Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 46


Bahagi 46

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Simbahan, sa Kirtland, Ohio, Mierkoles, Marso 08, 1831. Sa maagang panahong ito ng Simbahan, wala pang nabuong pamantayang huwaran para sa pangangasiwa ng mga pagpupulong sa Simbahan. Gayunman, tila naging karaniwan na ang kaugalian ng pagtanggap lamang sa mga kasapi at matatapat na tagapagmasid sa mga pulong ng sakramento at iba pang mga pagtitipon sa Simbahan. Isinasaad ng paghahayag na ito ang kalooban ng Panginoon hinggil sa pamumuno at pangangasiwa sa mga pagpupulong at sa Kanyang tagubilin tungkol sa paghahangad at pagkilala sa mga kaloob ng Espiritu.

1–2, Mangangasiwa ang mga elder sa mga pagpupulong alinsunod sa pagpapatnubay ng Banal na Espiritu; 3–6, Hindi dapat pagbawalan ang mga naghahanap ng katotohanan sa mga pulong ng sakramento; 7–12, Humingi sa Diyos at hangarin ang mga kaloob ng Espiritu; 13–26, Ibinigay ang isang tala ng ilan sa mga kaloob na ito; 27–33, Binibigyan ang mga pinuno ng Simbahan ng kakayahang makilala ang mga kaloob ng Espiritu.

1 Makinig, O kayong mga tao ng aking simbahan; sapagkat katotohanan, sinasabi ko sa inyo na ang mga bagay na ito ay sinabi sa inyo para sa inyong kapakinabangan at kaalaman.

2 Subalit sa kabila ng mga yaong bagay na nasusulat, ito sa tuwina ay iginagawad sa mga elder ng aking simbahan mula pa sa simula, at magiging gayon magpakailanman, na pangasiwaan ang lahat ng pagpupulong habang sila ay tinatagubilinan at pinapatnubayan ng Banal na Espiritu.

3 Gayunpaman, kayo ay inuutusang huwag kailanman itataboy ang sinuman mula sa inyong mga pambulikong pagpupulong, na idinaraos sa harapan ng sanlibutan.

4 Kayo rin ay inuutusang huwag itataboy ang sinuman na nabibilang sa simbahan mula sa inyong mga pulong ng sakramento; gayunpaman, kung mayroon mang nagkasala, huwag siyang hayaang bumahagi hanggang sa siya ay gumawa ng pakikipagkasundo.

5 At muli, sinasabi ko sa inyo, huwag ninyong itataboy ang sinuman mula sa inyong mga pulong ng sakramento na masigasig na hinahanap ang kaharian—sinasabi ko ito hinggil sa kanila na hindi kabilang sa simbahan.

6 At muli, sinasabi ko sa inyo, hinggil sa inyong mga pulong para sa pagpapatibay, na kung mayroon mang hindi kabilang sa simbahan, na masigasig na hinahanap ang kaharian, huwag ninyo silang itataboy.

7 Subalit kayo ay inuutusan sa lahat ng bagay na humingi sa Diyos, na nagbibigay nang sagana; at ang yaong pinatototohanan ng Espiritu sa inyo, maging yaon ay nais kong gawin ninyo nang may buong kabanalan ng puso, lumalakad nang matwid sa harapan ko, isinasaalang-alang ang bunga ng inyong kaligtasan, ginagawa ang lahat ng bagay nang may panalangin at pasasalamat, upang hindi kayo maakit ng masasamang espiritu, o ng mga doktrina ng mga diyablo, o ng mga kautusan ng mga tao; sapagkat ang ilan ay mula sa mga tao, at ang iba ay mula sa mga diyablo.

8 Samakatwid, mag-ingat sapagkat baka kayo ay malinlang; at upang hindi kayo malinlang, masigasig ninyong hangarin ang pinakamahuhusay na kaloob, inaalala sa tuwina kung para saan ibinigay ang mga ito;

9 Sapagkat katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ang mga ito ay ibinibigay para sa kapakinabangan ng mga yaong nagmamahal sa akin at sumusunod sa lahat ng aking mga kautusan, at siya na naghahangad na gawin ang mga yaon; upang makinabang ang lahat ng naghahangad o humihingi sa akin, na humihingi at hindi ng tanda upang kanila itong masayang lamang sa kanilang mga pagnanasa.

10 At muli, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, nais ko na inyong tandaan sa tuwina, at panatilihin sa tuwina sa inyong mga isipan kung ano ang mga kaloob na ito, na iginagawad sa simbahan.

11 Sapagkat hindi lahat ay pinagkalooban ng bawat kaloob; sapagkat maraming kaloob, at sa bawat tao ay ipinagkakaloob ang isang kaloob ng Espiritu ng Diyos.

12 Sa ilan ay ipinagkakaloob ang isa, at sa ilan ay ipinagkakaloob ang iba, upang makinabang ang lahat sa gayong paraan.

13 Sa ilan ay ipinagkakaloob ng Espiritu Santo na malaman na si Jesucristo ang Anak ng Diyos, at na siya ay ipinako sa krus para sa mga kasalanan ng sanlibutan.

14 Sa iba ay ipinagkakaloob na maniwala sa kanilang mga salita, upang sila rin ay magkaroon ng buhay na walang hanggan kung patuloy silang magiging matapat.

15 At muli, sa ilan ay ipinagkakaloob ng Espiritu Santo na malaman ang pagkakaiba-iba ng pangangasiwa, sa ikalulugod ng yaon ding Panginoon, alinsunod sa kalooban ng Panginoon, iniaangkop ang kanyang mga awa alinsunod sa mga kalagayan ng mga anak ng tao.

16 At muli, ipinagkakaloob ng Espiritu Santo sa ilan na malaman ang iba’t ibang pamamalakad, kung ang mga ito ay mula sa Diyos, nang mailahad sa bawat tao ang pagpapahayag ng Espiritu upang makinabang dito.

17 At muli, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, sa ilan ay ipinagkakaloob, ng Espiritu ng Diyos, ang salita ng karunungan.

18 Sa iba ay ipinagkakaloob ang salita ng kaalaman, nang maturuan ang lahat na maging matalino at magkaroon ng kaalaman.

19 At muli, sa ilan ay ipinagkakaloob na magkaroon ng pananampalataya na gumaling;

20 At sa iba ay ipinagkakaloob na magkaroon ng pananampalataya na makapagpagaling.

21 At muli, sa iba ay ipinagkakaloob ang paggawa ng mga himala;

22 At sa iba ay ipinagkaloob na magpropesiya;

23 At sa iba ang pagkilala ng mga espiritu.

24 At muli, ipinagkakaloob sa ilan na makapagsalita ng mga wika;

25 At sa iba ay ipinagkakaloob ang pagbibigay-kahulugan sa mga wika.

26 At lahat ng kaloob na ito ay mula sa Diyos, para sa kapakinabangan ng mga anak ng Diyos.

27 At sa obispo ng simbahan, at sa yaong itatalaga at oordenan ng Diyos na pangalagaan ang simbahan at maging mga elder ng simbahan, ay ipagkakaloob ito sa kanila upang makilala ang lahat ng kaloob na yaon, nang sa gayon ay hindi magkaroon ng sinuman sa inyo na magpapanggap at gayunman ay hindi mula sa Diyos.

28 At ito ay mangyayari na siya na humihingi sa pamamagitan ng Espiritu ay makatatanggap sa pamamagitan ng Espiritu;

29 Nang sa ilan ay maipagkaloob ang lahat ng kaloob na yaon, upang magkaroon ng isang pinuno, upang makinabang ang bawat kasapi sa gayong paraan.

30 Siya na humihingi sa pamamagitan ng Espiritu ay humihingi alinsunod sa kalooban ng Diyos; kaya nga mangyayari ito tulad ng kanyang hinihingi.

31 At muli, sinasabi ko sa inyo, lahat ng bagay ay kailangang gawin sa pangalan ni Cristo; anuman ang inyong gawin sa pamamagitan ng Espiritu;

32 At kayo ay kailangang magbigay ng pasalamat sa Diyos sa pamamagitan ng Espiritu para sa anumang pagpapalang ibinabasbas sa inyo.

33 At kailangan ninyong patuloy na gumawa ng kabutihan at kabanalan sa harapan ko. Maging gayon nga. Amen.