Bahagi 58
Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Sion, Jackson County, Missouri, Agosto 1, 1831. Bago ito, sa unang Sabbath pagkaraan ng pagdating ng Propeta at ng kanyang pangkat sa Jackson County, Missouri, isang pagpupulong na panrelihiyon ang ginanap, at dalawang kasapi ang tinanggap sa pamamagitan ng pagbibinyag. Noong linggong yaon, dumating ang ilan sa mga Banal sa Colesville mula sa Sangay sa Thompson at ang iba pa (tingnan sa bahagi 54). Marami ang sabik na malaman ang kalooban ng Panginoon hinggil sa kanila sa bagong lugar na pagtitipunan.
1–5, Puputungan ng kaluwalhatian ang mga yaong nagtitiis sa kapighatian; 6–12, Maghahanda ang mga Banal para sa kasal ng Kordero at sa hapunan ng Panginoon; 13–18, Ang mga obispo ay mga hukom sa Israel; 19–23, Susundin ng mga Banal ang mga batas ng lupain; 24–29, Nararapat gamitin ng mga tao ang kanilang kalayaan sa pagpili sa paggawa ng kabutihan; 30–33, Ang Panginoon ay nag-uutos at nagpapawalang-bisa; 34–43, Upang makapagsisi, kailangang aminin at talikdan ng mga tao ang kanilang mga kasalanan; 44–58, Bibilhin ng mga Banal ang kanilang mana at magsisipagtipon sa Missouri; 59–65, Kailangang ipangaral ang ebanghelyo sa bawat nilikha.
1 Makinig, O kayong mga elder ng aking simbahan, at pakinggan ang aking salita, at matuto sa akin kung ano ang kalooban ko hinggil sa inyo, at hinggil din sa lupaing ito kung saan ko kayo isinugo.
2 Sapagkat katotohanan, sinasabi ko sa inyo, pinagpala siya na sumusunod sa aking mga kautusan, kahit sa buhay man o sa kamatayan; at siya na matapat sa kapighatian, ang gantimpala ng tulad niya ay mas dakila sa kaharian ng langit.
3 Hindi ninyo mamamasdan ng inyong mga likas na mata, sa kasalukuyan, ang plano ng inyong Diyos hinggil sa mga bagay na yaong magaganap pagkaraan nito, at ang kaluwalhatiang susunod matapos ang maraming kapighatian.
4 Sapagkat pagkatapos ng maraming kapighatian darating ang mga pagpapala. Samakatwid, darating ang panahon na kayo ay puputungan ng labis na kaluwalhatian; hindi pa oras, subalit nalalapit na.
5 Tandaan ito, na aking sinabi sa inyo noon, upang inyong mailagay ito sa inyong mga puso, at tanggapin ang yaong susunod.
6 Dinggin, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, isinugo ko kayo sa kadahilanang ito—upang kayo ay maging masunurin, at upang ang inyong mga puso ay maging handa na makapagpatotoo tungkol sa mga bagay na magaganap;
7 At gayundin, upang kayo ay maparangalan sa pagtatayo ng saligan, at sa pagpapatotoo tungkol sa lupain kung saan itatayo ang Sion ng Diyos;
8 At gayundin, upang maihanda ang isang piging ng matatabang bagay para sa mga maralita; oo, isang piging ng matatabang bagay, ng mga alak na ang latak ay mainam na dinalisay, upang malaman ng sanlibutan na ang mga bibig ng mga propeta ay hindi mabibigo;
9 Oo, isang hapunan sa bahay ng Panginoon, na mainam na pinaghandaan, na kung saan ang lahat ng bansa ay aanyayahan.
10 Una, ang mayayaman at ang may mga pinag-aralan, ang marurunong at ang mararangal;
11 At pagkaraan niyon darating ang panahon ng aking kapangyarihan; pagkatapos, ang mga maralita, ang mga lumpo, at ang mga bulag, at ang mga bingi, ay paroroon sa kasal ng Kordero, at kakain sa hapunan ng Panginoon, na inihanda para sa dakilang araw na magaganap.
12 Dinggin, ako, ang Panginoon, ang nagsabi nito.
13 At nang maikalat ang patotoo mula sa Sion, oo, mula sa bibig ng lungsod ng pamana ng Diyos—
14 Oo, para sa kadahilanang ito ko kayo isinugo rito, at pinili ang aking tagapaglingkod na si Edward Partridge, at itinakda sa kanya ang kanyang misyon sa lupaing ito.
15 Subalit kung siya ay hindi magsisisi ng kanyang mga kasalanan, na kawalang-paniniwala at kabulagan ng puso, mag-iingat siya sapagkat baka siya mabuwal.
16 Dinggin, ang kanyang misyon ay ibinigay sa kanya, at hindi na ito ibibigay muli.
17 At ang sinumang tatayo sa misyong ito ay itatalaga na maging isang hukom sa Israel, katulad noong mga sinaunang panahon, na hatiin ang mga lupain na pamana ng Diyos sa kanyang mga anak;
18 At na hatulan ang kanyang mga tao sa pamamagitan ng patotoo ng mga makatarungan, at sa pamamagitan ng tulong ng kanyang mga tagapayo, alinsunod sa mga batas ng kaharian na ibinigay ng mga propeta ng Diyos.
19 Sapagkat katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ang aking batas ay susundin sa lupaing ito.
20 Walang sinumang tao ang mag-iisip na siya ay pinuno; kundi ang Diyos ang mamumuno sa kanya na naghahatol, alinsunod sa layunin ng kanyang sariling kalooban, o, sa ibang salita, siya na nagpapayo o umuupo sa hukumang-luklukan.
21 Walang sinumang tao ang lalabag sa mga batas ng lupain, sapagkat siya na sumusunod sa mga batas ng Diyos ay hindi kailangang lumabag sa mga batas ng lupain.
22 Samakatwid, magpasakop sa mga kapangyarihang umiiral, hanggang maghari siya na siyang may karapatang maghari, at lupigin ang lahat ng kaaway sa ilalim ng kanyang mga paa.
23 Dinggin, ang mga batas na inyong natanggap mula sa aking kamay ay ang mga batas ng simbahan, at sa ganitong pananaw ninyo ito panghahawakan. Dinggin, narito ang karunungan.
24 At ngayon, tulad ng sinabi ko hinggil sa aking tagapaglingkod na si Edward Partridge, ang lupaing ito ang lupain na kanyang tirahan, at ng mga yaong itinalaga niya upang kanyang maging mga tagapayo; at gayundin ang lupain na tirahan niya na aking itinalaga na pangasiwaan ang aking kamalig;
25 Samakatwid, dadalhin nila ang kanilang mga mag-anak sa lupaing ito, tulad ng mapagsasanggunian nila sa kanilang sarili at sa akin.
26 Sapagkat dinggin, hindi wasto na ako ay nararapat mag-utos sa lahat ng bagay; sapagkat siya na pinipilit sa lahat ng bagay ay katulad ng isang tamad at hindi matalinong tagapaglingkod; kaya nga hindi siya tumatanggap ng gantimpala.
27 Katotohanan, sinasabi ko, ang mga tao ay kailangang maging sabik sa paggawa ng mabuting bagay, at gumagawa ng maraming bagay sa kanilang sariling kalooban, at nagsasakatuparan ng labis na katwiran;
28 Sapagkat ang kakayahan ay nasa kanila, kung saan mga kinatawan sila ng kanilang sarili. At yamang ang mga tao ay gumagawa ng mabuti, hindi mawawala sa kanila ang kanilang gantimpala.
29 Subalit siya na hindi gumagawa ng anumang bagay hangga’t hindi siya inuutusan, at tumatanggap ng kautusan na may pusong nag-aalinlangan, at tinutupad ito nang may katamaran, siya rin ay mapapahamak.
30 Sino ako na lumikha sa tao, wika ng Panginoon, na magpapawalang-sala sa kanya na hindi sumusunod sa aking mga kautusan?
31 Sino ako, wika ng Panginoon, na nangako at hindi tumupad?
32 Ako ay nag-uutos at hindi sumusunod ang mga tao; ako ay nagpapawalang-bisa at hindi nila natatanggap ang pagpapala.
33 Kaya kanilang sasabihin sa kanilang mga puso: Hindi ito ang gawain ng Panginoon, dahil ang kanyang mga pangako ay hindi natupad. Subalit sa aba sa mga yaon, sapagkat ang kanilang gantimpala ay nakatago sa kailaliman, at hindi nagmumula sa kaitaasan.
34 At ngayon, bibigyan ko kayo ng mga karagdagang tagubilin hinggil sa lupaing ito.
35 Karunungan sa akin na ang aking tagapaglingkod na si Martin Harris ay magiging isang halimbawa sa simbahan, sa pagbibigay ng kanyang mga salapi sa harapan ng obispo ng simbahan.
36 At gayundin, ito ay batas sa bawat tao na nagtutungo sa lupaing ito upang tumanggap ng mana; at kanyang gagamitin ang kanyang mga salapi alinsunod sa itinatagubilin ng batas.
37 At karunungan din na nararapat na may mabiling mga lupain sa Independence, para sa lugar ng kamalig, at gayundin para sa bahay-palimbagan.
38 At ang ibang mga tagubilin hinggil sa aking tagapaglingkod na si Martin Harris ay ipagkakaloob sa kanya ng Espiritu, upang kanyang matanggap ang kanyang mana alinsunod sa palagay niyang makabubuti;
39 At siya ay magsisisi ng kanyang mga kasalanan, sapagkat kanyang hinahangad ang papuri ng sanlibutan.
40 At gayundin kikilos ang aking tagapaglingkod na si William W. Phelps sa katungkulan na aking itinalaga sa kanya, at tatanggapin ang kanyang mana sa lupain;
41 At siya rin ay nangangailangang magsisi, sapagkat ako, ang Panginoon, ay hindi gaanong nasisiyahan sa kanya, sapagkat hinahangad niyang mangibabaw, at siya ay hindi sapat na maamo sa harapan ko.
42 Dinggin, siya na nagsisisi ng kanyang mga kasalanan ay siya ring patatawarin, at ako, ang Panginoon, ay hindi na naaalala ang mga ito.
43 Sa paraang ito ninyo malalaman kung ang isang tao ay nagsisisi ng kanyang mga kasalanan—dinggin, kanyang aaminin ang mga yaon at tatalikdan ang mga yaon.
44 At ngayon, katotohanan, sinasabi ko hinggil sa mga natirang elder ng aking simbahan, ang panahon ay hindi pa sumasapit, sa maraming taon pa, upang matanggap nila ang kanilang mana sa lupaing ito, maliban kung kanilang nanaisin ito sa pamamagitan ng pananalangin na may pananampalataya, kung ito ay itatakda lamang sa kanila ng Panginoon.
45 Sapagkat, dinggin, kanilang itutulak ang mga tao nang magkakasama mula sa mga dulo ng mundo.
46 Anupa’t sama-sama ninyong tipunin ang inyong sarili; at sila na hindi itinalagang manatili sa lupaing ito, kanilang ipangangaral ang ebanghelyo sa mga lugar sa paligid; at pagkatapos nito, sila ay babalik sa kanilang mga tahanan.
47 Sila ay mangangaral sa daan, at magpapatotoo tungkol sa katotohanan sa lahat ng lugar, at mananawagan sa mayayaman, sa matataas at sa mabababa, at sa mga maralita na magsisi.
48 At magtatayo sila ng mga simbahan, yamang ang mga naninirahan sa mundo ay magsisisi.
49 At magkakaroon ng isang kinatawang itinalaga sa pamamagitan ng tinig ng simbahan, sa simbahan sa Ohio, na tatanggap ng mga salapi upang bumili ng mga lupain sa Sion.
50 At aking ibinibigay sa aking tagapaglingkod na si Sidney Rigdon ang isang kautusan, na siya ay magsusulat ng isang paglalarawan ng lupain ng Sion, at ng isang pahayag tungkol sa kalooban ng Diyos, tulad ng ipaaalam sa kanya sa pamamagitan ng Espiritu;
51 At ng isang liham at paggawad, na ihaharap sa buong simbahan upang makatamo ng mga salapi, na ibibigay sa mga kamay ng obispo, sa kanyang sarili o sa kinatawan, alinsunod sa palagay niyang makabubuti o tulad ng kanyang itatagubilin, upang makabili ng mga lupain bilang mana para sa mga anak ng Diyos.
52 Sapagkat, dinggin, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ninanais ng Panginoon na ang mga disipulo at ang mga anak ng tao ay nararapat na buksan ang kanilang mga puso, maging sa pagbili nitong buong lugar ng bayan, sa oras na ipahihintulot ng panahon.
53 Dinggin, narito ang karunungan. Gagawin nila ito, kung hindi ay wala silang matatanggap na mana, maliban na ito ay sa pamamagitan ng pagpapadanak ng dugo.
54 At muli, yamang may lupaing natamo, magsugo ng lahat ng uri ng manggagawa sa lupaing ito, na gagawa para sa mga banal ng Diyos.
55 Ang lahat ng bagay na ito ay isasagawa nang may kaayusan; at ang mga pagkakataon sa mga lupain ay ipaaalam sa pana-panahon, ng obispo o ng kinatawan ng simbahan.
56 At hindi gagawin ang gawain ng pagtitipon sa pagmamadali, ni nang patakas; kundi gagawin ito alinsunod sa ipapayo ng mga elder ng simbahan sa mga pagpupulong, alinsunod sa kaalaman na kanilang natatanggap sa pana-panahon.
57 At ilalaan at ihahandog ng aking tagapaglingkod na si Sidney Rigdon ang lupaing ito, at ang katatayuan ng templo, para sa Panginoon.
58 At magpapatawag ng isang pagpupulong; at pagkatapos, ang aking mga tagapaglingkod na sina Sidney Rigdon at Joseph Smith, Jun., ay babalik, at kasama rin nila si Oliver Cowdery, upang gawin ang natitirang gawain na aking itinakda sa kanila sa sarili nilang lupain, at ang natira ay pamamahalaan ng mga kapulungan.
59 At walang sinumang babalik mula sa lupaing ito maliban na siya ay magpapatotoo sa daan, tungkol sa mga yaong nalalaman niya at tiyak na pinaniniwalaan nang higit sa lahat.
60 Ang yaong itinalaga kay Ziba Peterson ay kukunin sa kanya; at kikilos siya bilang isang kasapi sa simbahan, at gagawa sa pamamagitan ng kanyang sariling mga kamay, kasama ang mga kapatid, hanggang sa siya ay sapat nang naparusahan sa lahat ng kanyang kasalanan; sapagkat hindi niya ipinagtatapat ang mga yaon, at iniisip niyang itago ang mga yaon.
61 Ang natitirang mga elder ng simbahang ito, na darating sa lupaing ito, na ang ilan sa kanila ay lubos na pinagpala maging nang labis-labis, ay magdaraos din ng pagpupulong sa lupaing ito.
62 At ang aking tagapaglingkod na si Edward Partridge ang mamamahala sa pagpupulong na idaraos nila.
63 At sila rin ay babalik, nangangaral ng ebanghelyo sa daan, nagpapatotoo tungkol sa mga bagay na inihahayag sa kanila.
64 Sapagkat, katotohanan, ang tunog ay kinakailangang humayo mula sa lugar na ito patungo sa buong daigdig, at hanggang sa kadulu-duluhang bahagi ng mundo—ang ebanghelyo ay dapat na ipangaral sa bawat nilkha, na may mga palatandaang sumusunod sa kanila na naniniwala.
65 At dinggin, ang Anak ng Tao ay paparito. Amen.