Bahagi 34
Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, kay Orson Pratt, sa Fayette, New York, Nobyembre 4, 1830. Labinsiyam na taong gulang si Kapatid na Pratt noong mga panahong iyon. Siya ay nagbalik-loob at nabinyagan nang una niyang marinig ang pangangaral tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo mula sa kanyang nakatatandang kapatid na si Parley P. Pratt, anim na linggo ang nakaraan. Natanggap ang paghahayag na ito sa tahanan ni Peter Whitmer, Sr.
1–4, Nagiging mga anak ng Diyos ang matatapat sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala; 5–9, Inihahanda ng pangangaral ng ebanghelyo ang daan para sa Ikalawang Pagparito; 10–12, Dumarating ang propesiya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
1 Aking anak na Orson, pakinggan at makinig at dinggin kung ano ang sasabihin ko, ang Panginoong Diyos, sa iyo, maging si Jesucristo na iyong Manunubos;
2 Ang ilaw at ang buhay ng sanlibutan, isang ilaw na nagliliwanag sa kadiliman, at ang kadiliman ay hindi ito nauunawaan;
3 Na labis na minahal ang sanlibutan kung kaya’t ibinigay niya ang kanyang sariling buhay, upang kasindami ng mga maniniwala ay magiging mga anak ng Diyos. Samakatwid, ikaw ay aking anak;
4 At pinagpala ka dahil ikaw ay naniwala;
5 At higit kang pinagpala dahil ikaw ay tinawag ko na mangaral ng aking ebanghelyo—
6 Na itaas ang iyong tinig na tulad ng tunog ng isang trumpeta, na kapwa matagal at malakas, at mangaral ng pagsisisi sa isang liko at balakyot na salinlahi, inihahanda ang daan ng Panginoon para sa kanyang ikalawang pagparito.
7 Sapagkat dinggin, katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, nalalapit na ang panahon na ako ay paparito sa isang alapaap nang may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.
8 At ito ay magiging isang dakilang araw sa panahon ng aking pagparito, sapagkat manginginig ang lahat ng bansa.
9 Subalit bago sumapit ang dakilang araw na yaon, ang araw ay magdidilim, at ang buwan ay magkukulay dugo; at ipagkakait ng mga bituin ang liwanag ng mga ito, at magsisipagbagsakan ang ilan, at matitinding pagkawasak ang naghihintay sa masasama.
10 Anupa’t itaas ang iyong tinig at huwag manahimik, sapagkat ang Panginoong Diyos ay nangusap; kaya nga, magpropesiya, at ilalahad ito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
11 At kung ikaw ay magiging matapat, dinggin, ako ay kasama mo hanggang sa pumarito ako—
12 At katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, ako ay mabilis na paparito. Ako ang iyong Panginoon at iyong Manunubos. Maging gayon nga. Amen.