Bahagi 48
Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Kirtland, Ohio, Biernes, Marso 10, 1831. Nagtanong sa Panginoon ang Propeta hinggil sa pamamaraan ng pagkuha ng mga lupain para sa titirahan ng mga Banal. Isa itong mahalagang kaganapan dahil sa paglipat ng mga kasapi ng Simbahan mula sa silangang Estados Unidos, sa pagsunod sa utos ng Panginoon na nararapat silang magtipun-tipon sa Ohio (tingnan sa mga bahagi 37:1–3; 45:64).
1–3, Magbabahagi ng kanilang mga lupain ang mga Banal sa Ohio sa kanilang mga kapatid; 4–6, Ang mga Banal ay bibili ng mga lupain, magtatayo ng isang lungsod, at susunod sa payo ng kanilang mga namumunong pinuno.
1 Kinakailangan na kayo ay manatili sa kasalukuyang panahon sa inyong mga lugar na tinitirahan, yamang ito ay naaangkop sa inyong kalagayan.
2 At yamang kayo ay may mga lupain, kayo ay magbabahagi sa mga kapatid sa silangan;
3 At yamang kayo ay walang mga lupain, hayaan silang bumili sa kasalukuyang panahon sa mga yaong dako sa paligid, anuman ang sa palagay nilang makabubuti, sapagkat talagang kailangang-kailangang sila ay magkaroon ng mga lugar na matitirahan sa kasalukuyang panahon.
4 Talagang kailangang-kailangang ipunin ninyo ang lahat ng salaping maaari ninyong ipunin, at na kunin ninyo ang lahat ng inyong makukuha sa katwiran, nang sa darating na panahon, kayo ay makabili ng lupain upang maging mana, maging ang lungsod.
5 Ang pook ay hindi pa ihahayag; subalit matapos dumating ng inyong mga kapatid mula sa silangan, may ilang taong itatalaga, at ipaaalam sa kanila ang pook, o sa kanila ito ihahayag.
6 At sila ay itatalagang bumili ng mga lupain, at simulang itayo ang saligan ng lungsod; at sa gayon kayo magsisimulang magtipon kasama ng inyong mga mag-anak, bawat tao alinsunod sa kanyang mag-anak, alinsunod sa kanyang kalagayan, at tulad ng itinakda sa kanya ng panguluhan at ng obispo ng simbahan, alinsunod sa mga batas at kautusan na inyong natanggap, at inyong matatanggap sa hinaharap. Maging gayon nga. Amen.