Bahagi 25
Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Harmony, Pennsylvania, Hulyo 1830 (tingnan sa ulo ng bahagi 24). Ipinaaalam ng paghahayag na ito ang kalooban ng Panginoon kay Emma Smith, ang asawa ng Propeta.
1–6, Si Emma Smith, isang hinirang na babae, ay tinawag na tumulong at mag-alo sa kanyang asawa; 7–11, Tinawag din siyang sumulat, magpaliwanag ng mga banal na kasulatan, at pumili ng mga himno; 12–14, Ang awit ng mga matwid ay isang panalangin sa Panginoon; 15–16, Para sa lahat ang mga alituntunin ng pagsunod sa paghahayag na ito.
1 Makinig sa tinig ng Panginoon mong Diyos, habang ako ay nangungusap sa iyo, Emma Smith, aking anak; sapagkat katotohanan, sinasabi ko sa iyo, lahat ng yaong tumatanggap ng aking ebanghelyo ay mga anak na lalaki at babae sa aking kaharian.
2 Isang paghahayag ang ibinibigay ko sa iyo hinggil sa aking kalooban; at kung ikaw ay matapat at lumalakad sa mga daan ng kabanalan sa harapan ko, aking pangangalagaan ang iyong buhay, at ikaw ay makatatanggap ng mana sa Sion.
3 Dinggin, ang iyong mga kasalanan ay pinatatawad na, at ikaw ay isang hinirang na babae, na aking tinawag.
4 Huwag bumulung-bulong dahil sa mga bagay na hindi mo nakita, sapagkat ipinagkait ang mga ito sa iyo at sa sanlibutan, na karunungan sa akin sa darating na panahon.
5 At ang tungkulin ng iyong katungkulan ay maging taga-alo ng aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun., na iyong asawa, sa kanyang mga paghihirap, nang may mga mapang-along salita, sa diwa ng kaamuan.
6 At ikaw ay sasama sa kanya sa panahon ng paghayo niya, at maging tagasulat niya, habang wala pa siyang tagasulat, nang maisugo ko ang aking tagapaglingkod na si Oliver Cowdery saan ko man loobin.
7 At ikaw ay oordenan sa ilalim ng kanyang kamay upang magpaliwanag ng mga banal na kasulatan, at upang manghikayat sa simbahan, alinsunod sa ipagkakaloob sa iyo ng aking Espiritu.
8 Sapagkat ipapatong niya ang kanyang mga kamay sa iyo, at matatanggap mo ang Espiritu Santo, at ang iyong panahon ay ilalaan sa pagsusulat, at sa pag-aaral nang lubos.
9 At ikaw ay hindi dapat matakot, sapagkat ang iyong asawa ay tutulong sa iyo sa simbahan; sapagkat sa kanila ang kanyang tungkulin, nang maipahayag sa kanila ang lahat ng bagay, anuman ang aking loobin, alinsunod sa kanilang pananampalataya.
10 At katotohanan, sinasabi ko sa iyo na isasantabi mo ang mga bagay ng daigdig na ito, at hangarin ang mga bagay na mas mabuti.
11 At itatalaga rin sa iyo na gumawa ng isang pagtitipon ng mga banal na himno, tulad ng ibibigay sa iyo, na kalugud-lugod para sa akin, upang magamit sa aking simbahan.
12 Sapagkat ang aking kaluluwa ay nagagalak sa awitin ng puso; oo, ang awit ng mga matwid ay isang panalangin sa akin, at tutugunan ito ng pagpapala sa kanilang mga ulo.
13 Anupa’t magalak sa iyong puso at magsaya, at kumapit sa mga tipan na iyong ginawa.
14 Magpatuloy sa diwa ng kaamuan, at mag-ingat sa kapalaluan. Pahintulutan ang iyong kaluluwa na magalak sa iyong asawa, at sa kaluwalhatian na mapasasakanya.
15 Patuloy na sundin ang aking mga kautusan, at isang putong ng katwiran ang iyong matatanggap. At maliban kung gagawin mo ito, kung nasaan ako ay hindi ka makatutungo.
16 At katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, ito ang aking tinig sa lahat. Amen.