Bahagi 28
Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, kay Oliver Cowdery, sa Fayette, New York, Setyembre 1830. Si Hiram Page, isang kasapi ng Simbahan, ay may isang bato at nagpahayag na nakatatanggap ng mga paghahayag sa tulong nito hinggil sa pagtatayo ng Sion at sa kaayusan ng Simbahan. Nalinlang ang ilang kasapi ng mga pahayag na ito, at maging si Oliver Cowdery ay maling nahikayat ng mga yaon. Bago ang naitalagang pagpupulong, taimtim na nagtanong sa Panginoon ang Propeta hinggil sa bagay na ito, at ang paghahayag na ito ang sumunod.
1–7, Taglay ni Joseph Smith ang mga susi ng mga hiwaga, at siya lamang ang nakatatanggap ng mga paghahayag para sa Simbahan; 8–10, Mangangaral sa mga Lamanita si Oliver Cowdery; 11–16, Nilinlang ni Satanas si Hiram Page at binigyan siya ng mga maling paghahayag.
1 Dinggin, sinasabi ko sa iyo, Oliver, na ipagkakaloob sa iyo na ikaw ay diringgin ng simbahan sa lahat ng bagay, anuman ang ituturo mo sa kanila sa pamamagitan ng Mang-aaliw, hinggil sa mga paghahayag at kautusan na aking ibinigay.
2 Subalit, dinggin, katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, walang sinuman ang itatalagang tatanggap ng mga kautusan at paghahayag sa simbahang ito maliban sa aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun., sapagkat tinatanggap niya ang mga yaon maging katulad ni Moises.
3 At maging masunurin ka sa mga bagay na ibibigay ko sa kanya, maging katulad ni Aaron, na ipahayag nang matapat ang mga kautusan at paghahayag, nang may kapangyarihan at karapatan sa simbahan.
4 At kung ikaw ay aakayin sa anumang oras ng Mang-aaliw na magsalita o magturo, o sa lahat ng oras bilang kautusan sa simbahan, maaari mong gawin ito.
5 Subalit huwag kang susulat bilang kautusan, kundi nang may karunungan;
6 At huwag kang mag-uutos sa kanya na siya mong pinuno, at pinuno ng simbahan;
7 Sapagkat ipinagkaloob ko sa kanya ang mga susi ng mga hiwaga, at ang mga paghahayag na tinatakan, hanggang sa magtalaga ako sa kanila ng hahalili sa kanya.
8 At ngayon, dinggin, sinasabi ko sa iyo na ikaw ay magtutungo sa mga Lamanita at mangangaral ng aking ebanghelyo sa kanila; at yamang kanilang tinatanggap ang iyong mga turo, ipangyayari mong maitatag ang aking simbahan sa kanila; at ikaw ay tatanggap ng mga paghahayag, subalit huwag mong isulat ang mga yaon bilang kautusan.
9 At ngayon, dinggin, sinasabi ko sa iyo na hindi inihayag, at walang taong nakaaalam kung saan itatayo ang lungsod ng Sion, subalit ito ay ipahahayag pagkaraan nito. Dinggin, sinasabi ko sa iyo na ito ay sa mga hangganan malapit sa mga Lamanita.
10 Huwag kang lilisan sa pook na ito hanggang sa matapos ang pagpupulong; at ang aking tagapaglingkod na si Joseph ay itatakdang mamuno sa pagpupulong sa pamamagitan ng tinig nila, at kung ano ang sasabihin niya sa iyo ay iyong sasabihin.
11 At muli, makipagkita ka sa iyong kapatid na si Hiram Page, siya at ikaw lamang, at sabihin sa kanya na ang mga bagay na yaon na isinulat niya mula sa yaong bato ay hindi mula sa akin at na nalinlang siya ni Satanas;
12 Sapagkat, dinggin, ang mga bagay na ito ay hindi itinalaga sa kanya, ni walang alinmang bagay ang itatalaga kaninuman sa simbahang ito na taliwas sa mga tipan sa simbahan.
13 Sapagkat ang lahat ng bagay ay kinakailangang maisagawa nang may kaayusan, at sa pamamagitan ng pagsang-ayon ng lahat ng nasa simbahan, sa pamamagitan ng panalangin na may pananampalataya.
14 At ikaw ay tutulong na maisaayos ang lahat ng bagay na ito, alinsunod sa mga tipan sa simbahan, bago ka humayo sa iyong paglalakbay sa mga Lamanita.
15 At ipaaalam sa iyo sa oras ng iyong paghayo, hanggang sa oras ng iyong pagbabalik, kung ano ang iyong gagawin.
16 At kinakailangan mong buksan ang iyong bibig sa lahat ng oras, ipinahahayag ang aking ebanghelyo nang may tunog ng kasiyahan. Amen.