Bahagi 39
Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, kay James Covel, sa Fayette, New York, Enero 5, 1831. Nakipagtipan sa Panginoon si James Covel, na naging isang Methodist na mangangaral sa loob ng mga apatnapung taon, na kanyang susundin ang anumang kautusan na ibibigay sa kanya ng Panginoon sa pamamagitan ni Joseph, ang Propeta.
1–4, May kakayahan ang mga Banal na maging mga anak ng Diyos; 5–6, Ang pagtanggap ng ebanghelyo ay pagtanggap kay Cristo; 7–14, Si James Covel ay inutusang magpabinyag at gumawa sa ubasan ng Panginoon; 15–21, Ipangangaral ng mga tagapaglingkod ng Panginoon ang ebanghelyo bago ang Ikalawang Pagparito; 22–24, Titipunin sa buhay at sa kawalang-hanggan ang mga tumatanggap ng ebanghelyo.
1 Makinig at pakinggan ang tinig niya na mula sa lahat ng kawalang-hanggan, hanggang sa lahat ng kawalang-hanggan, ang Dakilang Ako Nga, maging si Jesucristo—
2 Ang ilaw at ang buhay ng sanlibutan; isang ilaw na nagliliwanag sa kadiliman, at ang kadiliman ay hindi ito nauunawaan;
3 Ang siya ring pumarito sa kalagitnaan ng panahon sa sariling akin, at ang sariling akin ay hindi ako tinanggap;
4 Subalit kasindami ng tumanggap sa akin, binigyan ko ng kakayahang maging aking mga anak; at sa gayundin ako magbibigay sa kasindami ng tatanggap sa akin, ng kakayahang maging aking mga anak.
5 At katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, siya na tumatanggap sa aking ebanghelyo ay tumatanggap sa akin; at siya na hindi tumatanggap sa aking ebanghelyo ay hindi tumatanggap sa akin.
6 At ito ang aking ebanghelyo—pagsisisi at binyag sa pamamagitan ng tubig, at pagkatapos ay susunod ang binyag ng apoy at ng Espiritu Santo, maging ang Mang-aaliw, na nagpapakita ng lahat ng bagay, at nagtuturo ng mga mapamayapang bagay ng kaharian.
7 At ngayon, dinggin, sinasabi ko sa iyo, aking tagapaglingkod na si James, aking namasdan ang iyong mga gawain at kilala kita.
8 At katotohanan, sinasabi ko sa iyo, ang iyong puso ay matwid ngayon sa aking harapan sa panahong ito; at, dinggin, ako ay naggawad ng mga dakilang pagpapala sa iyong ulo;
9 Gayunman, ikaw ay nakaranas ng matinding kalungkutan, sapagkat ako ay itinatwa mo nang maraming ulit dahil sa kapalaluan at sa mga kabalisahan ng sanlibutan.
10 Subalit, dinggin, ang mga araw ng iyong paglaya ay sumapit na, kung susunod ka sa aking tinig, na nagsasabi sa iyo: Tumindig at magpabinyag, at hugasan ang iyong mga kasalanan, tinatawag ang aking pangalan, at iyong tatanggapin ang aking Espiritu, at isang napakadakilang pagpapala na hindi mo pa nalalaman.
11 At kung gagawin mo ito, ako ay naghanda para sa iyo ng isang higit na dakilang gawain. Iyong ipangangaral ang kabuuan ng aking ebanghelyo, na aking ipinahayag sa mga huling araw na ito, ang tipan na aking ipinahayag upang mabawi ang aking mga tao, na mula sa sambahayan ni Israel.
12 At ito ay mangyayari na mapasasaiyo ang kapangyarihan; ikaw ay magkakaroon ng malaking pananampalataya, at ako ay makakasama mo at mauuna sa iyong harapan.
13 Ikaw ay tinawag na gumawa sa aking ubasan, at na itayo ang aking simbahan, at na itatag ang Sion, upang ito ay magalak sa mga burol at managana.
14 Dinggin, katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, ikaw ay hindi tinawag na magtungo sa mga bayan sa kasilanganan, kundi ikaw ay tinawag na magtungo sa Ohio.
15 At yamang ang aking mga tao ay magkakasamang nagtitipun-tipon ng kanilang sarili sa Ohio, ako ay naglaan ng isang pagpapala na hindi pa nalalaman sa mga anak ng tao, at ibubuhos ito sa kanilang mga ulo. At mula roon, ang mga tao ay hahayo sa lahat ng bansa.
16 Dinggin, katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, na ang mga tao sa Ohio ay nananawagan sa akin nang may labis na pananampalataya, nag-aakala na aking pipigilin ang kamay ko sa paghuhukom sa mga bansa, subalit hindi ko masasalungat ang aking salita.
17 Samakatwid, magsimulang gumawa nang buo mong kakayahan at tumawag ng matatapat na manggagawa sa aking ubasan, upang ito ay mapungusan sa huling pagkakataon.
18 At yamang sila ay nagsisisi at tinatanggap ang kabuuan ng aking ebanghelyo, at naging banal, aking pipigilin ang kamay ko sa paghuhukom.
19 Samakatwid, humayo, sumisigaw sa malakas na tinig, sinasabing: Ang kaharian ng langit ay nalalapit na; sumisigaw ng: Hosana! purihin ang pangalan ng Kataas-taasang Diyos.
20 Humayo nang nagbibinyag sa pamamagitan ng tubig, inihahanda ang daan sa harapan ng aking mukha para sa panahon ng aking pagparito;
21 Sapagkat nalalapit na ang panahon; ang araw o ang oras ay walang taong nakaaalam; subalit ito ay tiyak na sasapit.
22 At siya na tumatanggap sa mga bagay na ito ay tumatanggap sa akin; at sila ay matitipon sa akin sa buhay at sa kawalang-hanggan.
23 At muli, ito ay mangyayari na sa kasindami ng inyong bibinyagan sa tubig, ipapatong ninyo ang inyong mga kamay, at kanilang matatanggap ang kaloob na Espiritu Santo, at maghihintay sa mga palatandaan ng aking pagparito, at makikilala ako.
24 Dinggin, ako ay madaling paparito. Maging gayon nga. Amen.