Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 31


Bahagi 31

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, kay Thomas B. Marsh, Setyembre 1830. Naganap ang pangyayari kasunod na kasunod ng isang pagpupulong ng Simbahan (tingnan ang ulo ng bahagi 30). Si Thomas B. Marsh ay nabinyagan sa mga unang araw ng buwang yaon at naordenang elder sa Simbahan bago ibinigay ang paghahayag na ito.

1–6, Si Thomas B. Marsh ay tinawag na mangaral ng ebanghelyo at binigyang-katiyakan ang katiwasayan ng kanyang mag-anak; 7–13, Siya ay pinayuhang maging mapagtiis, manalangin sa tuwina, at sundin ang Mang-aaliw.

1 Thomas, aking anak, pinagpala ka dahil sa iyong pananampalataya sa aking gawain.

2 Dinggin, ikaw ay dumanas na ng maraming paghihirap dahil sa iyong mag-anak; gayunman, pagpapalain kita at ang iyong mag-anak, oo, ang iyong maliliit na anak; at darating ang araw na sila ay maniniwala at malalaman ang katotohanan at makikiisa sa iyo sa aking simbahan.

3 Magalak sa iyong puso at magsaya, sapagkat ang oras ng iyong misyon ay dumating na; at kakalagan ang iyong dila, at iyong ipahahayag ang masasayang balita ng dakilang kagalakan sa salinlahing ito.

4 At iyong ipahahayag ang mga bagay na inihayag sa aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun. Ikaw ay magsisimulang mangaral mula sa oras na ito, oo, ang umani sa bukid na puti na at handa nang sunugin.

5 Samakatwid, ikampay ang iyong karit nang buo mong kaluluwa, at ang iyong mga kasalanan ay pinatatawad na, at ikaw ay magpapasan ng mga bungkos sa iyong likod, sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat sa kanyang sahod. Anupa’t ang iyong mag-anak ay mabubuhay.

6 Dinggin, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, lumisan ka sa kanila nang kaunting panahon lamang, at ipahayag ang aking salita, at ako ay maghahanda ng isang lugar para sa kanila.

7 Oo, aking bubuksan ang mga puso ng mga tao, at tatanggapin ka nila. At ako ay magtatayo ng simbahan sa pamamagitan ng iyong kamay;

8 At palalakasin mo sila at ihahanda sila para sa panahon kung kailan sila ay titipunin.

9 Maging mapagtiis sa mga paghihirap, huwag laitin ang mga yaong nanlalait. Pamahalaan ang iyong sambahayan nang may kaamuan, at maging matatag.

10 Dinggin, sinasabi ko sa iyo na ikaw ay magiging isang manggagamot sa simbahan, subalit hindi sa sanlibutan, sapagkat hindi ka nila tatanggapin.

11 Humayo ka kung saan ko man loobin, at ipaaalam sa iyo ng Mang-aaliw kung ano ang iyong gagawin at kung saan ka magtutungo.

12 Manalangin sa tuwina, nang hindi ka matukso at mawala ang iyong gantimpala.

13 Maging matapat hanggang wakas, at dinggin, ako ay makakasama mo. Ang mga salitang ito ay hindi mula sa tao ni mula sa mga tao, kundi mula sa akin, maging si Jesucristo, ang iyong Manunubos, sa kalooban ng Ama. Amen.