Bahagi 24
Paghahayag na ibinigay kina Joseph Smith, ang Propeta, at Oliver Cowdery, sa Harmony, Pennsylvania, Hulyo 1830. Bagama’t wala pang apat na buwan ang nakalilipas simula nang naitatag ang Simbahan, naging masidhi ang pag-uusig, at ang mga pinuno ay nangailangang maghanap ng kaligtasan sa pamamagitan ng paminsan-minsang pagtatago. Ibinigay ang mga sumusunod na tatlong paghahayag sa panahong ito upang palakasin, hikayatin, at tagubilinan sila.
1–9, Tinawag si Joseph Smith na magsalin, mangaral, at magpaliwanag ng mga banal na kasulatan; 10–12, Tinawag si Oliver Cowdery na mangaral ng ebanghelyo; 13–19, Inihayag ang batas kaugnay ng mga himala, sumpa, pagpapagpag ng alikabok sa paa ng tao, at paghayo nang walang pitaka o sisidlan.
1 Dinggin, ikaw ay tinawag at pinili na isulat ang Aklat ni Mormon, at sa aking ministeryo; at iniahon kita mula sa iyong mga paghihirap, at pinagpayuhan ka, kaya nga ikaw ay naligtas mula sa lahat ng iyong mga kaaway, at ikaw ay naligtas mula sa mga kapangyarihan ni Satanas at mula sa kadiliman!
2 Gayunman, wala kang maidadahilan sa iyong mga paglabag; gayunman, humayo ka at huwag nang magkasala.
3 Tuparin ang iyong tungkulin; at pagkatapos mong punlaan ang iyong mga bukid at mabantayan ang mga ito, kaagad na magtungo sa simbahan na nasa Colesville, Fayette, at Manchester, at ikaw ay kanilang itataguyod; at akin silang pagpapalain kapwa sa espirituwal at temporal;
4 Subalit kung hindi ka nila tatanggapin, magpapadala ako sa kanila ng isang sumpa sa halip na isang pagpapala.
5 At ikaw ay magpapatuloy sa pagtawag sa Diyos sa aking pangalan, at pagsulat ng mga bagay na ibibigay sa iyo ng Mang-aaliw, at pagpapaliwanag sa lahat ng banal na kasulatan sa simbahan.
6 At ipagkakaloob sa iyo sa sandali ring yaon kung ano ang iyong sasabihin at isusulat, at diringgin nila ito, o ako ay magpapadala sa kanila ng isang sumpa sa halip na isang pagpapala.
7 Sapagkat iyong ilalaan ang lahat ng paglilingkod mo sa Sion; at dahil dito, ikaw ay magkakaroon ng lakas.
8 Maging mapagtiis sa mga paghihirap, sapagkat ikaw ay magdaranas nang marami; subalit tiisin ang mga ito, sapagkat, dinggin, ako ay makakasama mo, maging hanggang sa katapusan ng iyong mga araw.
9 At sa mga temporal na gawain ay hindi ka magkakaroon ng lakas, sapagkat hindi mo ito tungkulin. Gawin ang iyong tungkulin at ikaw ay may mapagkukunan upang matupad ang iyong tungkulin, at upang maipaliwanag ang lahat ng banal na kasulatan, at magpatuloy sa pagpapatong ng mga kamay at pagpapatibay sa mga simbahan.
10 At ang iyong kapatid na si Oliver ay magpapatuloy sa pagpapatotoo sa aking pangalan sa sanlibutan, at gayundin sa simbahan. At hindi niya dapat isipin na makapagsasalita siya nang sapat hinggil sa aking layunin; at dinggin, ako ay makakasama niya hanggang sa katapusan.
11 Sa akin ay magkakaroon siya ng kaluwalhatian, at hindi sa sarili niya, maging sa kahinaan o sa kalakasan, maging sa pagkaalipin o kalayaan;
12 At sa lahat ng oras, at sa lahat ng dako, bubuksan niya ang kanyang bibig at ipahahayag ang aking ebanghelyo na tulad ng tunog ng isang trumpeta, maging sa araw at gabi. At akin siyang bibigyan ng uri ng lakas na hindi pa nababatid ng mga tao.
13 Huwag humingi ng mga himala, maliban kung aking iuutos sa inyo, maliban sa pagpapalayas ng mga diyablo, pagpapagaling ng maysakit, at laban sa mga makamandag na ahas, at laban sa mga nakamamatay na lason;
14 At ang mga bagay na ito ay hindi ninyo gagawin, maliban kung ito ay hingin nila sa inyo na nagnanais nito, upang matupad ang mga banal na kasulatan; sapagkat kayo ay kikilos alinsunod sa yaong nasusulat.
15 At kung saanmang lugar kayo papasok, at hindi nila kayo tatanggapin sa aking pangalan, kayo ay mag-iiwan ng isang sumpa sa halip na isang pagpapala, sa pamamagitan ng pagpapagpag ng alikabok ng inyong mga paa laban sa kanila bilang isang patotoo, at paglilinis ng inyong mga paa sa tabing-daan.
16 At ito ay mangyayari na kung sinuman ang magbubuhat ng kanilang kamay sa inyo nang marahas, mag-uutos kayo na magparusa sa aking pangalan; at, dinggin, akin silang parurusahan alinsunod sa inyong mga salita, sa aking sariling takdang panahon.
17 At kung sinuman ang magsasakdal sa inyo sa batas ay susumpain ng batas.
18 At kayo ay hindi magdadala ng pitaka ni sisidlan, ni mga tungkod, ni dalawang tunika, sapagkat ibibigay sa inyo ng simbahan sa oras ding yaon na kakailanganin ninyo na pagkain at na kasuotan, at na pangyapak at na salapi, at na sisidlan.
19 Sapagkat kayo ay tinawag upang pungusan ang aking ubasan nang may ganap na pagpungos, oo, maging sa huling sandali; oo, at gayundin ang lahat ng yaong inyong inorden, at kikilos sila maging alinsunod sa huwarang ito. Amen.