Ang
Doktrina at mga Tipan
Bahagi 1
Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, noong Nobyembre 1, 1831, sa isang natatanging pagpupulong ng mga elder ng Simbahan, na ginanap sa Hiram, Ohio. Maraming paghahayag ang natanggap na mula sa Panginoon bago ang petsang ito, at ang pagtitipon ng mga ito para sa paglalathala sa anyo ng isang aklat ay isa sa mga pangunahing paksa na pinagtibay sa pagpupulong. Ang bahaging ito ang bumubuo ng paunang salita ng Panginoon sa mga doktrina, tipan, at kautusang ibinigay sa dispensasyong ito.
1–7, Ang tinig ng babala ay para sa lahat ng tao; 8–16, Mauuna ang apostasiya at kasamaan bago ang Ikalawang Pagparito; 17–23, Tinawag si Joseph Smith upang ipanumbalik sa mundo ang mga katotohanan at kapangyarihan ng Panginoon; 24–33, Inilabas ang Aklat ni Mormon at itinatag ang totoong Simbahan; 34–36, Aalisin ang kapayapaan sa mundo; 37–39, Saliksikin ang mga kautusang ito.
1 Makinig, O kayong mga tao ng aking simbahan, wika ng tinig niya na nananahan sa kaitaasan, at sa kanya na ang mga mata ay nakatuon sa lahat ng tao; oo, katotohanan, sinasabi ko: Makinig kayong mga tao na mula sa malayo; at kayong nasa mga pulo ng dagat, sama-samang makinig.
2 Sapagkat katotohanan, ang tinig ng Panginoon ay sumasalahat ng tao, at walang sinumang makatatakas; at wala ni isa mang mata na hindi makakikita, ni tainga na hindi makaririnig, ni pusong hindi maaantig.
3 At ang mga mapanghimagsik ay babagabagin ng labis na pighati; sapagkat ang kanilang mga kasamaan ay ipagsisigawan sa mga bubungan, at ang kanilang mga lihim na gawain ay ihahayag.
4 At ang tinig ng babala ay mapapasalahat ng tao, sa pamamagitan ng mga bibig ng aking mga disipulo, na aking mga pinili sa mga huling araw na ito.
5 At sila ay hahayo at walang makapipigil sa kanila, sapagkat ako, ang Panginoon, ang nag-utos sa kanila.
6 Dinggin, ito ang aking karapatan, at ang karapatan ng aking mga tagapaglingkod, at ang aking paunang salita sa aklat ng mga kautusan ko, na aking ibinigay sa kanila upang mailathala sa inyo, O mga naninirahan sa mundo.
7 Anupa’t matakot at manginig, O kayong mga tao, sapagkat anuman ang napagpasiyahan ko, ang Panginoon, sa mga yaon ay matutupad.
8 At katotohanan, sinasabi ko sa inyo na sila na humahayo, na naghahatid ng mga balitang ito sa mga naninirahan sa mundo, ibinigay sa kanila ang kapangyarihang ibuklod kapwa sa lupa at sa langit ang mga hindi naniniwala at mapanghimagsik;
9 Oo, katotohanan, ang ibuklod sila para sa araw kung kailan ang kapootan ng Diyos ay ibubuhos sa masasama nang walang sukat—
10 Sa araw kung kailan ang Panginoon ay paparito upang tumbasan ang bawat tao alinsunod sa kanyang gawa, at bahagian ang bawat tao alinsunod sa dami na kanyang ibinahagi sa kanyang kapwa-tao.
11 Anupa’t ang tinig ng Panginoon ay sumasa mga dulo ng mundo, upang ang lahat ng makaririnig ay makarinig:
12 Maghanda kayo, maghanda kayo para sa yaong darating, sapagkat ang Panginoon ay parating na;
13 At ang galit ng Panginoon ay nagsiklab, at ang kanyang espada ay hinugasan sa langit, at babagsak ito sa mga naninirahan sa mundo.
14 At ang bisig ng Panginoon ay ipakikita; at darating ang panahon na sila na hindi makikinig sa tinig ng Panginoon, ni sa tinig ng kanyang mga tagapaglingkod, ni tatalima sa mga salita ng mga propeta at apostol, ay ihihiwalay sa mga tao;
15 Sapagkat sila ay lumihis mula sa aking mga ordenansa, at sinira ang aking walang katapusang tipan;
16 Hindi nila hinanap ang Panginoon upang itatag ang kanyang katwiran, kundi lumalakad ang bawat tao sa sarili niyang daan, at alinsunod sa larawan ng sarili niyang diyos, na ang larawan ay kahalintulad ng daigdig, at ang diwa ay yaong sa diyus-diyusan, na naluluma at mawawasak sa Babilonia, maging ang Babilonia na makapangyarihan, na babagsak.
17 Anupa’t ako, ang Panginoon, nalalaman ang kapahamakang sasapit sa mga naninirahan sa mundo, ay tinawag ang aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun., at nangusap sa kanya mula sa langit, at nagbigay sa kanya ng mga kautusan;
18 At nagbigay rin ng mga kautusan sa iba, na nararapat nilang ihayag ang mga bagay na ito sa sanlibutan; at ang lahat ng ito ay upang maisakatuparan ito, na isinulat ng mga propeta—
19 Ang mahihinang bagay ng sanlibutan ay magsisilabas at bubuwagin ang mga makapangyarihan at ang malalakas, upang hindi na kailanganin ng tao na magpayo sa kanyang kapwa tao, ni magtiwala sa bisig ng laman—
20 Bagkus ay makapangusap ang bawat tao sa pangalan ng Diyos, ang Panginoon, maging ang Tagapagligtas ng sanlibutan;
21 Nang madagdagan din ang pananampalataya sa mundo;
22 Nang mapagpatibay ang aking walang katapusang tipan;
23 Nang maipahayag ng mahihina at ng mga pangkaraniwang tao ang kabuuan ng aking ebanghelyo sa mga dulo ng daigdig, at sa harapan ng mga hari at namamahala.
24 Dinggin, ako ang Diyos at winika ko ito; ang mga kautusang ito ay mula sa akin, at ibinigay sa aking mga tagapaglingkod sa kanilang kahinaan, alinsunod sa pamamaraan ng kanilang wika, upang mangyaring makaunawa sila.
25 At yamang nagkakamali sila, ito ay maipaalam;
26 At yamang naghahangad sila ng karunungan, sila ay maturuan;
27 At yamang nagkakasala sila, sila ay maparusahan, upang makapagsisi sila;
28 At yamang nagpapakumbaba sila, sila ay mapalakas, at pagpalain mula sa kaitaasan, at tumanggap ng kaalaman sa pana-panahon.
29 At pagkaraang matamo ang talaan ng mga Nephita, oo, maging ang aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun., ay magkaroon ng kapangyarihang maisalin sa pamamagitan ng awa ng Diyos, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, ang Aklat ni Mormon.
30 At gayundin, ang mga yaong binigyan ng mga kautusang ito ay magkaroon ng kapangyarihang maitatag ang saligan ng simbahang ito, at mailabas ito mula sa kalabuan at mula sa kadiliman, ang tanging tunay at buhay na simbahan sa ibabaw ng buong mundo, na kung saan ako, ang Panginoon, ay labis na nalulugod, nangungusap sa buong simbahan at hindi sa bawat isa lamang—
31 Sapagkat ako, ang Panginoon, ay hindi makatitingin sa kasalanan nang may munti mang antas ng pagpapahintulot;
32 Gayunman, siya na nagsisisi at sumusunod sa mga kautusan ng Panginoon ay patatawarin;
33 At siya na hindi nagsisisi, kukunin sa kanya maging ang liwanag na kanyang natanggap; sapagkat ang aking Espiritu ay hindi tuwinang mananatili sa tao, wika ng Panginoon ng mga Hukbo.
34 At muli, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, O mga naninirahan sa mundo: Ako, ang Panginoon, ay nahahandang ipaalam ang mga bagay na ito sa lahat ng tao;
35 Sapagkat ako ay hindi nagtatangi ng mga tao, at nagnanais na malaman ng lahat ng tao na ang araw ay mabilis na darating; hindi pa oras, subalit nalalapit na, kapag inalis ang kapayapaan sa mundo, at ang diyablo ay magkakaroon ng kapangyarihan sa kanyang sariling nasasakupan.
36 At gayundin, ang Panginoon ay magkakaroon ng kapangyarihan sa kanyang mga banal, at maghahari sa gitna nila, at bababa sa paghahatol sa Idumea, o ang sanlibutan.
37 Saliksikin ang mga kautusang ito, sapagkat ang mga ito ay tunay at tapat, at matutupad ang lahat ng propesiya at pangako na nasa mga ito.
38 Kung ano ang sinabi ko, ang Panginoon, ay sinabi ko, at hindi ko ipinagpapaumanhin ang aking sarili; at bagama’t lilipas ang kalangitan at ang lupa, ang aking salita ay hindi lilipas, kundi matutupad lahat, maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig ng aking mga tagapaglingkod, ito ay gayundin.
39 Sapagkat dinggin, at makinig, ang Panginoon ay Diyos, at ang Espiritu ay nagpapatotoo, at ang patotoo ay tunay, at mananatili ang katotohanan magpakailanman. Amen.