Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 53


Bahagi 53

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, kay Algernon Sidney Gilbert, sa Kirtland, Ohio, Hunyo 8, 1831. Sa kahilingan ni Sidney Gilbert, nagtanong sa Panginoon ang Propeta hinggil sa gawain at pagkakatalaga ni Kapatid na Gilbert sa Simbahan.

1–3, Ang maorden bilang elder ang pagtawag at paghirang sa Simbahan kay Sidney Gilbert; 4–7, Maglilingkod din siya bilang kinatawan ng obispo.

1 Dinggin, sinasabi ko sa iyo, aking tagapaglingkod na Sidney Gilbert, narinig ko ang iyong mga panalangin; at ikaw ay nanawagan sa akin upang ipaalam sa iyo, ng Panginoon mong Diyos, ang hinggil sa iyong pagkatawag at pagkahirang sa simbahan, na itinatag ko, ang Panginoon, sa mga huling araw na ito.

2 Dinggin, ako, ang Panginoon, na ipinako sa krus para sa mga kasalanan ng sanlibutan, ay nagbibigay sa iyo ng isang kautusan na iyong talikdan ang sanlibutan.

3 Tanggapin mo ang ordinasyon ko, maging ang yaong pagiging isang elder, upang mangaral ng pananampalataya at pagsisisi at kapatawaran ng mga kasalanan, alinsunod sa aking salita, at ang pagtanggap ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay;

4 At gayundin, maging isang kinatawan ng simbahan sa lugar na itatakda ng obispo, alinsunod sa mga kautusan na ibibigay pagkaraan nito.

5 At muli, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, hahayo ka sa iyong paglalakbay kasama ng aking mga tagapaglingkod na sina Joseph Smith, Jun., at Sidney Rigdon.

6 Dinggin, ang mga ito ang mga unang ordenansa na iyong matatanggap; at ang iba pa ay ipaaalam sa darating na panahon, alinsunod sa iyong paggawa sa aking ubasan.

7 At muli, nais ko na iyong malaman na ang maliligtas lamang ay siya na nagtitiis hanggang wakas. Maging gayon nga. Amen.