Bahagi 23
Isang serye ng limang paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Manchester, New York, Abril 1830, kina Oliver Cowndery, Hyrum Smith, Samuel H. Smith, Joseph Smith, Sr., at Joseph Knight, Sr. Bunga ng masugid na hangarin ng limang taong nabanggit na malaman ang kani-kanilang mga tungkulin, ang Propeta ay nagtanong sa Panginoon at tumanggap ng paghahayag para sa bawat tao.
1–7, Ang mga naunang disipulong ito ay tinawag na mangaral, manghikayat, at palakasin ang Simbahan.
1 Dinggin, nangungusap ako sa iyo, Oliver, ng ilang salita. Dinggin, ikaw ay pinagpala, at hindi ka napasaiilalim ng sumpa. Subalit mag-ingat sa kapalaluan, upang hindi ka madala sa tukso.
2 Ipaalam ang iyong tungkulin sa simbahan, at gayundin sa sanlibutan, at ang iyong puso ay mabubuksan upang mangaral ng katotohanan mula ngayon at magpakailanman. Amen.
3 Dinggin, nangungusap ako sa iyo, Hyrum, ng ilang salita; sapagkat ikaw rin ay hindi napasaiilalim ng sumpa, at bukas ang iyong puso, at ang iyong dila ay kinalagan; at ang iyong tungkulin ay manghikayat, at patuloy na palakasin ang simbahan. Samakatwid, ang iyong tungkulin ay sa simbahan magpakailanman, at dahil ito sa iyong mag-anak. Amen.
4 Dinggin, nangungusap ako ng ilang salita sa iyo, Samuel; sapagkat ikaw rin ay hindi napasaiilalim ng sumpa, at ang iyong tungkulin ay manghikayat, at palakasin ang simbahan; at hindi ka pa tinatawag na mangaral sa sanlibutan. Amen.
5 Dinggin, nangungusap ako ng ilang salita sa iyo, Joseph; sapagkat ikaw rin ay hindi napasaiilalim ng sumpa, at ang iyo ring tungkulin ay manghikayat, at palakasin ang simbahan; at ito ang iyong tungkulin mula ngayon at magpakailanman. Amen.
6 Dinggin, ipinaaalam ko sa iyo, Joseph Knight, sa pamamagitan ng mga salitang ito, na kinakailangan mong pasanin ang iyong krus, kung saan kinakailangan kang manalangin nang malakas sa harapan ng sanlibutan at gayundin nang palihim, at sa iyong mag-anak, at sa iyong mga kaibigan, at sa lahat ng dako.
7 At, dinggin, tungkulin mo na makiisa sa tunay na simbahan, at patuloy na ilaan ang iyong wika sa panghihikayat, upang matanggap mo ang gantimpala ng manggagawa. Amen.