Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 3


Bahagi 3

Paghahayag na ibinigay kay Joseph Smith, ang Propeta, sa Harmony, Pennsylvania, Hulyo 1828, hinggil sa pagkawala ng 116 na pahina ng manuskritong isinalin mula sa unang bahagi ng Aklat ni Mormon, na tinatawag na aklat ni Lehi. Nag-aatubiling pinahintulutan ng Propeta ang mga pahinang ito mula sa kanyang pag-iingat na mapasakamay ni Martin Harris, na naglingkod nang maikling panahon bilang tagasulat sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon. Ibinigay ang paghahayag sa pamamagitan ng Urim at Tummim. (Tingnan sa bahagi 10.)

1–4, Ang landas ng Panginoon ay isang walang hanggang pag-ikot; 5–15, Kinakailangang magsisi ni Joseph Smith o mawawala ang kaloob na makapagsalin; 16–20, Lalabas ang Aklat ni Mormon upang iligtas ang mga binhi ni Lehi.

1 Ang mga gawain, at ang mga plano, at ang mga layunin ng Diyos ay hindi mabibigo, ni hindi mapawawalang-saysay ang mga yaon.

2 Sapagkat ang Diyos ay hindi lumalakad sa paliku-likong daan, ni hindi siya bumabaling sa kanan ni sa kaliwa, ni hindi siya nagbabagu-bago mula sa mga yaong sinabi niya, samakatwid, ang kanyang mga daan ay tuwid, at ang kanyang landas ay isang walang hanggang pag-ikot.

3 Tandaan, tandaan, na hindi ang gawain ng Diyos ang nabibigo, kundi ang gawain ng mga tao;

4 Sapagkat bagama’t ang isang tao ay makatanggap ng maraming paghahayag, at magkaroon ng kapangyarihang makagawa ng maraming dakilang gawain, ngunit kung siya ay magyayabang sa kanyang sariling lakas, at ipagwawalang-saysay ang mga payo ng Diyos, at susunod alinsunod sa mga atas ng kanyang sariling kagustuhan at mga makamundong pagnanasa, siya ay tiyak na babagsak at matatanggap niya ang paghihiganti ng isang makatarungang Diyos.

5 Dinggin, ipinagkatiwala sa iyo ang mga bagay na ito, subalit kayhigpit ng mga kautusan sa iyo; at alalahanin din ang mga ipinangako sa iyo, kung hindi mo nilabag ang mga ito.

6 At dinggin, kaydalas mong nilabag ang mga kautusan at ang mga batas ng Diyos, at nagpadala sa mga panghihikayat ng mga tao.

7 Sapagkat, dinggin, hindi ka dapat natakot sa tao nang higit sa Diyos. Bagama’t ipinagwawalang-saysay ng tao ang mga payo ng Diyos, at ipinagwawalang-bahala ang kanyang mga salita—

8 Gayunpaman, ikaw ay dapat na naging matapat; at iniunat sana niya ang kanyang bisig at tinulungan ka laban sa lahat ng nag-aapoy na sibat ng kaaway; at siya sana ay nakasama mo sa bawat panahon ng kasawian.

9 Dinggin, ikaw ay si Joseph, at pinili ka na gawin ang gawain ng Panginoon, subalit dahil sa paglabag, kung hindi ka mag-iingat ay babagsak ka.

10 Subalit tandaan, ang Diyos ay maawain; samakatwid, magsisi sa yaong iyong nagawa na salungat sa kautusang ibinigay ko sa iyo, at ikaw ay pinili pa rin, at muling tinatawag sa gawain;

11 Maliban kung gawin mo ito, ikaw ay pababayaan at magiging katulad ng ibang tao, at mawawalan ng kaloob.

12 At nang ibinigay mo ang yaong pinagkalooban ka ng Diyos na makita at kapangyarihang isalin, ibinigay mo ang yaong banal sa mga kamay ng isang masamang tao,

13 Na ipinagwalang-saysay ang mga payo ng Diyos, at sinuway ang mga pinakabanal na pangakong ginawa sa harapan ng Diyos, at umasa sa kanyang sariling paghahatol at nagyabang sa sarili niyang karunungan.

14 At ito ang dahilan kung bakit nawala sa iyo ang mga pribilehiyo mo nang ilang panahon—

15 Sapagkat pinahintulutan mong mayurakan ang payo ng iyong tagapatnubay mula sa simula.

16 Gayunpaman, ang aking gawain ay magpapatuloy, sapagkat katulad ng pagdating sa sanlibutan ng kaalaman tungkol sa isang Tagapagligtas, sa pamamagitan ng patotoo ng mga Judio, maging gayundin makararating sa aking mga tao ang kaalaman tungkol sa isang Tagapagligtas—

17 At sa mga Nephita, at sa mga Jacobita, at sa mga Josefita, at sa mga Zoramita, sa pamamagitan ng patotoo ng kanilang mga ama—

18 At ang patotoong ito ay makararating sa kaalaman ng mga Lamanita, at ng mga Lemuelita, at ng mga Ismaelita, na nanghina sa kawalang-paniniwala dahil sa kasamaan ng kanilang mga ama, na pinahintulutan ng Panginoon na lipulin ang kanilang mga kapatid na mga Nephita, dahil sa kanilang mga kasamaan at kanilang mga karumal-dumal na gawain.

19 At para sa layunin ding ito kaya iningatan ang mga laminang ito, na naglalaman ng mga talang ito—nang matupad ang mga pangako ng Panginoon, na kanyang ginawa sa kanyang mga tao;

20 At upang ang mga Lamanita ay magtamo ng kaalaman tungkol sa kanilang mga ama, at upang kanilang malaman ang mga pangako ng Panginoon, at upang paniwalaan nila ang ebanghelyo at umasa sa mga kabutihan ni Jesucristo, at dakilain sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanyang pangalan, at upang maligtas sila sa pamamagitan ng kanilang pagsisisi. Amen.