Bahagi 33
Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, kina Ezra Thayre at Northrop Sweet, sa Fayette, New York, Oktubre 1830. Sa pagpapakilala sa paghahayag na ito, pinatotohanan ng kasaysayan ni Joseph Smith na “ang Panginoon … ay laging handang tagubilinan ang yaong masisigasig na nagsasaliksik nang may pananampalataya.”
1–4, Ang mga manggagawa ay tinawag na magpahayag ng ebanghelyo sa ikalabing-isang oras; 5–6, Itinatag ang Simbahan, at titipunin ang mga hinirang; 7–10, Magsisi, sapagkat ang kaharian ng langit ay nalalapit na; 11–15, Itinayo ang Simbahan sa bato ng ebanghelyo; 16–18, Maghanda para sa pagparito ng Kasintahang Lalaki.
1 Dinggin, sinasabi ko sa inyo, aking mga tagapaglingkod na Ezra at Northrop, buksan ang inyong mga tainga at makinig sa tinig ng Panginoon ninyong Diyos, na ang salita ay buhay at makapangyarihan, higit na matalas kaysa sa espadang may dalawang talim, sa paghahati ng mga kasu-kasuan at ng utak sa buto, ng kaluluwa at ng espiritu; at isang taga-unawa ng mga saloobin at layunin ng puso.
2 Sapagkat katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo na kayo ay tinawag na itaas ang inyong mga tinig na tulad ng tunog ng isang trumpeta, upang ipahayag ang aking ebanghelyo sa isang liko at balakyot na salinlahi.
3 Sapagkat dinggin, ang bukid ay puti na at handa nang anihin; at ito na ang ikalabing-isang oras, at ang huling pagkakataong tatawag ako ng mga manggagawa sa aking ubasan.
4 At ang aking ubasan ay nabulok sa bawat mumunting bagay; at wala nang gumagawa ng kabutihan maliban lamang sa iilan; at sa maraming pagkakataon ay nagkakamali sila dahil sa mga huwad na pagkasaserdote, lahat ay may masamang pag-iisip.
5 At katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, na ang simbahang ito ay aking itinatag at tinawag mula sa ilang.
6 At sa gayon ko titipunin ang aking mga hinirang mula sa apat na sulok ng mundo, maging kasindami ng maniniwala sa akin, at makikinig sa aking tinig.
7 Oo, katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, na ang bukid ay puti na at handa nang anihin; kaya nga, ikampay ang inyong mga karit, at mag-ani nang buo ninyong kakayahan, pag-iisip, at lakas.
8 Buksan ang inyong mga bibig at ang mga ito ay mapupuno, at matutulad kayo maging kay Nephi noong sinauna, na naglakbay mula sa Jerusalem sa ilang.
9 Oo, buksan ang inyong mga bibig at huwag manahimik, at kayo ay magpapasan ng mga bungkos sa inyong mga likod, sapagkat dinggin, ako ay kasama ninyo.
10 Oo, buksan ang inyong mga bibig at ang mga ito ay mapupuno, sinasabing: Magsisi, magsisi, at ihanda ninyo ang daan ng Panginoon, at tuwirin ang kanyang mga landas; sapagkat ang kaharian ng langit ay nalalapit na;
11 Oo, magsisi at magpabinyag, bawat isa sa inyo, para sa kapatawaran ng inyong mga kasalanan; oo, magpabinyag maging sa pamamagitan ng tubig, at pagkatapos ay darating ang binyag ng apoy at ng Espiritu Santo.
12 Dinggin, katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ito ang aking ebanghelyo; at tandaan na sila ay kailangang magkaroon ng pananampalataya sa akin o hindi sila maliligtas;
13 At sa ibabaw ng batong ito ko itatayo ang aking simbahan; oo, sa ibabaw ng batong ito kayo itinayo, at kung kayo ay magpapatuloy, ang mga pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig laban sa inyo.
14 At inyong aalalahanin ang mga saligan at tipan ng simbahan upang tuparin ang mga ito.
15 At sinuman ang may pananampalataya ay pagtitibayin ninyo sa aking simbahan, sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay, at aking igagawad ang kaloob na Espiritu Santo sa kanila.
16 At ang Aklat ni Mormon at ang mga banal na kasulatan ay ibinigay ko para sa inyong ikatututo; at ang kapangyarihan ng aking Espiritu ay nagbibigay-buhay sa lahat ng bagay.
17 Anupa’t maging matapat, nananalangin sa tuwina, taglay ang inyong mga ilawan na tinabasan at nagniningas, at magdala kayo ng langis, upang kayo ay maging handa sa pagparito ng Kasintahang Lalaki—
18 Sapagkat dinggin, katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, na ako ay mabilis na paparito. Maging gayon nga. Amen.