Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 57


Bahagi 57

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Sion, Jackson County, Missouri, Hulyo 20, 1831. Bilang pagsunod sa utos ng Panginoon na maglakbay patungo sa Missouri, kung saan Niya ihahayag “ang lupain na inyong mana” (bahagi 52), naglakbay ang mga elder mula Ohio patungo sa kanlurang hangganan ng Missouri. Pinagbulay-bulayan ni Joseph Smith ang kalagayan ng mga Lamanita at nagtaka: “Kailan mamumukadkad ang ilang na tulad ng rosas? Kailan itatayo ang Sion sa kanyang kaluwalhatian, at saan matatagpuan ang Inyong templo, kung saan magtutungo ang lahat ng bansa sa mga huling araw?” Pagkatapos nito, natanggap niya ang paghahayag na ito.

1–3, Ang Independence, Missouri ang pook para sa Lungsod ng Sion at sa templo; 4–7, Ang mga Banal ay bibili ng lupain at tatanggap ng mga mana sa dakong yaon; 8–16, Magtatatag si Sidney Gilbert ng isang tindahan, magiging manlilimbag si William W. Phelps, at pamamatnugutan ni Oliver Cowdery ang mga manuskrito para sa paglalathala.

1 Makinig, O kayong mga elder ng aking simbahan, wika ng Panginoon ninyong Diyos, na sama-samang nagtipon ng inyong sarili, alinsunod sa aking mga kautusan, sa lupaing ito, na lupain ng Missouri, na lupaing aking itinakda at inilaan para sa pagtitipon ng mga banal.

2 Samakatwid, ito ang lupang pangako, at ang lugar para sa lungsod ng Sion.

3 At ganito ang wika ng Panginoon ninyong Diyos, kung nais ninyong tumanggap ng karunungan, narito ang karunungan. Dinggin, ang lugar na ngayon ay tinatawag na Independence ang tampok na lugar; at ang dako para sa templo ay nasa gawing kanluran, sa isang lote na hindi malayo mula sa bahay-hukuman.

4 Samakatwid, karunungan na ang lupain ay bibilhin ng mga banal, at gayundin, ang bawat sukat ng lupain sa gawing kanluran, maging patungo sa hangganan na bumabaybay sa pagitan ng Judio at Gentil;

5 At gayundin ang bawat sukat ng lupain na nasa mga hangganan ng kaparangan, yamang ang aking mga disipulo ay makabibili ng mga lupa. Dinggin, ito ay karunungan, upang kanilang matamo ito bilang isang walang katapusang mana.

6 At ang aking tagapaglingkod na si Sidney Gilbert ay kikilos sa katungkulan na aking itinalaga sa kanya, na tumanggap ng mga salapi, na maging isang kinatawan ng simbahan, na bumili ng mga lupain sa lahat ng lugar sa paligid, yamang ito ay maisasagawa sa katwiran, at ayon sa itatagubilin ng karunungan.

7 At ang aking tagapaglingkod na si Edward Partridge ay kikilos sa katungkulan na aking itinalaga sa kanya, at hahatiin sa mga banal ang kanilang mana, maging tulad ng aking iniutos; at gayundin ang mga yaong kanyang itinalaga na tumulong sa kanya.

8 At muli, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, maninirahan ang aking tagapaglingkod na si Sidney Gilbert sa lugar na ito, at magtatatag ng isang tindahan, upang siya ay makapagtinda ng mga kalakal nang walang daya, upang siya ay magtamo ng salapi upang ibili ng mga lupain para sa ikabubuti ng mga banal, at nang kanyang matamo ang anumang bagay na kakailanganin ng mga disipulo upang manirahan sila sa kanilang mana.

9 At kukuha rin ang aking tagapaglingkod na si Sidney Gilbert ng isang lisensiya—dinggin, narito ang karunungan, at kung sinuman ang nagbabasa, unawain niya—nang siya ay makapagpadala rin ng mga kalakal sa mga tao, maging sa pamamagitan nila na nanaisin niya na mga klerk na maglilingkod sa kanya;

10 At sa ganito maglalaan para sa aking mga banal, nang ang aking ebanghelyo ay maipangaral sa mga yaong nakaupo sa kadiliman at nasa lugar at anino ng kamatayan.

11 At muli, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, maninirahan ang aking tagapaglingkod na si William W. Phelps sa lugar na ito, at magiging manlilimbag para sa simbahan.

12 At dinggin, kung tatanggapin ng sanlibutan ang kanyang mga isinulat—dinggin, narito ang karunungan—kunin niya ang anumang maaaring makuha niya sa katwiran, para sa ikabubuti ng mga banal.

13 At ang aking tagapaglingkod na si Oliver Cowdery ay tutulong sa kanya, maging tulad ng aking ipinag-utos, saanmang lugar ko siya itatakda, na sumipi, at magwasto, at pumili, nang ang lahat ng bagay ay maging wasto sa harapan ko, tulad ng patutunayan ng Espiritu sa pamamagitan niya.

14 At sa ganito maninirahan sa lupain ng Sion ang mga yaong aking sinabi, sa lalong madaling panahon, kasama ang kanilang mga mag-anak, upang gawin ang mga yaong bagay maging tulad ng aking sinabi.

15 At ngayon, hinggil sa pagtitipon—Gagawa ang obispo at ang kinatawan ng mga paghahanda para sa mga yaong mag-anak na inutusang magtungo sa lupaing ito, sa lalong madaling panahon, at patirahin sila sa kanilang mana.

16 At sa mga natira sa mga elder at kasapi, may mga karagdagang tagubilin na ibibigay pagkaraan nito. Maging gayon nga. Amen.