Bahagi 36
Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, kay Edward Partridge, malapit sa Fayette, New York, Disyembre 9, 1830 (tingnan sa ulo ng bahagi 35). Ipinapahayag ng kasaysayan ni Joseph Smith na si Edward Partridge “ay isang huwaran ng kabanalan, at isa sa mga dakilang tao ng Panginoon.”
1–3, Ipinapatong ng Panginoon ang Kanyang kamay kay Edward Partridge sa pamamagitan ng kamay ni Sidney Rigdon; 4–8, Bawat lalaki na tumatanggap ng ebanghelyo at ng pagkasaserdote ay tatawagin na humayo at mangaral.
1 Ganito ang wika ng Panginoong Diyos, ang Makapangyarihan ng Israel: Dinggin, sinasabi ko sa iyo, aking tagapaglingkod na Edward, na ikaw ay pinagpala, at ang iyong mga kasalanan ay pinatawad na, at tinawag ka na ipangaral ang aking ebanghelyo na tulad ng tunog ng isang trumpeta;
2 At ipapatong ko ang aking kamay sa iyo sa pamamagitan ng kamay ng aking tagapaglingkod na si Sidney Rigdon, at iyong matatangap ang aking Espiritu, ang Espiritu Santo, maging ang Mang-aaliw, na siyang magtuturo sa iyo ng mga mapamayapang bagay ng kaharian;
3 At iyong ipapahayag ito nang may malakas na tinig, nagsasabing: Hosana, purihin ang pangalan ng kataas-taasang Diyos.
4 At ngayon, ang tungkulin at kautusang ito ay ibinibigay ko sa iyo hinggil sa lahat ng tao—
5 Na kasindami ng haharap sa aking mga tagapaglingkod na sina Sidney Rigdon at Joseph Smith, Jun., niyayakap ang tungkulin at kautusang ito, ay oordenan at isusugo upang ipangaral ang walang katapusang ebanghelyo sa mga bansa—
6 Mangangaral ng pagsisisi, sinasabing: Iligtas ang inyong sarili mula sa suwail na salinlahing ito, at magsipaglabasan mula sa apoy, na kinapopootan maging ang mga kasuotan na nabahiran ng laman.
7 At ang kautusang ito ay ibibigay sa mga elder ng aking simbahan, upang ang bawat lalaking yayakap nito nang may katapatan ng puso ay maordenan at isugo, maging tulad ng aking sinabi.
8 Ako si Jesucristo, ang Anak ng Diyos; anupa’t bigkisan ang inyong mga balakang at ako ay mabilis na paroroon sa aking templo. Maging gayon nga. Amen.