Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 51


Bahagi 51

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Thompson, Ohio, Mayo 20, 1831. Sa panahong ito, ang mga Banal na lumilipat mula sa mga estado sa silangan ay nagsimulang dumating sa Ohio, at kinailangang gumawa ng mga tiyak na pagsasaayos para sa kanilang paninirahan. Sapagkat sa katungkulan ng obispo ang gawaing ito, naghangad ng tagubilin si Obispong Edward Partridge ukol sa bagay na ito, at nagtanong sa Panginoon ang Propeta.

1–8, Itinalaga si Edward Partridge na pamahalaan ang mga pangangasiwa at ari-arian; 9–12, Ang mga Banal ay kailangang makitungo nang tapat at tumanggap nang magkakapantay; 13–15, Kailangan silang magkaroon ng kamalig ng obispo at isaayos ang mga ari-arian alinsunod sa batas ng Panginoon; 16–20, Ang Ohio ay magiging pansamantalang lugar na pagtitipunan.

1 Makinig sa akin, wika ng Panginoon ninyong Diyos, at ako ay mangungusap sa aking tagapaglingkod na si Edward Partridge, at bibigyan siya ng mga tagubilin; sapagkat talagang kinakailangang tumanggap siya ng mga tagubilin kung paano isasaayos ang mga taong ito.

2 Sapagkat talagang kinakailangang isaayos sila alinsunod sa aking mga batas; kung hindi, sila ay mahihiwalay.

3 Samakatwid, ang aking tagapaglingkod na si Edward Partridge, at sila na kanyang pinili, na lubos kong kinaluluguran, ay magtatakda sa mga taong ito ng kanilang mga bahagi, pantay-pantay ang bawat tao alinsunod sa kanyang mag-anak, alinsunod sa kanyang kalagayan at sa kanyang mga kakulangan at pangangailangan.

4 At sa aking tagapaglingkod na si Edward Partridge, kapag kanyang itinakda sa isang tao ang kanyang bahagi, ay magbibigay sa kanya ng kasulatan na magpapatibay sa kanya ng bahagi niya, na kanya itong aariin, maging ang karapatang ito at ang pamanang ito sa simbahan, hanggang sa siya ay magkasala at hindi ituring na karapat-dapat ng tinig ng simbahan, alinsunod sa mga batas at tipan ng simbahan, na mapabilang sa simbahan.

5 At kung siya ay magkakasala at hindi maituturing na karapat-dapat na mapabilang sa simbahan, hindi siya magkakaroon ng karapatang angkinin ang bahaging yaon na kanyang inilaan sa obispo para sa mga maralita at nangangailangan ng aking simbahan; kaya nga, hindi mananatili sa kanya ang kaloob, kundi maaangkin lamang ang bahaging yaon na ibinigay sa kanya.

6 At sa gayon mabibigyang katiyakan ang lahat ng bagay, alinsunod sa mga batas ng lupain.

7 At ang mga yaong pag-aari ng mga taong ito ay itatakda sa mga taong ito.

8 At ang salaping naiwan sa mga taong ito—magtatalaga ng isang kinatawan sa mga taong ito, na kunin ang salapi upang ilaan sa pagkain at kasuotan, alinsunod sa mga kakulangan ng mga taong ito.

9 At makikitungo nang tapat ang bawat tao, at maging pantay sa mga taong ito; at tumanggap nang pantay-pantay, upang kayo ay maging isa, maging tulad ng aking ipinag-utos sa inyo.

10 At ang yaong pag-aari ng mga taong ito ay huwag kukunin at ibibigay sa yaong nasa ibang simbahan.

11 Samakatwid, kung nanaisin ng ibang simbahan na tumanggap ng salapi mula sa simbahang ito, sila ay magbabayad muli sa simbahang ito alinsunod sa kanilang pagkakasunduan;

12 At ito ay gagawin sa pamamagitan ng obispo o ng kinatawan, na itatalaga ng tinig ng simbahan.

13 At muli, ang obispo ay magtatayo ng isang kamalig para sa simbahang ito; at ang lahat ng bagay kapwa sa salapi at sa karne, na labis sa kakailanganin para sa mga kakulangan ng mga taong ito, ay itatabi sa mga kamay ng obispo.

14 At siya rin ay maglalaan sa kanyang sarili para sa sarili niyang mga kakulangan, at para sa mga kakulangan ng kanyang mag-anak, yamang siya ay magiging abala sa paggawa ng bagay na ito.

15 At sa gayon ko igagawad sa mga taong ito ang pribilehiyo ng pagsasaayos ng kanilang sarili alinsunod sa aking mga batas.

16 At inilalaan ko sa kanila ang lupaing ito sa sandaling panahon lamang, hanggang sa ako, ang Panginoon, ay maglaan para sa kanila ng iba, at utusan silang humayo mula rito;

17 At ang oras at ang araw ay hindi ipinaaalam sa kanila, kaya nga kikilos sila sa lupaing ito na tila mananatili sila nang ilang taon dito, at ito ay makabubuti para sa kanila.

18 Dinggin, ito ay magiging isang halimbawa para sa aking tagapaglingkod na si Edward Partridge, sa ibang mga lugar, sa buong simbahan.

19 At ang sinumang matagpuang matapat, makatarungan, at matalinong katiwala ay papasok sa kagalakan ng kanyang Panginoon, at magmamana ng buhay na walang hanggan.

20 Katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ako si Jesucristo, na siyang madaling paparito, sa oras na hindi ninyo inaakala. Maging gayon nga. Amen.