Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 54


Bahagi 54

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, kay Newel Knight, sa Kirtland, Ohio, Hunyo 10, 1831. Nahati ang mga kasapi ng Simbahan na naninirahan sa Thompson, Ohio sa mga katanungan hinggil sa paglalaan ng mga ari-arian. Kitang-kita ang pagmamaramot at kasakiman. Matapos ang kanyang misyon sa mga Shaker (tingnan ang ulo ng bahagi 49), sinira ni Leman Copley ang kanyang tipan na ilaan ang kanyang malaking sakahan bilang isang lugar na mana para sa mga Banal na dumarating mula sa Colesville, New York. Bunga nito, si Newel Knight (pinuno ng mga kasaping naninirahan sa Thompson) at ang iba pang mga elder ay lumapit sa Propeta upang magtanong kung ano ang gagawin. Nagtanong sa Panginoon ang Propeta at natanggap ang paghahayag na ito, na nag-uutos sa mga kasapi sa Thompson na lisanin ang sakahan ni Leman Copley at maglakbay patungong Missouri.

1–6, Kinakailangang tuparin ng mga Banal ang tipan ng ebanghelyo upang magtamo ng awa; 7–10, Kinakailangan silang maging mapagtiis sa mga kapighatian.

1 Dinggin, ganito ang wika ng Panginoon, maging ang Alpha at Omega, ang simula at ang wakas, maging siya na ipinako sa krus para sa mga kasalanan ng sanlibutan—

2 Dinggin, katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, aking tagapaglingkod na Newel Knight, mananatili kang matatag sa katungkulan na aking itinalaga sa iyo.

3 At kung nanaisin ng iyong mga kapatid na takasan ang kanilang mga kaaway, magsisi sila sa lahat ng kanilang mga kasalanan, at maging tunay na mapagpakumbaba sa harapan ko at nagsisisi.

4 At sapagkat ang tipan na kanilang ginawa sa akin ay nasira, maging sa gayon ito nawalan ng kabuluhan at nawalan ng saysay.

5 At sa aba niya na siyang pinagmulan ng kasalanang ito, sapagkat mas mabuti pa sa kanya na siya ay nalunod sa kailaliman ng dagat.

6 Subalit pinagpala sila na mga tumupad sa tipan at sumunod sa kautusan, sapagkat sila ay magtatamo ng awa.

7 Anupa’t humayo na ngayon at lisanin ang lupain, sapagkat baka sumalakay sa inyo ang mga kaaway ninyo; at maglakbay kayo, at magtalaga ng nais ninyong maging pinuno, at na magbayad ng salapi para sa inyo.

8 At sa gayon kayo maglalakbay patungo sa mga lupaing pakanluran, patungo sa lupain ng Missouri, patungo sa mga hangganan ng mga Lamanita.

9 At matapos ang inyong paglalakbay, dinggin, sinasabi ko sa inyo, maghanap kayo ng ikabubuhay tulad ng mga tao, hanggang sa makapaghanda ako ng isang lugar para sa inyo.

10 At muli, maging mapagtiis sa kapighatian hanggang sa aking pagparito; at, dinggin, ako ay madaling paparito, at dala ko ang aking panggantimpala, at sila na naghanap sa akin nang maaga ay makasusumpong ng kapahingahan sa kanilang mga kaluluwa. Maging gayon nga. Amen.