Bahagi 6
Paghahayag na ibinigay kina Joseph Smith, ang Propeta, at Oliver Cowdery, sa Harmony, Pennsylvania, Abril 1829. Nagsimula si Oliver Cowdery sa kanyang mga gawain bilang tagasulat sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon, Abril 7, 1829. Nakatanggap na siya ng isang pagpapatunay mula sa langit hinggil sa katotohanan ng patotoo ng Propeta tungkol sa mga lamina kung saan nakaukit ang tala ng Aklat ni Mormon. Nagtanong sa Panginoon ang Propeta sa pamamagitan ng Urim at Tummim at natanggap ang tugon na ito.
1–6, Magtatamo ng kaligtasan ang mga manggagawa sa bukid ng Panginoon; 7–13, Wala nang ibang kaloob ang hihigit pa sa kaloob na kaligtasan; 14–27, Dumarating ang katibayan ng katotohanan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu; 28–37, Bumaling kay Cristo, at patuloy na gumawa ng kabutihan.
1 Isang dakila at kagila-gilalas na gawain ang malapit nang maganap sa mga anak ng tao.
2 Dinggin, ako ang Diyos; tumalima sa aking salita, na buhay at makapangyarihan, higit na matalas kaysa sa espadang may dalawang talim, sa paghahati ng mga kasu-kasuan at ng utak sa buto; kaya nga, tumalima sa aking mga salita.
3 Dinggin, ang bukid ay puti na at handa nang anihin; kaya nga, sinuman ang nagnanais na umani, ikampay niya ang kanyang karit nang buo niyang lakas, at mag-ani habang may araw pa, upang siya ay makapag-ipon ng walang katapusang kaligtasan para sa kanyang kaluluwa sa kaharian ng Diyos.
4 Oo, sinumang magkakampay sa kanyang karit at mag-aani, siya rin ay tinawag ng Diyos.
5 Samakatwid, kung hihingi kayo sa akin ay makatatanggap kayo; kung kakatok kayo ay pagbubuksan kayo.
6 Ngayon, sapagkat kayo ay humingi, dinggin, sinasabi ko sa inyo, sundin ang aking mga kautusan, at hangaring itatag at patibayin ang layunin ng Sion;
7 Huwag maghangad ng mga yaman kundi ng karunungan, at dinggin, ang mga hiwaga ng Diyos ay ilalahad sa inyo, at dahil doon ay yayaman kayo. Dinggin, siya na may buhay na walang hanggan ay mayaman.
8 Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, maging anuman ang naisin mo sa akin ay mapapasaiyo ito; at kung iyong nanaisin, magiging daan ka upang makagawa ng maraming kabutihan sa salinlahing ito.
9 Huwag mangaral ng anuman sa salinlahing ito maliban sa pagsisisi; sundin ang aking mga kautusan, at tumulong na itatag ang aking gawain, alinsunod sa aking mga kautusan, at ikaw ay pagpapalain.
10 Dinggin, ikaw ay may kaloob, at pinagpala ka dahil sa iyong kaloob. Tandaan na ito ay banal at nagmula sa itaas—
11 At kung ikaw ay magtatanong, malalaman mo ang mga dakila at kagila-gilalas na hiwaga; kaya nga, gagamitin mo ang iyong kaloob, upang matuklasan mo ang mga hiwaga, upang makapagdala ka ng marami sa kaalaman ng katotohanan, oo, ipaniwala sa kanila ang kamalian ng kanilang mga gawain.
12 Huwag mong ipaalam sa sinuman ang iyong kaloob maliban sa mga yaong kasampalataya. Huwag lapastanganin ang mga bagay na banal.
13 Kung ikaw ay gagawa ng mabuti, oo, at patuloy na magiging matapat hanggang wakas, maliligtas ka sa kaharian ng Diyos, na yaong pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos; sapagkat wala nang kaloob na mas dadakila pa sa kaloob na kaligtasan.
14 Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, pinagpala ka dahil sa iyong ginawa; sapagkat ikaw ay nagtanong sa akin, at dinggin, sa tuwing magtatanong ka, ikaw ay makatatanggap ng tagubilin mula sa aking Espiritu. Kung hindi magkagayon, ikaw ay hindi makararating sa lugar na kinaroroonan mo sa ngayon.
15 Dinggin, iyong nalalaman na ikaw ay nagtanong sa akin at aking binigyang-liwanag ang iyong pag-iisip; at ngayon, sinasabi ko sa iyo ang mga bagay na ito upang iyong malaman na ikaw ay naliwanagan sa pamamagitan ng Espiritu ng katotohanan;
16 Oo, sinasabi ko sa iyo, upang malaman mo na wala nang iba pa kundi Diyos lamang ang nakaaalam ng mga saloobin mo at ng mga layunin ng iyong puso.
17 Sinasabi ko sa iyo ang mga bagay na ito bilang katibayan sa iyo—na ang mga salita o ang gawa na iyong isinusulat ay totoo.
18 Samakatwid, maging masigasig; umagapay sa aking tagapaglingkod na si Joseph, nang matapat, sa anumang mahihirap na kalagayan na kanyang masusuungan para sa kapakanan ng salita.
19 Balaan siya sa kanyang mga kamalian, at tumanggap din ng babala mula sa kanya. Maging mapagtiis; maging mahinahon; maging mapagtimpi; magkaroon ng pagtitiis, pananampalataya, pag-asa at pag-ibig sa kapwa-tao.
20 Dinggin, ikaw si Oliver, at nangusap ako sa iyo dahil sa mga nais mo; kaya nga pahalagahan ang mga salitang ito sa iyong puso. Maging matapat at masigasig sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos, at yayakapin kita sa mga bisig ng aking pagmamahal.
21 Dinggin, ako si Jesucristo, ang Anak ng Diyos. Ako ang siya ring naparito sa sariling akin, at ang sariling akin ay hindi ako tinanggap. Ako ang ilaw na nagliliwanag sa kadiliman, at hindi ito naunawaan ng kadiliman.
22 Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, kung nagnanais ka ng karagdagang katibayan, alalahanin sa iyong isipan ang gabing ikaw ay nagsumamo sa akin sa iyong puso, upang malaman mo ang hinggil sa katotohanan ng mga bagay na ito.
23 Hindi nga ba’t ako ay nangusap ng kapayapaan sa iyong isipan hinggil sa bagay na ito? Ano pang mas higit na katibayan ang iyong matatamo kundi ang mula sa Diyos?
24 At ngayon, dinggin, ikaw ay nakatanggap ng isang katibayan; sapagkat kung nagwika ako sa iyo ng mga bagay na walang sinumang tao ang nakaaalam, hindi nga ba’t nakatanggap ka ng katibayan?
25 At, dinggin, pagkakalooban kita ng isang kaloob, kung nanaisin mo ito mula sa akin, na makapagsalin, maging tulad ng aking tagapaglingkod na si Joseph.
26 Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, na may mga talaang naglalaman ng marami sa aking ebanghelyo, na itinago dahil sa kasamaan ng mga tao;
27 At ngayon, ipinag-uutos ko sa iyo, na kung ikaw ay may mabuting hangarin—isang hangaring mag-ipon para sa iyong sarili ng mga kayamanan sa langit—sa gayon ikaw ay tutulong sa pagdadala sa liwanag, sa pamamagitan ng iyong kaloob, sa mga yaong bahagi ng aking mga banal na kasulatan na ikinubli dahil sa kasamaan.
28 At ngayon, dinggin, ibinibigay ko sa iyo, at gayundin sa aking tagapaglingkod na si Joseph, ang mga susi ng kaloob na ito, na magdadala sa liwanag sa ministeryong ito; at sa bibig ng dalawa o tatlong saksi, mapagtitibay ang bawat salita.
29 Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, kung kanilang tatanggihan ang aking mga salita, at ang bahaging ito ng aking ebanghelyo at ministeryo, pinagpala kayo, dahil wala silang magagawa sa inyo na higit pa sa ginawa nila sa akin.
30 At kahit na kanilang gawin sa inyo ang kanilang ginawa sa akin, pinagpala kayo, sapagkat kayo ay makapananahanang kasama ko sa kaluwalhatian.
31 At kung hindi nila tatanggihan ang aking mga salita, na pagtitibayin ng mga patotoong ibibigay, pinagpala sila, at sa panahong iyon, kayo ay magkakaroon ng kagalakan sa bunga ng inyong mga pagpapagal.
32 Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, tulad ng aking sinabi sa aking mga disipulo, kung saan may dalawa o tatlong nagtitipon sa aking pangalan, hinggil sa isang bagay, dinggin, ako ay naroroon sa gitna nila—maging ako ay nasa gitna ninyo.
33 Huwag matakot na gumawa ng mabuti, aking mga anak, sapagkat kung anuman ang inyong itinatanim, iyon din ang inyong aanihin; kaya nga, kung kayo ay nagtatanim ng kabutihan, kayo rin ay aani ng kabutihan bilang inyong gantimpala.
34 Samakatwid, huwag matakot, munting kawan; gumawa ng mabuti; hayaang magsama ang mundo at impiyerno laban sa inyo, sapagkat kung kayo ay itinayo sa aking bato, hindi sila mananaig.
35 Dinggin, hindi ko kayo hinahatulan; humayo kayo sa inyong mga gawain at huwag na muling magkasala; isagawa nang mahinahon ang gawaing ipinag-uutos ko sa inyo.
36 Bumaling sa akin sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot.
37 Isipin ang mga sugat na tumagos sa aking tagiliran, at gayundin ang mga bakas ng mga pako sa aking mga kamay at paa; maging matapat, sundin ang aking mga kautusan, at inyong mamamana ang kaharian ng langit. Amen.