Bahagi 5
Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Harmony, Pennsylvania, Marso 1829, sa pakiusap ni Martin Harris.
1–10, Matatanggap ng salinlahing ito ang salita ng Panginoon sa pamamagitan ni Joseph Smith; 11–18, Tatlong saksi ang magpapatotoo tungkol sa Aklat ni Mormon; 19–20, Ang salita ng Panginoon ay patutunayan tulad noong mga nagdaang panahon; 21–35, Si Martin Harris ay maaaring magsisi at maging isa sa mga saksi.
1 Dinggin, sinasabi ko sa iyo, na sapagkat nagnais ang aking tagapaglingkod na si Martin Harris ng isang katibayan mula sa aking kamay, na nasa iyo, aking tagapaglingkod na si Joseph Smith Jun., ang mga laminang iyong pinatunayan at pinatotohanan na iyong natanggap mula sa akin;
2 At ngayon, dinggin, ito ang iyong sasabihin sa kanya—siya na nangusap sa iyo ay sinabi sa iyo: Ako, ang Panginoon, ay Diyos, at nagbigay ng mga bagay na ito sa iyo, aking tagapaglingkod na Joseph Smith, Jun., at nag-utos sa iyo na ikaw ay nararapat na tumayong saksi sa mga bagay na ito;
3 At aking iniutos na makipagtipan ka sa akin, na hindi mo nararapat na ipakita ang mga iyon maliban sa mga yaong tao na aking ipinag-utos sa iyo; at ikaw ay walang kapangyarihan sa mga ito maliban kung ipagkaloob ko ito sa iyo.
4 At ikaw ay may kaloob na isalin ang mga lamina; at ito ang unang kaloob na aking ibinigay sa iyo; at aking ipinag-utos na hindi ka dapat mang-angkin ng iba pang kaloob hanggang sa matupad ang aking layunin dito; sapagkat ako ay magkakaloob sa iyo ng wala nang iba pang kaloob hanggang sa matapos ito.
5 Katotohanan, sinasabi ko sa iyo, na kapighatian ang sasapit sa mga naninirahan sa mundo kung sila ay hindi makikinig sa aking mga salita;
6 Dahil pagkaraan nito, ikaw ay ioorden at hahayo at maghahatid ng aking mga salita sa mga anak ng tao.
7 Dinggin, kung sila ay hindi maniniwala sa aking mga salita, hindi sila maniniwala sa iyo, aking tagapaglingkod na Joseph, kung maaari lamang na ipakita mo sa kanila ang lahat ng bagay na ito na ipinagkatiwala ko sa iyo.
8 O, itong mapag-alinlangan at matitigas ang leeg na salinlahi—nag-aalab ang aking galit sa kanila.
9 Dinggin, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, aking inilaan ang mga bagay na yaon na aking ipinagkatiwala sa iyo, aking tagapaglingkod na Joseph, para sa isang matalinong layunin sa akin, at ito ay ipaaalam sa mga darating na salinlahi;
10 Subalit matatanggap ng salinlahing ito ang aking salita sa pamamagitan mo;
11 At dagdag pa sa iyong patotoo, ang patotoo ng tatlo sa aking mga tagapaglingkod, na aking tatawagin at ioorden, na kung kanino ay ipakikita ko ang mga bagay na ito, at hahayo ang mga yaon na dala ang aking mga salitang ibinigay sa pamamagitan mo.
12 Oo, kanilang malalaman nang may katiyakan na ang mga bagay na ito ay totoo, sapagkat ipahahayag ko ito sa kanila mula sa langit.
13 Akin silang bibigyan ng kapangyarihan upang kanilang mamasdan at makita ang mga bagay na ito sa tunay na kaanyuan ng mga ito;
14 At wala na akong iba pang pagkakalooban ng kapangyarihang ito, na tumanggap ng ganito ring patotoo sa salinlahing ito, sa pagsisimula nitong pagkakatatag at pagpapakilala sa aking simbahan mula sa ilang—kasinliwanag ng buwan, at kasingningning ng araw, at kakila-kilabot na tulad ng isang hukbong may mga bandila.
15 At ipahahayag ko ang patotoo ng tatlong saksi ng aking salita.
16 At dinggin, sinuman ang naniniwala sa aking mga salita, sila ay aking dadalawin ng mga paghahayag ng aking Espiritu; at isisilang sila sa akin, maging sa pamamagitan ng tubig at sa pamamagitan ng Espiritu—
17 At ikaw ay kailangang maghintay pa nang kaunting panahon, sapagkat hindi ka pa naoorden—
18 At ang kanilang patotoo ay ipadadala rin tungo sa paghatol sa salinlahing ito kung kanilang patitigasin ang kanilang mga puso laban sa mga yaon;
19 Sapagkat isang mapamanglaw na kaparusahan ang mapapasa mga naninirahan sa mundo, at patuloy na ibubuhos sa pana-panahon, kung hindi sila magsisisi, hanggang ang mundo ay wala nang laman, at ang mga naninirahan doon ay maubos at ganap na malipol ng liwanag ng aking pagparito.
20 Dinggin, sinasabi ko sa iyo ang mga bagay na ito, maging tulad ng aking sinabi rin sa mga tao tungkol sa pagkawasak ng Jerusalem; at ang aking salita ay mapatutunayan sa panahong ito tulad ng napatunayan noon.
21 At ngayon, aking ipinag-uutos sa iyo, aking tagapaglingkod na Joseph, na magsisi at lumakad nang mas matwid sa aking harapan, at huwag nang magpatangay pa sa mga panghihikayat ng mga tao;
22 At na ikaw ay maging matatag sa pagsunod sa mga kautusan na ipinag-utos ko sa iyo; at kung gagawin mo ito, dinggin, pagkakalooban kita ng buhay na walang hanggan, maging ikaw man ay mapatay.
23 At ngayon, muli, ako ay nangungusap sa iyo, aking tagapaglingkod na Joseph, hinggil sa taong nagnanais ng katibayan—
24 Dinggin, sinasabi ko sa kanya, dinadakila niya ang kanyang sarili at hindi sapat ang kanyang pagpapakumbaba sa harapan ko; subalit kung siya ay yuyukod sa harapan ko, at ipagpapakumbaba ang kanyang sarili sa taimtim na panalangin at pananampalataya, nang taos sa kanyang puso, sa gayon, ipagkakaloob ko sa kanya na masilayan ang mga bagay na nais niyang makita.
25 At pagkatapos ay sasabihin niya sa mga tao ng salinlahing ito: Dinggin, aking nakita ang mga bagay na ipinakita ng Panginoon kay Joseph Smith, Jun., at nalalaman ko nang may katiyakan na ang mga yaon ay totoo, sapagkat nakita ko ang mga ito, sapagkat ipinakita ang mga ito sa akin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos at hindi ng tao.
26 At ako, ang Panginoon, ay nag-uutos sa kanya, sa aking tagapaglingkod na si Martin Harris, na wala na siyang sasabihin pa sa kanila hinggil sa mga bagay na ito, sa halip, sasabihin niya: Aking nakita ang mga yaon, at ang mga yaon ay ipinakita sa akin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos; at ito ang mga salitang kanyang sasabihin.
27 Subalit kung kanyang itatatwa ito ay lalabagin niya ang tipan na kanyang ipinagkatipan sa akin noong una, at dinggin, siya ay may sala.
28 At ngayon, maliban kung magpapakumbaba siya ng kanyang sarili at aaminin sa akin ang mga bagay na kanyang nagawang mali, at makikipagtipan sa akin na susundin niya ang mga kautusan ko, at mananampalataya sa akin, dinggin, sinasabi ko sa kanya, wala siyang makikitang gayon, sapagkat hindi ko ipagkakaloob sa kanya na makita ang mga bagay na aking sinabi.
29 At kung ito ang mangyayari, ipinag-uutos ko sa iyo, aking tagapaglingkod na Joseph, na iyong sasabihin sa kanya na wala na siyang gagawin pa, ni huwag na akong abalahin pa hinggil sa bagay na ito.
30 At kung ito ang mangyayari, dinggin, sinasabi ko sa iyo, Joseph, kapag ikaw ay nakapagsalin ng ilan pang mga pahina, titigil ka nang ilang panahon, maging hanggang sa utusan kitang muli; pagkatapos ay maaari kang makapagsaling muli.
31 At maliban kung gawin mo ito, dinggin, ikaw ay hindi na magkakaroon pa ng kaloob, at aking kukunin ang mga bagay na aking ipinagkatiwala sa iyo.
32 At ngayon, sapagkat aking nakikini-kinita ang mga nag-aabang upang patayin ka, oo, aking nakikini-kinita na kung ang aking tagapaglingkod na si Martin Harris ay hindi magpapakumbaba ng kanyang sarili at tatanggap ng patotoo mula sa aking kamay, mahuhulog siya sa paglabag;
33 At marami ang nag-aabang na mapatay ka upang mawala ka sa ibabaw ng lupa; at sa dahilang ito, upang ang mga araw mo ay tumagal pa, aking ibinigay sa iyo ang mga kautusang ito.
34 Oo, sa dahilang ito kaya sinabi ko: Tumigil, at huminto hanggang ipag-utos ko sa iyo, at ako ay maglalaan ng mga paraan upang maisagawa mo ang bagay na aking ipinag-uutos sa iyo.
35 At kung ikaw ay matapat sa pagsunod sa aking mga kautusan, dadakilain ka sa huling araw. Amen.