Bahagi 38
Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Fayette, New York, Enero 2, 1831. Ang pangyayari ay isang pagpupulong ng Simbahan.
1–6, Nilikha ni Cristo ang lahat ng bagay; 7–8, Siya ay nasa gitna ng Kanyang mga Banal, na malapit na Siyang makita; 9–12, Makasalanan ang lahat ng nilalang sa harapan Niya; 13–22, Siya ay naglaan ng isang lupang pangako para sa Kanyang mga Banal sa buhay at sa kawalang-hanggan; 23–27, Ang mga Banal ay inutusang magkaisa at ituring ang bawat isa bilang kapatid; 28–29, Ibinadya ang mga digmaan; 30–33, Ang mga Banal ay pagkakalooban ng kapangyarihan mula sa kaitaasan at hahayo sa lahat ng bansa; 34–42, Ang Simbahan ay inutusang kalingain ang mga maralita at nangangailangan at hangarin ang mga kayamanan ng kawalang-hanggan.
1 Ganito ang wika ng Panginoon ninyong Diyos, maging si Jesucristo, ang Dakilang Ako Nga, ang Alpha at Omega, ang simula at ang wakas, ang siya ring tumatanaw sa kalawakan ng kawalang-hanggan, at sa lahat ng serapin na hukbo ng langit, bago nilikha ang daigdig;
2 Ang siya ring nakaaalam ng lahat ng bagay, sapagkat lahat ng bagay ay nakikita ng aking mga mata;
3 Ako ang siya ring nagsalita, at ang daigdig ay nalikha, at ang lahat ng bagay ay nilikha sa pamamagitan ko.
4 Ako ang siya ring tumanggap sa Sion ni Enoc sa aking sariling kanlungan; at katotohanan, sinasabi ko, maging kasindami ng naniwala sa aking pangalan, sapagkat ako si Cristo, at sa aking sariling pangalan, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng dugo na aking ibinuhos, ako ay nagmakaawa sa harapan ng Ama para sa kanila.
5 Subalit dinggin, ang mga natitirang masasama ay aking pinanatili sa mga tanikala ng kadiliman hanggang sa paghuhukom ng dakilang araw, na mangyayari sa katapusan ng mundo;
6 At sa gayon ko iuutos na manatili ang masasama na hindi makikinig sa aking tinig, sa halip, pinatitigas ang kanilang puso, at sa aba, sa aba, sa aba, ang kanilang kapahamakan.
7 Subalit dinggin, katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo na ang aking mga mata ay nakatuon sa inyo. Ako ay nasa gitna ninyo at hindi ninyo ako nakikita;
8 Subalit malapit nang dumating ang araw na ako ay inyong makikita, at makikilala ako; sapagkat malapit nang mapunit ang tabing ng kadiliman, at siya na hindi dalisay ay hindi makatatagal sa araw na yaon.
9 Samakatwid, bigkisan ang inyong mga balakang at maging handa. Dinggin, ang kaharian ay sa inyo, at ang kaaway ay hindi mananaig.
10 Katotohanan, sinasabi ko sa inyo, kayo ay malilinis, subalit hindi lahat; at wala nang iba pa akong kinaluluguran;
11 Sapagkat ang lahat ng nilalang ay makasalanan sa harapan ko; at ang mga kapangyarihan ng kadiliman ay nangingibabaw sa mundo, sa mga anak ng tao, sa harapan ng lahat ng hukbo ng langit—
12 Na nagdudulot na maghari ang katahimikan, at ang buong kawalang-hanggan ay nagdurusa, at hinihintay ng mga anghel ang dakilang utos na anihin ang mundo, na tipunin ang mga agingay upang sunugin ang mga yaon; at, dinggin, ang kaaway ay nagsama-sama.
13 At ngayon, magpapakita ako sa inyo ng isang hiwaga, isang bagay na naroroon sa mga lihim na silid, na maisasakatuparan maging ng inyong pagkalipol sa paglipas ng panahon, at hindi ninyo ito nalalaman;
14 Subalit ngayon, aking sinasabi ito sa inyo, at kayo ay pinagpala, hindi dahil sa inyong kasamaan, ni sa inyong mga puso na walang paniniwala; sapagkat sa katotohanan, may kasalanan sa harapan ko ang ilan sa inyo, subalit ako ay magiging maawain sa inyong mga kahinaan.
15 Samakatwid, kayo ay maging malakas magmula ngayon; huwag matakot, sapagkat ang kaharian ay sa inyo.
16 At para sa inyong kaligtasan, binibigyan ko kayo ng isang kautusan, sapagkat aking narinig ang inyong mga panalangin, at dumaing sa harapan ko ang mga maralita, at aking nilikha ang mayayaman, at lahat ng nilalang ay sa akin, at ako ay hindi nagtatangi ng mga tao.
17 At aking ginawang mayaman ang mundo, at dinggin, ito ang aking tuntungan, kaya nga, muli akong tatayo rito.
18 At aking aalukin at gagawaran kayo ng higit na dakilang kayamanan, maging isang lupang pangako, isang lupaing may dumadaloy na gatas at pulot-pukyutan, kung saan walang magiging sumpa kapag pumarito ang Panginoon;
19 At aking ibibigay ito sa inyo bilang lupain na inyong mana, kung hahangarin ninyo ito nang buo ninyong puso.
20 At ito ang aking magiging tipan sa inyo, inyong makakamit ito bilang lupain na inyong mana, at bilang mana ng inyong mga anak magpakailanman, habang nakatindig ang mundo, at aangkinin ninyo itong muli sa kawalang-hanggan, hindi na muling lilipas.
21 Subalit katotohanan, sinasabi ko sa inyo na darating ang panahon, kayo ay hindi na magkakaroon ng hari ni tagapamahala, sapagkat ako ang inyong magiging hari at magbabantay sa inyo.
22 Samakatwid, makinig sa aking tinig at sumunod sa akin, at kayo ay magiging malayang tao, hindi kayo magkakaroon ng mga batas maliban sa aking mga batas sa pagparito ko, sapagkat ako ang inyong tagabigay ng batas, at ano ang makapipigil sa aking kamay?
23 Subalit katotohanan, sinasabi ko sa inyo, turuan ang bawat isa alinsunod sa tungkulin na kung saan ko kayo itinalaga;
24 At pahalagahan ng bawat tao ang kanyang kapatid tulad sa kanyang sarili, at gumawa ng kabutihan at kabanalan sa harapan ko.
25 At muli, sinasabi ko sa inyo, pahalagahan ng bawat tao ang kanyang kapatid tulad sa kanyang sarili.
26 Sapagkat sinong tao sa inyo na may labindalawang anak, at walang itinatangi sa kanila, at sila ay masunuring naglilingkod sa kanya, at sinabi niya sa isa: Magsuot ka ng báta at umupo ka rito; at sa isa pa: Magsuot ka ng basahan at umupo ka roon—at tumitingin sa kanyang mga anak at sinasabing ako ay makatarungan?
27 Dinggin, ito ay ibinigay ko sa inyo bilang isang talinghaga, at ito ay katulad ko. Sinasabi ko sa inyo, maging isa; at kung hindi kayo isa, kayo ay hindi sa akin.
28 At muli, sinasabi ko sa inyo na ang kaaway na nasa mga lihim na silid ay hinahangad ang inyong buhay.
29 Inyong naririnig ang tungkol sa mga digmaan sa malalayong bansa, at inyong sinasabi na malapit nang magkaroon ng malalaking digmaan sa malalayong bansa, subalit hindi ninyo nababatid ang mga puso ng mga tao sa inyong sariling lupain.
30 Sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na ito dahil sa inyong mga panalangin; anupa’t pahalagahan ang karunungan sa inyong mga dibdib, sapagkat baka ang kasamaan ng mga tao ang maghayag ng mga bagay na ito sa inyo sa pamamagitan ng kanilang kasamaan, sa isang paraan na magsasalita sa inyong mga tainga na may tinig na higit na malakas kaysa sa yaong makapagpapayanig ng lupa; subalit kung kayo ay handa, hindi kayo matatakot.
31 At upang matakasan ninyo ang kapangyarihan ng kaaway, at matipon sa akin bilang mga matwid na tao, na walang bahid-dungis at walang kasalanan—
32 Samakatwid, sa kadahilanang ito ako nagbigay sa inyo ng kautusan na kayo ay nararapat na magtungo sa Ohio; at doon ko ibibigay sa inyo ang aking batas; at doon kayo pagkakalooban ng kapangyarihan mula sa kaitaasan;
33 At mula roon, ang sinumang nanaisin ko ay hahayo sa lahat ng bansa, at sasabihin sa kanila kung ano ang gagawin nila; sapagkat ako ay may isang mahalagang gawaing nakalaan, sapagkat ang Israel ay maliligtas, at akin silang aakayin saan ko man naisin, at walang kapangyarihang makapipigil sa aking kamay.
34 At ngayon, ibinibigay ko sa simbahan sa mga dakong ito ang isang kautusan, na may ilang tao sa kanila ang itatalaga, at sila ay itatalaga sa pamamagitan ng tinig ng simbahan;
35 At sila ay magmamalasakit sa mga maralita at sa nangangailangan, at magbibigay ng tulong sa kanila upang hindi sila magdusa; at isusugo sila na magtungo sa lugar na aking ipinag-utos sa kanila;
36 At ito ang kanilang magiging gawain, ang pamahalaan ang pamamalakad sa mga ari-arian ng simbahang ito.
37 At sila na may mga bukid na hindi maipagbili, iwan o paupahan ang mga yaon, kung anuman ang sa palagay nilang makabubuti.
38 Tiyaking maingatan ang lahat ng bagay; at kapag ang mga tao ay pinagkalooban ng kapangyarihan mula sa kaitaasan at isinugo, ang lahat ng bagay na ito ay titipunin sa kanlungan ng simbahan.
39 At kung inyong hinahangad ang mga kayamanan na yaong kalooban ng Ama na ibigay sa inyo, kayo ang magiging pinakamayaman sa lahat ng tao, sapagkat tatanggapin ninyo ang mga kayamanan ng kawalang-hanggan; at talagang kinakailangan na ang mga kayamanan ng mundo ay akin upang ibigay; subalit mag-ingat sa kapalaluan, sapagkat baka maging katulad kayo ng mga Nephita noong sinauna.
40 At muli, sinasabi ko sa inyo, binibigyan ko kayo ng isang kautusan, na bawat tao, kapwa mga elder, saserdote, guro, at gayundin ang mga kasapi, na humayo nang buong lakas niya, lakip ang pagsusumikap ng kanyang mga kamay, upang ihanda at tuparin ang mga bagay na aking ipinag-utos.
41 At pangyarihin na ang inyong pangangaral ang maging tinig ng babala, bawat tao sa kanyang kapwa, sa kahinahunan at kaamuan.
42 At kayo ay lumayo mula sa masasama. Iligtas ang inyong sarili. Maging malinis kayo na nagtataglay ng sisidlan ng Panginoon. Maging gayon nga. Amen.