagubilin hinggil sa pagtatayo sa Simbahan.”

1–5, Ipinapakita ng mga banal na kasulatan kung paano itatayo ang Simbahan; 6–8, Ang sanlibutan ay nahihinog na sa kasamaan; 9–16, Labis-labis ang kahalagahan ng mga kaluluwa; 17–25, Upang matamo ang kaligtasan, kinakailangang taglayin ng mga tao sa kanilang sarili ang pangalan ni Cristo; 26–36, Ipinahayag ang pagtawag at tungkulin ng Labindalawa; 37–39, Sina Oliver Cowdery at David Whitmer ang maghahanap sa Labindalawa; 40–47, Upang matamo ang kaligtasan, ang mga tao ay kinakailangang magsisi, mabinyagan, at sundin ang mga kautusan.

1 Ngayon, dinggin, dahil sa bagay na hinangad mo, aking tagapaglingkod na Oliver, na malaman mula sa akin, ibinibigay ko sa iyo ang mga salitang ito:

2 Dinggin, ipinaalam ko sa iyo, sa pamamagitan ng aking Espiritu sa maraming pagkakataon, na ang mga bagay na iyong isinulat ay totoo; kaya nga alam mo na totoo ang mga ito.

3 At kung alam mo na ang mga ito ay totoo, dinggin, binibigyan kita ng isang kautusan na manalig ka sa mga bagay na nakasulat;

4 Sapagkat sa mga ito nakasulat ang lahat ng bagay hinggil sa saligan ng aking simbahan, ng aking ebanghelyo, at ng aking bato.

5 Anupa’t kung iyong itatayo ang aking simbahan, sa saligan ng aking ebanghelyo at aking bato, ang mga pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig laban sa iyo.

6 Dinggin, ang sanlibutan ay nahihinog na sa kasamaan; at talagang kinakailangan na ang mga anak ng tao ay mapukaw tungo sa pagsisisi, kapwa ang mga Gentil at gayundin ang sambahayan ni Israel.

7 Anupa’t dahil ikaw ay nabinyagan ng mga kamay ng aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun., alinsunod sa yaong aking ipinag-utos sa kanya, tinupad niya ang bagay na aking iniutos sa kanya.

8 At ngayon, huwag mamangha na tinawag ko siya ayon sa sarili kong layunin, na kung aling layunin ay nalalaman ko; anupa’t kung magiging masigasig siya sa pagsunod sa aking mga kautusan, siya ay pagpapalain tungo sa buhay na walang hanggan; at Joseph ang kanyang pangalan.

9 At ngayon, Oliver Cowdery, nangungusap ako sa iyo, at gayundin kay David Whitmer, bilang kautusan; sapagkat dinggin, iniuutos ko sa lahat ng tao sa lahat ng dako na magsisi, at nangungusap ako sa inyo, maging katulad kay Pablo na aking apostol, sapagkat kayo ay tinawag maging sa gayunding tungkulin kung saan siya tinawag.

10 Tandaan na ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay labis-labis sa paningin ng Diyos;

11 Sapagkat, dinggin, ang Panginoon ninyong Manunubos ay dumanas ng kamatayan sa laman; anupa’t kanyang dinanas ang mga pasakit ng lahat ng tao, upang ang lahat ng tao ay makapagsisi at makalapit sa kanya.

12 At siya ay muling bumangon mula sa mga patay, upang kanyang madala ang lahat ng tao sa kanya, alinsunod sa mga hinihingi ng pagsisisi.

13 At anong laki ng kanyang kagalakan sa kaluluwang nagsisisi!

14 Anupa’t kayo ay tinawag na mangaral ng pagsisisi sa mga taong ito.

15 At kung mangyayaring kayo ay magsusumikap sa lahat ng inyong mga araw sa pangangaral ng pagsisisi sa mga taong ito, at magdadala ng kahit isang kaluluwa sa akin, anong laki ng inyong magiging kagalakan kasama niya sa kaharian ng aking Ama!

16 At ngayon, kung ang inyong kagalakan ay magiging malaki sa isang kaluluwa na inyong nadala sa akin sa kaharian ng aking Ama, anong laki ng inyong magiging kagalakan kung makapagdadala kayo ng maraming kaluluwa sa akin!

17 Dinggin, taglay ninyo ang aking ebanghelyo, at ang aking bato, at ang aking kaligtasan.

18 Humiling sa Ama sa aking pangalan nang may pananampalataya na naniniwalang kayo ay makatatanggap, at mapapasainyo ang Espiritu Santo, na nagpapahayag ng lahat ng bagay na kinakailangan ng mga anak ng tao.

19 At kung wala kayong pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa-tao, wala kayong magagawa.

20 Huwag makipagtalo laban sa anumang simbahan, maliban sa simbahan ng diyablo.

21 Taglayin sa inyo ang pangalan ni Cristo, at sabihin ang katotohanan nang may kahinahunan.

22 At kasindami ng magsisisi at mabibinyagan sa aking pangalan, na Jesucristo, at magtitiis hanggang wakas, sila rin ay maliligtas.

23 Dinggin, Jesucristo ang pangalang ibinigay ng Ama, at wala nang iba pang pangalang ibinigay na makapagliligtas sa tao;

24 Samakatwid, kailangang taglayin ng lahat ng tao sa kanilang sarili ang pangalang ibinigay ng Ama, sapagkat sa gayong pangalan sila tatawagin sa huling araw;

25 Samakatwid, kung hindi nila alam ang pangalan na itatawag sa kanila, hindi sila magkakaroon ng puwang sa kaharian ng aking Ama.

26 At ngayon, dinggin, may iba pang tinawag na magpahayag ng aking ebanghelyo, kapwa sa Gentil at sa Judio;

27 Oo, maging labindalawa; at ang Labindalawa ay aking magiging mga disipulo, at tataglayin nila sa kanilang sarili ang aking pangalan; at ang Labindalawa ay silang magnanais na taglayin sa kanilang sarili ang aking pangalan nang may buong layunin ng puso.

28 At kung nanaisin nilang taglayin sa kanilang sarili ang aking pangalan nang may buong layunin ng puso, sila ay tinatawag na humayo sa buong daigdig upang ipangaral ang aking ebanghelyo sa bawat nilikha.

29 At sila ang mga yaong inorden ko na magbinyag sa aking pangalan, alinsunod sa yaong nakasulat;

30 At taglay ninyo sa inyong harapan ang yaong nakasulat; kaya nga, kailangan ninyong isagawa ito alinsunod sa mga salitang nakasulat.

31 At ngayon, nangungusap ako sa inyo, na Labindalawa—Dinggin, ang aking biyaya ay sapat para sa inyo; kinakailangan ninyong lumakad nang matwid sa harapan ko at huwag magkasala.

32 At, dinggin, kayo ang yaong inorden ko na mag-orden ng mga saserdote at guro; na magpahayag ng aking ebanghelyo, alinsunod sa kapangyarihan ng Espiritu Santo na nasa inyo, at alinsunod sa mga katungkulan at kaloob ng Diyos sa mga tao;

33 At ako, si Jesucristo, ang inyong Panginoon at inyong Diyos, ang nagsabi nito.

34 Ang mga salitang ito ay hindi mula sa mga tao ni galing sa tao, kundi mula sa akin; anupa’t magpapatotoo kayo na ang mga ito ay mula sa akin at hindi mula sa tao;

35 Sapagkat ang aking tinig ang nangusap ng mga ito sa inyo; sapagkat ang mga ito ay ibinigay sa inyo sa pamamagitan ng aking Espiritu, at sa pamamagitan ng aking kapangyarihan ay maaari ninyong basahin ang mga ito sa isa’t isa; at maliban sa aking kapangyarihan, hindi ninyo matatanggap ang mga ito;

36 Samakatwid, maaari ninyong patotohanan na narinig ninyo ang aking tinig, at nababatid ang aking mga salita.

37 At ngayon, dinggin, iniaatas ko sa iyo, Oliver Cowdery, at sa iyo rin David Whitmer, na hanapin ninyo ang Labindalawa, na magkakaroon ng mga pagnanais sa mga yaong aking sinabi;

38 At sa pamamagitan ng kanilang mga naisin at kanilang mga gawa ninyo sila makikilala.

39 At kapag natagpuan na ninyo sila ay ipakikita ninyo ang mga bagay na ito sa kanila.

40 At kayo ay titirapa at sasambahin ang Ama sa aking pangalan.

41 At kinakailangan ninyong mangaral sa sanlibutan, nagsasabing: Kinakailangan ninyong magsisi at magpabinyag, sa pangalan ni Jesucristo;

42 Sapagkat ang lahat ng tao ay kinakailangang magsisi at magpabinyag, at hindi lamang ang kalalakihan, kundi kababaihan, at mga bata na sumapit na sa gulang ng pananagutan.

43 At ngayon, pagkaraan ninyong matanggap ito, kinakailangan ninyong sundin ang aking mga kautusan sa lahat ng bagay;

44 At sa pamamagitan ng inyong mga kamay, gagawa ako ng isang kagila-gilalas na gawain sa mga anak ng tao, sa ikamumulat ng marami sa kanilang mga kasalanan, upang sila ay magsipagsisi, at upang sila ay makaparoon sa kaharian ng aking Ama.

45 Anupa’t ang mga pagpapalang ibinibigay ko sa inyo ay higit pa sa lahat ng bagay.

46 At pagkaraan ninyong matanggap ito, kung hindi ninyo susundin ang aking mga kautusan ay hindi kayo maliligtas sa kaharian ng aking Ama.

47 Dinggin, ako, si Jesucristo, ang inyong Panginoon at inyong Diyos, at inyong Manunubos, sinabi ko ito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng aking Espiritu. Amen.