Bahagi 21
Paghahayag na ibinigay kay Joseph Smith, ang Propeta, sa Fayette, New York, Abril 6, 1830. Ibinigay ang paghahayag na ito sa pagkakatatag ng Simbahan, sa petsang nabanggit, sa tahanan ni Peter Whitmer, Sr. Nakilahok ang anim na kalalakihan, na nauna nang nabinyagan. Sa pamamagitan ng buong pagkakaisang pagboto, nagpahayag ang mga taong ito ng kanilang pagnanais at matibay na hangaring magtatag, alinsunod sa kautusan ng Diyos (tingnan sa bahagi 20). Sila rin ay bumoto na tanggapin at itaguyod sina Joseph Smith, Jr. at Oliver Cowdery bilang mga namumunong pinuno ng Simbahan. Sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay, inorden ni Joseph si Oliver bilang elder ng Simbahan, at inorden din ni Oliver si Joseph. Pagkatapos pangasiwaan ang sakramento, sina Joseph at Oliver ay nagpatong ng mga kamay sa bawat dumalo para sa pagkakaloob ng Espiritu Santo at para sa pagpapatibay sa bawat isa bilang kasapi ng Simbahan.
1–3, Tinawag si Joseph Smith na tagakita, tagapagsalin, propeta, apostol, at elder; 4–8, Papatnubayan ng kanyang salita ang layunin ng Sion; 9–12, Maniniwala ang mga Banal sa bawat pagkakataong magsasalita siya sa pamamagitan ng Mang-aaliw.
1 Dinggin, nararapat na may talang isusulat sa inyo; at dito ay tatawagin kang isang tagakita, tagapagsalin, propeta, apostol ni Jesucristo, elder ng simbahan sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos Ama at ng biyaya ng inyong Panginoong Jesucristo,
2 Na pinupukaw ng Espiritu Santo na itatag ang saligan nito, at itayo ito para sa pinakabanal na pananampalataya.
3 Kung aling simbahan ay binuo at itinatag sa taon ng inyong Panginoon labingwalong daan at tatlumpu, sa ikaapat na buwan, at sa ikaanim na araw ng buwan na tinatawag na Abril.
4 Anupa’t kayo, nangangahulugang ang simbahan, ay tatalima sa lahat ng kanyang mga salita at kautusang ibibigay niya sa inyo sa tuwing tatanggap siya ng mga ito, lumalakad nang may buong kabanalan sa harapan ko;
5 Sapagkat ang kanyang salita ay inyong tatanggapin, na parang nagmumula sa sarili kong bibig, nang may buong pagtitiis at pananampalataya.
6 Sapagkat sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na ito, ang mga pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig laban sa inyo; oo, at itataboy ng Panginoong Diyos ang mga kapangyarihan ng kadiliman mula sa harapan ninyo, at papangyarihing yumanig ang kalangitan para sa inyong ikabubuti, at sa ikaluluwalhati ng kanyang pangalan.
7 Sapagkat ganito ang wika ng Panginoong Diyos: Siya ay aking pinukaw na isulong ang layunin ng Sion nang may malakas na kapangyarihan para sa kabutihan, at ang kanyang pagsusumigasig ay nalalaman ko, at ang kanyang mga panalangin ay narinig ko.
8 Oo, ang kanyang pagtangis para sa Sion ay nakita ko, at papangyarihin ko na hindi na siya magdadalamhati pa dahil sa kanya; sapagkat sumapit na ang mga araw ng kasiyahan niya dahil sa kapatawaran ng kanyang mga kasalanan, at sa mga pagpapakita ng aking mga pagpapala sa kanyang mga gawa.
9 Sapagkat, dinggin, aking pagpapalain ang lahat ng yaong gumagawa sa ubasan ko ng dakilang pagpapala, at sila ay maniniwala sa kanyang mga salita, na ibinigay sa kanya mula sa akin sa pamamagitan ng Mang-aaliw, na naghahayag na si Jesus ay ipinako sa krus ng mga makasalanang tao para sa mga kasalanan ng sanlibutan, oo, para sa kapatawaran ng mga kasalanan sa nagsisising puso.
10 Anupa’t aking minarapat na siya ay ordenan mo, Oliver Cowdery, aking apostol;
11 Ito na isang ordenansa para sa iyo, na ikaw ay isang elder sa ilalim ng kanyang kamay, siya na nauna sa iyo, upang ikaw ay maging elder sa simbahang ito ni Cristo, na nagtataglay ng aking pangalan—
12 At ang unang mangangaral ng simbahang ito sa simbahan, at sa sanlibutan, oo, sa mga Gentil; oo, at ganito ang wika ng Panginoong Diyos, dinggin, dinggin! sa mga Judio rin. Amen.