Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 42


Bahagi 42

Paghahayag na ibinigay bilang dalawang bahagi sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Kirtland, Ohio, Pebrero 9 at 23, 1831. Ang unang bahagi, na kinabibilangan ng mga talata 1 hanggang 72, ay natanggap sa harapan ng labindalawang elder at bilang katuparan sa pangakong ginawa ng Panginoon noong una na ibibigay sa Ohio ang “batas” (tingnan sa bahagi 38:32). Ang pangalawang bahagi ay kinabibilangan ng mga talata 73 hanggang 93. Tinutukoy ng Propeta ang pahayag na ito na “nilalaman ang batas ng Simbahan.”

1–10, Ang mga elder ay tinawag na mangaral ng ebanghelyo, magbinyag ng mga nagbalik-loob, at magtayo ng Simbahan; 11–12, Sila ay kinakailangang tawagin at ordenan at ituturo nila ang mga alituntunin ng ebanghelyo na natatagpuan sa mga banal na kasulatan; 13–17, Sila ay magtuturo at magpopropesiya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu; 18–29, Ang mga Banal ay inutusang huwag pumatay, magnakaw, magsinungaling, magnasa, makiapid, o magsalita ng masama laban sa iba; 30–39, Itinakda ang mga batas na namamahala sa paglalaan ng mga ari-arian; 40–42, Binatikos ang kapalaluan at katamaran; 43–52, Pagagalingin ang mga maysakit sa pamamagitan ng mga pagbabasbas at sa pamamagitan ng pananampalataya; 53–60, Ang mga banal na kasulatan ay pumapatnubay sa Simbahan at ipahahayag sa sanlibutan; 61–69, Ihahayag ang pagtatayuan ng Bagong Jerusalem at ang mga hiwaga ng kaharian; 70–73, Gagamitin ang mga inilaang ari-arian upang tustusan ang mga pinuno ng Simbahan; 74–93, Itinakda ang mga batas na namamahala sa pangangalunya, pakikiapid, pagpatay, pagnanakaw, at pag-amin sa mga kasalanan.

1 Makinig, O kayong mga elder ng aking simbahan, na magkakasamang nagtipun-tipon ng inyong sarili sa aking pangalan, maging si Jesucristo, ang Anak ng buhay na Diyos, ang Tagapagligtas ng sanlibutan; yamang kayo ay naniniwala sa aking pangalan at sumusunod sa aking mga kautusan.

2 Muli kong sinasabi sa inyo, pakinggan at makinig at sundin ang batas na aking ibibigay sa inyo.

3 Sapagkat katotohanan, aking sinasabi, sapagkat kayo ay sama-samang nagtipun-tipon ng inyong sarili alinsunod sa kautusan na aking ipinag-utos sa inyo, at sumang-ayon hinggil sa isang bagay na ito, at humiling sa Ama sa aking pangalan, maging sa gayon kayo makatatanggap.

4 Dinggin, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ibinibigay ko sa inyo ang unang kautusang ito, na kayo ay hahayo sa aking pangalan, bawat isa sa inyo, maliban sa aking tagapaglingkod na sina Joseph Smith, Jun., at Sidney Rigdon.

5 At aking ibinibigay sa kanila ang isang kautusan na sila ay hahayo sa sandaling panahon, at ilalahad sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu kung kailan sila babalik.

6 At kayo ay hahayo sa kapangyarihan ng aking Espiritu, ipinangangaral ang aking ebanghelyo, dala-dalawa, sa aking pangalan, itinataas ang inyong mga tinig tulad ng tunog ng isang trumpeta, ipinapahayag ang aking salita katulad ng mga anghel ng Diyos.

7 At kayo ay hahayong nagbibinyag sa pamamagitan ng tubig, sinasabing: Magsisi kayo, magsisi kayo, sapagkat ang kaharian ng langit ay nalalapit na.

8 At mula sa pook na ito, kayo ay hahayo sa mga lupaing pakanluran; at yamang inyong matatagpuan ang mga yaong tatanggap sa inyo, inyong itatayo ang aking simbahan sa bawat lugar—

9 Hanggang sa dumating ang panahon kung kailan ihahayag sa inyo mula sa kaitaasan kung kailan ihahanda ang lungsod ng Bagong Jerusalem, upang matipon kayo bilang isa, upang kayo ay aking maging mga tao at ako ay inyong maging Diyos.

10 At muli, sinasabi ko sa inyo, na ang aking tagapaglingkod na si Edward Partridge ay kikilos sa katungkulan kung saan ko siya itinalaga. At ito ay mangyayari na kung magkakasala siya, may ibang itatalaga na hahalili sa kanya. Maging gayon nga. Amen.

11 Muli, sinasabi ko sa inyo, na hindi ibibigay sa sinuman na humayo na ipangaral ang aking ebanghelyo, o itayo ang aking simbahan, maliban na siya ay inorden ng isang may karapatan, at alam sa simbahan na siya ay may karapatan at wastong inorden ng mga pinuno ng simbahan.

12 At muli, ituturo ng mga elder, saserdote at guro ng simbahang ito ang mga alituntunin ng aking ebanghelyo, na nasa Biblia at Aklat ni Mormon, kung saan nasusulat ang kabuuan ng ebanghelyo.

13 At kanilang tutuparin ang mga tipan at saligan ng simbahan upang gawin ang mga ito, at ang mga yaon ang kanilang magiging mga aral, habang sila ay ginagabayan ng Espiritu.

14 At ang Espiritu ay ipagkakaloob sa inyo sa pamamagitan ng panalangin na may pananampalataya; at kung hindi ninyo natanggap ang Espiritu, hindi kayo magtuturo.

15 At ang lahat ng ito ay inyong tutuparing gawin tulad ng aking iniutos hinggil sa inyong pagtuturo, hanggang ibigay ang kabuuan ng aking mga banal na kasulatan.

16 At habang inyong itinataas ang mga tinig ninyo sa pamamagitan ng Mang-aaliw, kayo ay magsasalita at magpopropesiya anuman ang sa palagay kong makabubuti;

17 Sapagkat, dinggin, ang Mang-aaliw ay nalalaman ang lahat ng bagay, at nagpapatotoo sa Ama at sa Anak.

18 At ngayon, dinggin, ako ay nagsasalita sa simbahan. Huwag kayong papatay; at siya na pumapatay ay hindi makatatanggap ng kapatawaran sa daigdig na ito, ni sa susunod na daigdig.

19 At muli, sinasabi ko, huwag kayong papatay; subalit siya na pumapatay ay mamamatay.

20 Huwag kayong magnanakaw; at siya na nagnanakaw at hindi magsisisi ay ititiwalag.

21 Huwag kayong magsisinungaling; siya na nagsisinungaling at hindi magsisisi ay ititiwalag.

22 Mahalin ninyo ang inyong asawa nang buo ninyong puso, at pumisan sa kanya at wala nang iba.

23 At siya na tumitingin sa isang babae upang pagnasahan siya ay magtatatwa sa pananampalataya, at hindi matatamo ang Espiritu; at kung hindi siya magsisisi ay ititiwalag siya.

24 Huwag kayong makikiapid; at siya na nakikiapid, at hindi magsisisi, ay ititiwalag.

25 Subalit siya na nakiapid at nagsisisi nang buo niyang puso, at tatalikdan ito, at hindi na ito muling gagawin, ay inyong patatawarin;

26 Subalit kung kanyang gagawin itong muli, siya ay hindi patatawarin, datapwat ititiwalag.

27 Huwag kayong magsasalita ng masama sa inyong kapwa, ni gawan siya ng anumang makapipinsala.

28 Nalalaman ninyo na ang mga batas ko hinggil sa mga bagay na ito ay ibinigay sa aking mga banal na kasulatan; siya na nagkakasala at hindi nagsisisi ay ititiwalag.

29 Kung mahal ninyo ako, kayo ay maglilingkod sa akin at susunod sa lahat ng aking mga kautusan.

30 At dinggin, inyong alalahanin ang mga maralita, at maglaan ng inyong mga ari-arian para sa kanilang panustos na mayroon kayo upang ibahagi sa kanila, kalakip ang isang tipan at isang kasulatan na hindi maaaring labagin.

31 At yamang kayo ay nagbabahagi ng inyong ari-arian sa mga maralita, gagawin ninyo ito sa akin; at ang mga yaon ay ibibigay sa harapan ng obispo ng aking simbahan at sa kanyang mga tagapayo, dalawa mula sa mga elder, o sa matataas na saserdote, na yaong kanyang hihirangin o hinirang at itinalaga para sa ganoong layunin.

32 At ito ay mangyayari, na matapos maibigay ang mga ito sa harapan ng obispo ng aking simbahan, at matapos niyang matanggap ang mga patotoong ito hinggil sa paglalaan ng mga ari-arian ng aking simbahan, na ang mga yaon ay hindi na makukuha mula sa simbahan, alinsunod sa aking mga kautusan, bawat tao ay mananagot sa akin, isang katiwala sa kanyang sariling ari-arian, o sa yaong kanyang natanggap sa pamamagitan ng paglalaan, yamang sapat na para sa kanyang sarili at mag-anak.

33 At muli, kung magkakaroon ng mga ari-arian sa mga kamay ng simbahan, o ng sinumang tao nito, na higit sa kinakailangan nilang panustos pagkatapos ng unang paglalaang ito, na natira sa ilalaan sa obispo, ito ay itatago para ibigay sa mga yaong wala, sa pana-panahon, upang ang bawat tao na may pangangailangan ay sapat na matustusan at makatanggap alinsunod sa kanyang pangangailangan.

34 Samakatwid, ang natira ay itatago sa aking kamalig, upang ibigay sa mga maralita at nangangailangan, alinsunod sa itatakda ng mataas na kapulungan ng simbahan, at ng obispo at ng kanyang kapulungan;

35 At para sa layunin ng pagbili ng mga lupain para sa panlahatang kapakanan ng simbahan, at pagtatayo ng mga bahay-sambahan, at pagtatayo ng Bagong Jerusalem na ihahayag pagkaraan nito—

36 Upang ang aking mga pinagtipanang tao ay matipon bilang isa sa araw na yaong paroroon ako sa aking templo. At ginagawa ko ito para sa kaligtasan ng aking mga tao.

37 At ito ay mangyayari, na siya na nagkakasala at hindi nagsisisi ay ititiwalag mula sa simbahan, at hindi na muling matatanggap ang yaong kanyang inilaan sa mga maralita at sa nangangailangan ng aking simbahan, o sa ibang salita, sa akin—

38 Sapagkat yamang ito ay ginagawa ninyo sa pinakahamak sa mga ito, ginagawa ninyo ito sa akin.

39 Sapagkat ito ay mangyayari, na ang yaong aking sinabi sa pamamagitan ng mga bibig ng aking mga propeta ay matutupad; sapagkat aking ilalaan ang mga kayamanan ng mga yaong yumakap ng aking ebanghelyo sa mga Gentil sa mga maralita ng aking tao na kabilang sa sambahayan ni Israel.

40 At muli, huwag kayong magiging palalo sa inyong puso; maging payak ang lahat ng inyong kasuotan, at ang kagandahan ng mga ito ay kagandahan ng gawa ng sarili ninyong mga kamay;

41 At pangyarihin na ang lahat ng bagay ay gawin sa kalinisan sa harapan ko.

42 Huwag kayong maging tamad; sapagkat siya na tamad ay hindi makakakain ng tinapay ni makapagsusuot ng kasuotan ng manggagawa.

43 At sinuman sa inyo ang may sakit, at walang pananampalataya upang mapagaling, subalit naniniwala, ay pangangalagaan nang may buong pagmamahal, ng mga halamang gamot at pagkaing madaling matunaw, at hindi ng mga yaong nagmumula sa kamay ng kaaway.

44 At ang mga elder ng simbahan, dalawa o higit pa, ay tatawagin, at mananalangin at magpapatong ng kanilang mga kamay sa kanila sa aking pangalan; at kung mamamatay sila, mamamatay sila para sa akin, at kung mabubuhay sila, mabubuhay sila para sa akin.

45 Kayo ay mamumuhay nang magkakasama na may pag-ibig, kaya nga tatangis kayo para sa pagkawala ng mga yaong namatay, at lalung-lalo na para sa mga yaong walang pag-asa sa isang maluwalhating pagkabuhay na mag-uli.

46 At ito ay mangyayari na hindi matitikman ng mga yaong namatay sa akin ang kamatayan, sapagkat magiging matamis ito para sa kanila;

47 At sila na hindi namatay sa akin, sa aba nila, sapagkat ang kanilang kamatayan ay mapait.

48 At muli, ito ay mangyayari na siya na may pananampalataya sa akin na mapagaling, at hindi itinakda sa kamatayan, ay mapagagaling.

49 Siya na may pananampalatayang makakita ay makakikita.

50 Siya na may pananampalatayang makarinig ay makaririnig.

51 Ang lumpong may pananampalatayang makatalon ay makatatalon.

52 At sila na walang pananampalatayang gawin ang mga bagay na ito, subalit naniniwala sa akin, ay may kakayahang maging aking mga anak; at yamang hindi nila nilalabag ang aking mga batas, inyong babatahin ang kanilang mga kahinaan.

53 Kayo ay tatayo sa lugar ng inyong pinangangasiwaan.

54 Huwag ninyong kunin ang kasuotan ng inyong kapatid; babayaran ninyo ang yaong inyong matatanggap mula sa inyong kapatid.

55 At kung kayo ay makatatanggap nang labis para sa inyong panustos, ibibigay ninyo ito sa aking kamalig, upang ang lahat ng bagay ay magawa alinsunod sa yaong aking sinabi.

56 Kayo ay magtatanong, at ang aking mga banal na kasulatan ay ibibigay gaya ng aking itinakda, at pangangalagaan ang mga yaon sa kaligtasan;

57 At kinakailangan na ikaw ay manahimik muna hinggil sa mga yaon, at huwag ituro ang mga yaon hanggang sa matanggap ninyo ang kabuuan ng mga yaon.

58 At ako ay nagbibigay sa inyo ng isang kautusan na sa gayon, inyong ituturo ang mga yaon sa lahat ng tao; sapagkat ang mga ito ay ituturo sa lahat ng bansa, lahi, wika at tao.

59 At inyong kikilalanin ang mga bagay na inyong natanggap, na ibinigay sa inyo sa aking mga banal na kasulatan bilang isang batas, na maging batas ko upang pamahalaan ang aking simbahan;

60 At siya na gumagawa alinsunod sa mga bagay na ito ay maliligtas, at siya na hindi gumagawa nito ay mapapahamak kung magpapatuloy siya.

61 Kung kayo ay magtatanong, makatatanggap kayo ng paghahayag sa paghahayag, kaalaman sa kaalaman, upang inyong malaman ang mga hiwaga at mapamayapang bagay—na yaong nagdadala ng kagalakan, na yaong nagdadala ng buhay na walang hanggan.

62 Kayo ay magtatanong, at ihahayag sa inyo sa aking sariling takdang panahon kung saan itatayo ang Bagong Jerusalem.

63 At dinggin, ito ay mangyayari na isusugo ang aking mga tagapaglingkod sa silangan at sa kanluran, sa hilaga at sa timog.

64 At maging ngayon, tagubilinan siya na nagtutungo sa silangan na ituro sa kanila na magbabalik-loob na magtungo sa kanluran, at ito ay bunga ng yaong darating sa mundo, at ng lihim na pagsasabwatan.

65 Dinggin, inyong tutuparin ang lahat ng bagay na ito, at malaki ang inyong magiging gantimpala; sapagkat ipinagkaloob sa inyo na malaman ang mga hiwaga ng kaharian, subalit sa sanlibutan ay hindi ipinagkaloob na malaman nila ang mga yaon.

66 Inyong tutuparin ang mga batas na inyong natanggap at maging matapat.

67 At matatanggap ninyo pagkaraan nito ang mga tipan sa simbahan, tulad ng kinakailangan upang maitatag kayo, maging dito at sa Bagong Jerusalem.

68 Samakatwid, siya na nagkukulang ng karunungan, humingi siya sa akin, at bibigyan ko siya nang sagana at hindi siya pagagalitan.

69 Magalak sa inyong mga puso at magsaya, sapagkat sa inyo ang kaharian, o sa madaling salita, ang mga susi ng simbahan ay ipinagkaloob. Maging gayon nga. Amen.

70 Ang mga saserdote at guro ay magkakaroon ng kanilang mga pangangasiwaan, maging katulad ng mga kasapi.

71 At ang mga elder o mataas na saserdote na siyang itinalaga upang tumulong sa obispo bilang mga tagapayo sa lahat ng bagay ay nararapat na tustusan ang kanilang mag-anak mula sa mga ari-arian na inilaan sa obispo, para sa ikabubuti ng mga maralita, at para sa iba pang mga layunin, gaya ng nabanggit noong una;

72 O sila ay makatatanggap ng makatarungang kabayaran para sa lahat ng kanilang mga paglilingkod, maging isang pangangasiwaan o iba pa, anuman ang maiisip na mabuti o mapagpasiyahan ng mga tagapayo at obispo.

73 At ang obispo rin ay makatatanggap ng kanyang panustos, o ng makatarungang kabayaran para sa lahat ng kanyang mga paglilingkod sa simbahan.

74 Dinggin, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, na sinumang tao sa inyo, na hiniwalayan ang kanilang mga kabiyak sa kadahilanan ng pangangalunya, o sa madaling salita, kung sila ay magpapatotoo sa harapan ninyo nang buong kababaang-loob ng puso na ganito nga ang pangyayari, hindi ninyo sila itataboy mula sa inyo;

75 Subalit kung inyong matutuklasan ang sinumang tao na iniwan ang kanilang mga kabiyak para makiapid, at sila rin ang mga nagkasala, at ang kanilang mga kabiyak ay buhay pa, itataboy sila mula sa inyo.

76 At muli, sinasabi ko sa inyo, na kayo ay maging mapagbantay at maingat, nang may buong pagsisiyasat, upang hindi kayo tumanggap ng gayon sa inyo kung sila ay kasal na;

77 At kung sila ay hindi pa kasal, magsisisi sila sa lahat ng kanilang mga kasalanan o hindi ninyo sila tatanggapin.

78 At muli, ang bawat tao na kasapi ng simbahang ito ni Cristo ay tutupad sa lahat ng kautusan at tipan ng simbahan.

79 At ito ay mangyayari na kung sinumang tao sa inyo ang papatay, sila ay isusuko at hahatulan alinsunod sa mga batas ng lupain; sapagkat tandaan na siya ay walang kapatawaran; at patutunayan ito alinsunod sa mga batas ng lupain.

80 At kung sinumang lalaki o babae ang makikiapid, siya ay lilitisin sa harapan ng dalawang elder ng simbahan, o higit pa, at ang bawat salita ay pagtitibayin laban sa kanya ng dalawang saksi ng simbahan, at hindi ng kaaway; subalit kung may higit pa sa dalawang saksi ay mas makabubuti ito.

81 Subalit siya ay hahatulan sa pamamagitan ng bibig ng dalawang saksi; at ilalahad ng mga elder ang pangyayari sa harapan ng simbahan, at itataas ng simbahan ang kanilang mga kamay laban sa kanya, upang sila ay hatulan alinsunod sa batas ng Diyos.

82 At kung ito ay maaari, kinakailangang naroroon din ang obispo.

83 At ganito ang inyong gagawin sa lahat ng pangyayaring kahaharapin ninyo.

84 At kung ang isang lalaki o babae ay manloloob, isusuko siya sa batas ng lupain.

85 At kung siya ay magnanakaw, isusuko siya sa batas ng lupain.

86 At kung siya ay magsisinungaling, isusuko siya sa batas ng lupain.

87 At kung siya ay gagawa ng anumang uri ng kasamaan, ipasaiilalim siya sa batas, maging yaong sa Diyos.

88 At kung ang inyong kapatid na lalaki o babae ay magkasala sa inyo, haharapin mo siya nang kayo lamang; at kung siya ay umamin, magkasundo kayo.

89 At kung siya ay hindi umamin, dadalhin mo siya sa simbahan, hindi sa mga kasapi, kundi sa mga elder. At ito ay gagawin sa isang pagpupulong, at hindi sa harapan ng sanlibutan.

90 At kung ang inyong kapatid na lalaki o babae ay nagkasala sa marami, parurusahan siya sa harapan ng marami.

91 At kung sinuman ang nagkasala nang lantaran, sasawayin siya nang lantaran, upang siya ay mapahiya. At kung siya ay hindi aamin, ipasaiilalim siya sa batas ng Diyos.

92 At kung mayroon mang magkakasala nang palihim, siya ay sasawayin nang palihim, upang magkaroon siya ng pagkakataong umamin nang palihim sa taong pinagkasalahan niya, at sa Diyos, upang ang simbahan ay huwag magsalita laban sa kanya.

93 At sa ganito kayo kikilos sa lahat ng bagay.