Bahagi 50
Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Kirtland, Ohio, Martes, Mayo 09, 1831. Ipinapahayag sa kasaysayan ni Joseph Smith na hindi naunawaan ng ilang elder ang mga pagpapakita ng iba’t ibang espiritu na laganap sa mundo at na ibinigay ang paghahayag na ito bilang tugon sa kanyang natatanging pagtatanong tungkol sa paksa. Karaniwan ang mga tinaguriang espirituwal na kababalaghan sa mga kasapi, sinabi ng ilan na nakatatanggap sila ng mga pangitain at paghahayag.
1–5, Maraming mapanlinlang na espiritu ang laganap sa mundo; 6–9, Sa aba sa mga mapagkunwari at sa mga yaong itinitiwalag mula sa Simbahan; 10–14, Mangangaral ng ebanghelyo ang mga elder sa pamamagitan ng Espiritu; 15–22, Kailangang kapwa maliwanagan ang mga mangangaral at nakikinig sa pamamagitan ng Espiritu; 23–25, Ang yaong hindi nakapagpapatibay ay hindi mula sa Diyos; 26–28, Ang matatapat ang nagmamay-ari ng lahat ng bagay; 29–36, Sinasagot ang mga panalangin ng mga pinadalisay; 37–46, Si Cristo ang Mabuting Pastol at ang Bato ng Israel.
1 Makinig, O kayong mga elder ng aking simbahan, at pakinggan ang tinig ng buhay na Diyos; at tumalima sa mga salita ng karunungan na ibibigay sa inyo, alinsunod sa inyong hiniling at sinang-ayunan na nauukol sa simbahan, at sa mga espiritung lumaganap sa mundo.
2 Dinggin, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, na maraming espiritu na mga mapanlinlang na espiritu, na humayo sa mundo, nililinlang ang sanlibutan.
3 At si Satanas din ay nagnais na malinlang kayo, upang kanya kayong maibagsak.
4 Dinggin, ako, ang Panginoon, ay nagmamasid sa inyo, at nakakita ako ng mga karumal-dumal na gawain sa simbahan na nagtataglay ng aking pangalan.
5 Subalit pinagpala sila na matatapat at nagtitiis, kahit sa buhay man o sa kamatayan, sapagkat sila ay magmamana ng buhay na walang hanggan.
6 Subalit sa aba nila na mga mapanlinlang at mapagkunwari, sapagkat, ganito ang wika ng Panginoon, sila ay dadalhin ko sa paghahatol.
7 Dinggin, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, na may mga mapagkunwari sa inyo, na nilinlang ang ilan, na nagbigay sa kaaway ng kapangyarihan; subalit dinggin, sila ay babawiin;
8 Subalit ang mga mapagkunwari ay matutuklasan at ihihiwalay, sa buhay man o sa kamatayan, maging alinsunod sa aking naisin; at sa aba nila na mga inihiwalay sa aking simbahan, sapagkat sila rin ay nadaig ng sanlibutan.
9 Samakatwid, mag-ingat ang bawat tao sapagkat baka siya ay makagawa ng yaong hindi ayon sa katotohanan at katwiran sa harapan ko.
10 At ngayon, halina, wika ng Panginoon, sa pamamagitan ng Espiritu, sa mga elder ng kanyang simbahan, at tayo ay magpaliwanagan, upang kayo ay makaunawa;
11 Magpaliwanagan tayo maging tulad ng isang tao na nagpapaliwanag sa isa pa nang harap-harapan.
12 Ngayon, kapag ang isang tao ay nagpapaliwanag, nauunawaan siya ng tao, sapagkat siya ay nagpapaliwanag bilang isang tao; maging ako man, ang Panginoon, ay makikipagpaliwanagan sa inyo upang makaunawa kayo.
13 Samakatwid, ako, ang Panginoon, ay nagtatanong sa inyo—saan ba kayo inorden?
14 Ang mangaral ng aking ebanghelyo sa pamamagitan ng Espiritu, maging ang Mang-aaliw na isinugo na ituro ang katotohanan.
15 At pagkatapos ay tumanggap kayo ng mga espiritu na hindi ninyo nauunawaan, at tinanggap sila bilang mula sa Diyos; at dito ba ay binigyang-katwiran kayo?
16 Dinggin, inyong sasagutin ang katanungang ito sa inyong sarili; gayunpaman, ako ay magiging maawain sa inyo; siya na mahina sa inyo ay magiging malakas magmula ngayon.
17 Katotohanan, sinasabi ko sa inyo, siya na inordenan ko at isinugo na mangaral ng salita ng katotohanan sa pamamagitan ng Mang-aaliw, sa Espiritu ng katotohanan, ipinangangaral ba niya ito sa pamamagitan ng Espiritu ng katotohanan o sa ibang pamamaraan?
18 At kung ito ay sa ibang pamamaraan, hindi ito mula sa Diyos.
19 At muli, siya na tumatanggap ng salita ng katotohanan, tinatanggap ba niya ito sa pamamagitan ng Espiritu ng katotohanan o sa ibang pamamaraan?
20 Kung ito ay sa ibang pamamaraan, hindi ito mula sa Diyos.
21 Samakatwid, bakit hindi kayo makaunawa at makabatid, na siya na tumatanggap ng salita sa pamamagitan ng Espiritu ng katotohanan ay natatanggap ito ayon sa ipinangaral sa pamamagitan ng Espiritu ng katotohanan?
22 Samakatwid, siya na nangangaral at siya na nakatatanggap ay nauunawaan ang isa’t isa, at sila ay kapwa pinabuti at nagsasaya nang magkasama.
23 At ang yaong hindi nakapagpapabuti ay hindi mula sa Diyos, at buhat sa kadiliman.
24 Ang yaong sa Diyos ay liwanag; at siya na tumatanggap ng liwanag, at nagpapatuloy sa Diyos, ay tumatanggap ng higit pang liwanag; at ang liwanag na yaon ay lumiliwanag nang lumiliwanag hanggang sa maging ganap na araw.
25 At muli, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, at sinasabi ko ito upang inyong malaman ang katotohanan, upang inyong maitaboy ang kadiliman mula sa inyo;
26 Siya na inordenan ng Diyos at isinugo, siya rin ay itinalaga na maging pinakadakila, bagama’t siya ang pinakahamak at ang tagapaglingkod ng lahat.
27 Samakatwid, siya ay nagmamay-ari ng lahat ng bagay; sapagkat lahat ng bagay ay nasasailalim niya, kapwa sa langit at sa lupa, ang buhay at ang liwanag, ang Espiritu at ang kapangyarihan, ipinadala sa pamamagitan ng kalooban ng Ama sa pamamagitan ni Jesucristo, na kanyang Anak.
28 Subalit walang sinuman ang nagmamay-ari ng lahat ng bagay maliban sa siya ay ginawang dalisay at nalinis mula sa lahat ng kasalanan.
29 At kung kayo ay dalisay at nalinis mula sa lahat ng kasalanan, inyong hihilingin ang anumang naisin ninyo sa pangalan ni Jesus at ito ay mangyayari.
30 Subalit alamin ito, ibibigay sa inyo kung ano ang hihilingin ninyo; at sapagkat kayo ay itinalagang pinuno, pasasailalim sa inyo ang mga espiritu.
31 Samakatwid, ito ay mangyayari, na kung inyong mamamasdan ang isang espiritu na nagpakita na hindi ninyo nauunawaan, at hindi ninyo tinanggap ang espiritung yaon, kayo ay hihiling sa Ama sa pangalan ni Jesus; at kung hindi niya ipagkaloob sa inyo ang espiritung yaon, sa gayon ninyo malalaman na hindi ito mula sa Diyos.
32 At pagkakalooban kayo ng kapangyarihan sa espiritung yaon; at inyong ipahahayag laban sa espiritung yaon sa malakas na tinig na hindi ito mula sa Diyos—
33 Hindi sa mapanlait na pananalita, upang hindi kayo madaig, ni sa pagmamayabang o pagsasaya, sapagkat baka malupig nila kayo.
34 Siya na tumatanggap mula sa Diyos, kilalanin niyang mula ito sa Diyos; at magsaya siya na kinilala siya ng Diyos na karapat-dapat tumanggap.
35 At sa pamamagitan ng pagtalima at paggawa ng mga bagay na ito na inyong natanggap, at inyo pang matatanggap mula ngayon—at ang kaharian ay ibinigay sa inyo ng Ama, at ang kapangyarihang madaig ang lahat ng bagay na hindi niya inorden—
36 At dinggin, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, pinagpala kayo na ngayon ay nakaririnig ng mga salita kong ito mula sa bibig ng aking tagapaglingkod, sapagkat ang inyong mga kasalanan ay pinatatawad na.
37 Isugo ang aking tagapaglingkod na si Joseph Wakefield, na lubos kong kinaluluguran, at ang aking tagapaglingkod na si Parley P. Pratt sa mga simbahan at palakasin ang mga ito sa pamamagitan ng salita ng panghihikayat;
38 At gayundin ang aking tagapaglingkod na si John Corrill, o kasindami ng aking mga tagapaglingkod na inorden sa katungkulang ito, at pahintulutan silang gumawa sa ubasan; at huwag pahintulutan ang sinuman na humadlang sa kanila sa paggawa ng yaong aking itinakda sa kanila—
39 Samakatwid, sa bagay na ito ay hindi mabibigyang-katwiran ang aking tagapaglingkod na si Edward Partridge; gayunpaman, magsisi siya at siya ay patatawarin.
40 Dinggin, kayo ay maliliit na bata at hindi ninyo makakaya ang lahat ng bagay sa ngayon; kailangan kayong lumago sa biyaya at sa kaalaman ng katotohanan.
41 Huwag matakot, maliliit na bata, sapagkat kayo ay akin, at aking nadaig ang sanlibutan, at kayo ay bahagi nila na ibinigay ng Ama sa akin;
42 At wala sa kanila na ibinigay ng Ama sa akin ang mapapahamak.
43 At ang Ama at ako ay isa. Ako ay nasa Ama at ang Ama ay nasa akin; at yamang inyong tinanggap ako, kayo ay nasa akin at ako ay nasa inyo.
44 Anupa’t ako ay nasa gitna ninyo, at ako ang mabuting pastol, at ang bato ng Israel. Siya na nakatayo sa batong ito ay hindi kailanman babagsak.
45 At darating ang araw na inyong maririnig ang aking tinig at makikita ako, at makikilala na ako nga.
46 Samakatwid, magbantay, upang kayo ay maging handa. Maging gayon nga. Amen.