Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 56


Bahagi 56

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Kirtland, Ohio, Huebes, Hunyo 15, 1831. Kinagagalitan sa paghahayag na ito si Ezra Thayre dahil sa hindi pagsunod sa isang nakalipas na paghahayag (ang “kautusan” na tinukoy sa talata 8), na natanggap ni Joseph Smith para sa kanya, tinatagubilinan si Thayre hinggil sa kanyang mga tungkulin sa bukid ni Frederick G. Williams, kung saan siya nakatira. Ipinawawalang-bisa rin ng sumusunod na paghahayag ang tawag kay Thayre na maglakbay patungong Missouri kasama si Thomas B. Marsh (tingnan sa bahagi 52:22).

1–2, Ang mga Banal ay kinakailangang magpasan ng kanilang krus at sumunod sa Panginoon upang matamo ang kaligtasan; 3–13, Ang Panginoon ay nag-uutos at nagpapawalang-bisa, at itinitiwalag ang mga hindi sumusunod; 14–17, Sa aba sa mayayaman na hindi tutulong sa mga maralita, at sa aba sa mga maralita na hindi bagbag ang mga puso; 18–20, Pinagpala ang mga maralita na may dalisay na puso, sapagkat mamanahin nila ang mundo.

1 Makinig, O kayong mga tao na nagtataglay ng aking pangalan, wika ng Panginoon ninyong Diyos; sapagkat dinggin, nag-aalab ang aking galit laban sa mga mapanghimagsik, at kanilang makikilala ang aking bisig at ang aking pagkapoot, sa araw ng kaparusahan at ng poot sa mga bansa.

2 At siya na hindi magpapasan ng kanyang krus at susunod sa akin, at susunod sa aking mga kautusan, siya rin ay hindi maliligtas.

3 Dinggin, ako, ang Panginoon, ay nag-uutos; at siya na hindi susunod ay ihihiwalay sa aking sariling takdang panahon, matapos akong mag-utos at ang kautusan ay hindi sinunod.

4 Samakatwid, ako, ang Panginoon ay nag-uutos at nagpapawalang-bisa, ayon sa palagay kong makabubuti; at ang lahat ng ito ay pananagutan ng mga ulo ng mga mapanghimagsik, wika ng Panginoon.

5 Samakatwid, ipinawawalang-bisa ko ang kautusan na ibinigay sa aking mga tagapaglingkod na sina Thomas B. Marsh at Ezra Thayre, at nagbibigay ng isang bagong kautusan sa aking tagapaglingkod na si Thomas, na siya ay mabilis na hahayo sa kanyang paglalakbay patungo sa lupain ng Missouri, at ang aking tagapaglingkod na si Selah J. Griffin ay sasama rin sa kanya.

6 Sapagkat dinggin, aking ipinawawalang-bisa ang kautusan na ibinigay sa aking mga tagapaglingkod na sina Selah J. Griffin at Newel Knight, bunga ng katigasan ng leeg ng aking mga tao na nasa Thompson, at ng kanilang mga paghihimagsik.

7 Samakatwid, ang aking tagapaglingkod na si Newel Knight ay mananatiling kasama nila; at kasindami ng magnanais na umalis ay makaaalis, na nagsisisi sa harapan ko, at aakayin niya sa lupain na aking itinakda.

8 At muli, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, na ang aking tagapaglingkod na si Ezra Thayre ay kinakailangang magsisi sa kanyang kapalaluan, at sa kanyang pagmamaramot, at sundin ang naunang kautusan na aking ibinigay sa kanya hinggil sa lugar na kanyang pinaninirahan.

9 At kung gagawin niya ito, sapagkat walang paghahati-hating gagawin sa lupain, siya ay itatalaga pa ring magtungo sa lupain ng Missouri;

10 Kung hindi, tatanggapin niya ang salapi na kanyang ibinayad, at lilisanin ang lugar, at ititiwalag mula sa aking simbahan, wika ng Panginoong Diyos ng mga hukbo;

11 At bagama’t lilipas ang langit at ang lupa, ang mga salitang ito ay hindi lilipas, kundi matutupad.

12 At kung ang aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun., ay talagang kinakailangang magbayad ng salapi, dinggin, ako, ang Panginoon, ang magbabayad nitong muli sa kanya sa lupain ng Missouri, upang ang mga yaong magkakaloob sa kanya ay maaaring magantimpalaan muli alinsunod sa yaong kanilang ginagawa;

13 Sapagkat alinsunod sa kanilang ginagawa, sila ay makatatanggap, maging mga lupain na kanilang mana.

14 Dinggin, ganito ang wika ng Panginoon sa aking mga tao—marami kayong bagay na gagawin at pagsisisihan; sapagkat dinggin, ang inyong mga kasalanan ay nakarating sa akin, at hindi pa pinatatawad, sapagkat kayo ay naghahangad ng payo sa sarili ninyong pamamaraan.

15 At ang inyong mga puso ay hindi nasisiyahan. At hindi ninyo sinusunod ang katotohanan, sa halip nagagalak sa kasamaan.

16 Sa aba ninyong mayayamang tao, na hindi nagbibigay ng inyong yaman sa mga maralita, sapagkat ang inyong kayamanan ang magpapabulok sa inyong mga kaluluwa; at ito ang inyong magiging panaghoy sa araw ng kaparusahan, at ng paghuhukom, at ng pagkapoot: Ang pag-aani ay lumipas na, ang tag-init ay tapos na, at ang aking kaluluwa ay hindi naligtas!

17 Sa aba ninyong mga maralitang tao, na ang mga puso ay hindi bagbag, na ang mga espiritu ay hindi nagsisisi, at na ang mga tiyan ay hindi nasisiyahan, at na ang mga kamay ay hindi mapigilan sa pagkuha ng ari-arian ng ibang mga tao, na ang mga mata ay puno ng kasakiman, at hindi gumagawa sa pamamagitan ng sarili ninyong mga kamay!

18 Subalit pinagpala ang mga maralita na may dalisay na puso, na ang mga puso ay bagbag, na ang mga espiritu ay nagsisisi, sapagkat makikita nila ang kaharian ng Diyos na dumarating sa kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian tungo sa kanilang pagkakaligtas; sapagkat mapapasakanila ang kasaganaan ng lupa.

19 Sapagkat dinggin, ang Panginoon ay paparito, at ang kanyang panggantimpala ay dadalhin niya, at kanyang gagantimpalaan ang bawat tao, at ang mga maralita ay magsasaya;

20 At mamanahin ng kanilang mga salinlahi ang mundo sa sali’t salinlahi, magpakailanman. At ngayon, tinatapos ko na ang pagsasalita sa inyo. Maging gayon nga. Amen.