Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 43


Bahagi 43

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Kirtland, Ohio, Pebrero 1831. Sa panahong ito, binagabag ang ilang kasapi ng Simbahan ng mga taong nagpapanggap na mga tagapaghayag. Ang Propeta ay nagtanong sa Panginoon at natanggap ang pabatid na ito para sa mga elder ng Simbahan. Tinatalakay ng unang bahagi ang mga paksa hinggil sa pamamahala sa Simbahan; nilalaman ng huling bahagi ang isang babala na ibibigay ng mga elder sa mga bansa sa mundo.

1–7, Dumarating lamang ang mga paghahayag at kautusan sa pamamagitan ng isang itinalaga; 8–14, Magiging banal ang mga Banal sa pamamagitan ng pagkilos nang may buong kabanalan sa harapan ng Panginoon; 15–22, Isusugo ang mga elder upang mangaral ng pagsisisi at ihanda ang mga tao para sa dakilang araw ng Panginoon; 23–28, Ang Panginoon ay nananawagan sa mga tao sa pamamagitan ng Kanyang sariling tinig at sa pamamagitan ng mga kapangyarihan ng kalikasan; 29–35, Sasapit ang Milenyo at ang paggapos kay Satanas.

1 O makinig, kayong mga elder ng aking simbahan, at pakinggan ang mga salita na aking sasabihin sa inyo.

2 Sapagkat dinggin, katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, na natanggap ninyo ang kautusan upang maging batas sa aking simbahan, sa pamamagitan niya na aking itinalaga sa inyo na tumanggap ng mga kautusan at paghahayag mula sa aking kamay.

3 At ito ay tiyak ninyong malalaman—na wala nang iba pang itinalaga sa inyo na tumanggap ng mga kautusan at paghahayag hanggang sa kunin siya, kung siya ay mananatili sa akin.

4 Subalit katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, na walang ibang itatalaga sa kaloob na ito maliban sa ito ay sa pamamagitan niya; sapagkat kung ito ay kukunin mula sa kanya, hindi siya magkakaroon ng kapangyarihan maliban sa magtalaga ng iba bilang kahalili niya.

5 At ito ay magiging batas sa inyo, na hindi ninyo tatanggapin ang mga turo ninuman na haharap sa inyo bilang mga paghahayag o kautusan;

6 At ito ay ibinibigay ko sa inyo upang hindi kayo malinlang, upang malaman ninyo na ang mga yaon ay hindi mula sa akin.

7 Sapagkat katotohanan, sinasabi ko sa inyo, siya na inorden ko ay papasok sa pintuan at ioorden tulad ng aking sinabi noon sa inyo, na ituro ang mga yaong paghahayag na inyong natanggap at matatanggap sa pamamagitan niya na aking itinalaga.

8 At ngayon, dinggin, binibigyan ko kayo ng isang kautusan, na kapag kayo ay magkakasamang nagtitipun-tipon, tuturuan at pabubutihin ninyo ang bawat isa, upang malaman ninyo kung paano kumilos at pamahalaan ang aking simbahan, kung paano kumilos alinsunod sa mga bahagi ng aking batas at mga kautusan, na aking ibinigay.

9 At sa gayon kayo matuturuan sa batas ng aking simbahan, at mapababanal ng yaong inyong natanggap, at inyong ipangangako ang inyong sarili na kumilos nang may buong kabanalan sa harapan ko—

10 Na yamang ginagawa ninyo ito, magdaragdag ng kaluwalhatian sa kahariang inyong natanggap. Yamang hindi ninyo ito ginagawa, ito ay kukunin, maging ang yaong natanggap ninyo.

11 Tanggalin ang kasamaan na nasa inyo; gawing banal ang inyong sarili sa harapan ko;

12 At kung ninanais ninyo ang mga kaluwalhatian ng kaharian, italaga ninyo ang aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun., at itaguyod siya sa harapan ko sa pamamagitan ng panalangin na may pananampalataya.

13 At muli, sinasabi ko sa inyo, na kung ninanais ninyo ang mga hiwaga ng kaharian, maglaan para sa kanya ng pagkain at kasuotan, at anumang bagay na kanyang kakailanganin upang maisakatuparan ang gawaing aking ipinag-utos sa kanya;

14 At kung hindi ninyo ito gagawin, siya ay mananatili sa kanila na tumanggap sa kanya, upang maibukod ko sa aking sarili ang mga taong dalisay sa harapan ko.

15 Muli, aking sinasabi, makinig kayong mga elder ng aking simbahan, na siyang aking itinalaga: Kayo ay hindi isinugo upang maturuan, kundi upang turuan ang mga anak ng tao ng mga bagay na aking inilagay sa inyong mga kamay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng aking Espiritu;

16 At kayo ay kailangang maturuan mula sa kaitaasan. Gawing banal ang inyong sarili at kayo ay pagkakalooban ng kapangyarihan, nang kayo ay makapagbigay maging tulad ng aking sinabi.

17 Makinig kayo, sapagkat, dinggin, ang dakilang araw ng Panginoon ay nalalapit na.

18 Sapagkat darating ang panahon na mangungusap ang Panginoon mula sa langit; ang kalangitan ay mayayanig at ang mundo ay manginginig, at ang trumpeta ng Diyos ay tutunog nang kapwa matagal at malakas, at sasabihin sa mga natutulog na bansa: Kayong mga banal, bumangon at mabuhay; kayong mga makasalanan, manatili at matulog hanggang sa ako ay muling tumawag.

19 Samakatwid, bigkisan ang inyong mga balakang sapagkat baka matagpuan kayo sa masasama.

20 Itaas ang inyong mga tinig at huwag manahimik. Ipanawagan sa mga bansa na magsisi, kapwa sa matanda at bata, kapwa sa alipin at malaya, sinasabing: Ihanda ang inyong sarili para sa dakilang araw ng Panginoon;

21 Sapagkat kung ako, na isang tao, ay nagtataas ng aking tinig at nananawagan sa inyo na magsisi, at kinapopootan ninyo ako, ano ang inyong masasabi kapag dumating ang panahon kung kailan iparirinig ng mga kulog ang kanilang mga tinig sa mga dulo ng mundo, nangungusap sa mga tainga ng lahat ng nabubuhay, sinasabing—Magsisi, at maghanda para sa dakilang araw ng Panginoon?

22 Oo, at muli, kapag ang mga kidlat ay guguhit mula sa silangan hanggang sa kanluran, at iparirinig ang kanilang mga tinig sa lahat ng nabubuhay, at papapantigin ang mga tainga ng lahat ng nakaririnig, sinasabi ang mga salitang ito—Magsisi kayo, sapagkat ang dakilang araw ng Panginoon ay sumapit na?

23 At muli, sa kanyang tinig ay mangungusap ang Panginoon mula sa kalangitan, sinasabing: Makinig, O kayong mga bansa sa mundo, at pakinggan ang mga salita ng yaong Diyos na lumikha sa inyo.

24 O, kayong mga bansa sa mundo, gaano kadalas ko kayong tinipong sama-sama tulad ng pagtitipon ng inahing manok sa kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, subalit tumanggi kayo!

25 Gaano kadalas ko kayong tinawag sa pamamagitan ng bibig ng aking mga tagapaglingkod, at sa pamamagitan ng paglilingkod ng mga anghel, at sa pamamagitan ng sarili kong tinig, at sa pamamagitan ng tinig ng mga kulog, at sa pamamagitan ng tinig ng mga kidlat, at sa pamamagitan ng tinig ng mga unos, at sa pamamagitan ng tinig ng mga lindol, at matitinding ulan ng yelong bato, at sa pamamagitan ng tinig ng mga taggutom at salot ng bawat uri, at sa pamamagitan ng malakas na tunog ng trumpeta, at sa pamamagitan ng tinig ng paghuhukom, at sa pamamagitan ng tinig ng awa sa buong maghapon, at sa pamamagitan ng tinig ng kaluwalhatian at karangalan at mga kayamanan ng buhay na walang hanggan, at maliligtas sana kayo nang may walang hanggang kaligtasan, subalit tumanggi kayo!

26 Dinggin, ang panahon ay sumapit na, kung kailan ang saro ng galit ng aking pagkapoot ay puno na.

27 Dinggin, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, na ito ang mga salita ng Panginoon ninyong Diyos.

28 Samakatwid, gumawa kayo, gumawa kayo sa aking ubasan sa huling pagkakataon—sa huling pagkakataon ay manawagan sa mga naninirahan sa mundo.

29 Sapagkat sa aking sariling takdang panahon ako paparito sa mundo para sa paghuhukom, at ang aking mga tao ay matutubos at maghaharing kasama ko sa mundo.

30 Sapagkat ang dakilang Milenyo, na aking sinabi sa pamamagitan ng bibig ng aking mga tagapaglingkod, ay sasapit.

31 Sapagkat si Satanas ay igagapos, at kapag pinakawalan siyang muli, siya ay maghahari lamang nang sandaling panahon, at pagkatapos, sasapit ang katapusan ng mundo.

32 At siya na namumuhay sa katwiran ay magbabago sa isang kisapmata, at ang mundo ay lilipas maging tila sa pamamagitan ng apoy.

33 At ang masasama ay tutungo sa hindi maapulang apoy, at walang sinumang nakaaalam sa mundo tungkol sa sa kanilang katapusan, ni hindi kailanman malalaman, hanggang sa humarap sila sa harapan ko sa paghuhukom.

34 Makinig kayo sa mga salitang ito. Dinggin, ako si Jesucristo, ang Tagapagligtas ng sanlibutan. Pahalagahan ang mga bagay na ito sa inyong mga puso, at tulutan ang mga kataimtiman ng kawalang-hanggan na mamalagi sa inyong isipan.

35 Maging taimtim. Sundin ang lahat ng aking mga kautusan. Maging gayon nga. Amen.