Bahagi 59
Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Sion, Jackson County, Missouri, Agosto 7, 1831. Bago ang paghahayag na ito, inilaan ang lupain, alinsunod sa itinagubilin ng Panginoon, at inilaan ang lugar para sa itatayong templo. Sa araw na natanggap ang paghahayag na ito, pumanaw si Polly Knight, na asawa ni Joseph Knight Sr., ang unang kasapi ng Simbahan na pumanaw sa Sion. Inilarawan ng mga unang kasapi ang paghahayag na ito bilang “pagtatagubilin sa mga Banal kung paano pananatilihing banal ang Sabbath at kung paano mag-ayuno at manalangin.”
1–4, Pagpapalain ang matatapat na Banal sa Sion; 5–8, Kanilang mamahalin at paglilingkuran ang Panginoon at susundin ang Kanyang mga kautusan; 9–19, Sa pamamagitan ng pagpapanatiling banal sa araw ng Panginoon, pagpapalain ang mga Banal sa temporal at espirituwal; 20–24, Pinapangakuan ang mga matwid ng kapayapaan sa daigdig na ito at buhay na walang hanggan sa susunod na daigdig.
1 Dinggin, pinagpala, wika ng Panginoon, sila na nagtungo sa lupaing ito nang may matang nakatuon sa aking kaluwalhatian, alinsunod sa aking mga kautusan.
2 Sapagkat ang mga yaong nabubuhay ay mamanahin ang mundo, at ang mga yaong namamatay ay mamamahinga mula sa lahat ng kanilang gawain, at susunod sa kanila ang mga gawa nila; at sila ay makatatanggap ng putong sa mga mansiyon ng aking Ama, na aking inihanda para sa kanila.
3 Oo, pinagpala sila na kung kaninong mga paa ay nakatindig sa lupain ng Sion, na sumunod sa aking ebanghelyo; sapagkat kanilang tatanggapin bilang kanilang gantimpala ang mabubuting bagay ng lupa, at ito ay magbubunga sa kasaganahan nito.
4 At sila rin ay puputungan ng mga pagpapala mula sa itaas, oo, at ng mga kautusang hindi kakaunti, at ng mga paghahayag sa panahon ng mga ito—sila na matatapat at masisigasig sa harapan ko.
5 Samakatwid, binibigyan ko sila ng isang kautusan, ganito ang sinasabi: Mamahalin ninyo ang Panginoon ninyong Diyos nang inyong buong puso, nang inyong buong kakayahan, pag-iisip, at lakas; at sa pangalan ni Jesucristo, paglilingkuran ninyo siya.
6 Mamahalin ninyo ang inyong kapwa tulad ng inyong sarili. Huwag kayong magnanakaw; ni makikiapid, ni papatay, ni gagawa ng anumang bagay na tulad nito.
7 Pasasalamatan ninyo ang Panginoon ninyong Diyos sa lahat ng bagay.
8 Maghahandog kayo ng pag-aalay sa Panginoon ninyong Diyos sa pagkamatwid, maging ang yaong isang bagbag na puso at nagsisising espiritu.
9 At upang higit pa ninyong mapanatiling walang bahid-dungis ang inyong sarili mula sa sanlibutan, kayo ay magtutungo sa bahay na panalanginan at ihahandog ang inyong mga sakramento sa aking banal na araw;
10 Sapagkat katotohanan, ito ay isang araw na itinakda sa inyo na magpahinga mula sa inyong mga gawain, at ibigay ang inyong mga pagsamba sa Kataas-taasan;
11 Gayunpaman, ang inyong mga panata ay ihahandog sa pagkamatwid sa lahat ng araw at sa lahat ng panahon;
12 Subalit tandaan na dito, sa araw ng Panginoon, ihahandog ninyo ang inyong mga hain at inyong mga sakramento sa Kataas-taasan, ipinagtatapat ang mga kasalanan ninyo sa inyong mga kapatid, at sa harapan ng Panginoon.
13 At sa araw na ito, wala na kayong ibang bagay pang gagawin, kundi ihahanda ang inyong pagkain nang may tapat na puso upang ang inyong pag-aayuno ay maging ganap, o, sa ibang salita, upang malubos ang inyong kagalakan.
14 Katotohanan, ito ay pag-aayuno at panalangin, o sa ibang salita, pagsasaya at panalangin.
15 At yamang ginagawa ninyo ang mga bagay na ito nang may pasasalamat, nang may maliligayang puso at mukha, hindi nang may labis na tawanan, sapagkat ito ay kasalanan, kundi may nalulugod na puso at maligayang mukha—
16 Katotohanan, sinasabi ko, na yamang ginagawa ninyo ito, ang kabuuan ng mundo ay sa inyo, ang mga hayop sa parang at ang mga ibon sa himpapawid, at ang yaong umaakyat sa mga puno at lumalakad sa lupa;
17 Oo, at ang damong-gamot, at ang mabubuting bagay na nanggagaling sa lupa, maging para sa pagkain o para sa kasuotan, o para sa mga bahay, o para sa mga kamalig, o para sa mga taniman, o para sa mga halamanan, o para sa mga ubasan;
18 Oo, ang lahat ng bagay na nanggagaling sa lupa, sa panahon ng mga ito, ay nilikha para sa kapakinabangan at gamit ng tao, kapwa upang makasiya sa mata at upang makalugod sa puso;
19 Oo, para sa pagkain at para sa kasuotan, para sa panlasa at para sa pang-amoy, upang palakasin ang katawan at pasiglahin ang kaluluwa.
20 At ikinasisiya ng Diyos na kanyang ibinigay ang lahat ng bagay na ito sa tao; sapagkat sa ganitong hangarin nilikha ang mga ito upang gamitin, nang may karunungan, hindi sa kalabisan, ni sa pamamagitan ng pamimilit.
21 At walang bagay na magagawa ang tao na makasasakit sa Diyos, o hindi nagsisiklab ang kanyang poot sa kaninuman, maliban sa mga yaong hindi kumikilala sa kanyang ginagawa sa lahat ng bagay, at hindi sumusunod sa kanyang mga kautusan.
22 Dinggin, ito ay alinsunod sa batas at sa mga propeta; anupa’t huwag na ninyo akong abalahin pa hinggil sa bagay na ito.
23 Subalit matutuhan na siya na gumagawa ng mga gawa ng katwiran ay tatanggap ng kanyang gantimpala, maging kapayapaan sa daigdig na ito, at buhay na walang hanggan sa susunod na daigdig.
24 Ako, ang Panginoon, ang nagsabi nito, at ang Espiritu ay nagpapatotoo. Amen.