Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 60


Bahagi 60

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Independence, Jackson County, Missouri, Agosto 8, 1831. Sa pagkakataong ito, ang mga elder na naglakbay patungong Jackson County at lumahok sa paglalaan ng lupain at ng katatayuan ng templo ay nagnais na malaman kung ano na ang gagawin nila.

1–9, Ipangangaral ng mga elder ang ebanghelyo sa mga kongregasyon ng masasama; 10–14, Hindi nila dapat sayangin ang kanilang panahon, ni itago ang kanilang mga talento; 15–17, Maaari nilang hugasan ang kanilang mga paa bilang isang patotoo laban sa mga yaong hindi tinatanggap ang ebanghelyo.

1 Dinggin, ganito ang wika ng Panginoon sa mga elder ng kanyang simbahan, na mabilis na babalik sa lupain kung saan sila nanggaling: Dinggin, ikinasisiya ko na kayo ay pumarito;

2 Subalit sa ilan ay hindi ako lubos na nasisiyahan, sapagkat hindi nila binubuksan ang kanilang mga bibig, kundi kanilang itinatago ang talento na aking ipinagkaloob sa kanila, dahil sa takot sa tao. Sa aba sa mga yaon, sapagkat nag-aalab ang aking galit laban sa kanila.

3 At ito ay mangyayari, kung hindi sila higit na matapat sa akin, ito ay kukunin, maging ang yaong nasa kanila na.

4 Sapagkat ako, ang Panginoon, ang naghahari sa kalangitan sa itaas, at sa mga hukbo ng mundo; at sa araw na aking titipunin ang aking mga hiyas, malalaman ng lahat ng tao kung ano ito na nagpapatunay sa kapangyarihan ng Diyos.

5 Subalit, katotohanan, ako ay mangungusap sa inyo hinggil sa paglalakbay ninyo patungo sa lupain kung saan kayo nanggaling. Gagawa ng isang sasakyang-dagat, o bibili, alinsunod sa palagay ninyong makabubuti, hindi ito mahalaga sa akin, at mabilis na hahayo kayo sa inyong paglalakbay patungo sa lugar na tinatawag na St. Louis.

6 At mula roon, ang aking mga tagapaglingkod, sina Sidney Rigdon, Joseph Smith, Jun., at Oliver Cowdery, ay hahayo sa kanilang paglalakbay patungong Cincinnati;

7 At sa lugar na ito, kanilang itataas ang kanilang mga tinig at ipahahayag ang aking salita nang may malalakas na tinig, walang galit o pag-aalinlangan, itinataas ang mga kamay na banal sa kanila. Sapagkat magagawa ko kayong banal, at pinatatawad kayo sa inyong mga kasalanan.

8 At ang mga natira ay maglalakbay mula sa St. Louis, dala-dalawa, at ipangangaral ang salita, hindi nagmamadali, sa mga kongregasyon ng masasama, hanggang sa makabalik sila sa mga simbahan kung saan sila nanggaling.

9 At ang lahat ng ito ay para sa kabutihan ng mga simbahan; para sa layuning ito ko sila isinugo.

10 At ang aking tagapaglingkod na si Edward Partridge ay magbabahagi ng salapi na aking ibinigay sa kanya, isang bahagi sa aking mga elder na inutusang bumalik;

11 At siya na may kaya, kanyang ibabalik ito sa pamamagitan ng kinatawan; at siya na wala, hindi ito hihilingin sa kanya.

12 At ngayon, nangungusap ako tungkol sa mga natira na magtutungo sa lupaing ito.

13 Dinggin, sila ay isinugo upang ipangaral ang aking ebanghelyo sa mga kongregasyon ng masasama; anupa’t binibigyan ko sila ng isang kautusan, na ganito: Huwag ninyong sasayangin ang inyong panahon, ni huwag ninyong itatago ang inyong talento nang ito ay hindi makita.

14 At matapos ninyong makarating sa lupain ng Sion, at naipahayag na ang aking salita, kayo ay mabilis na babalik, ipinahahayag ang aking salita sa mga kongregasyon ng masasama, hindi nagmamadali, ni pagalit o nakikipagtalo.

15 At ipagpag ang alikabok ng inyong mga paa laban sa mga yaong hindi tumatanggap sa inyo, hindi sa kanilang harapan, sapagkat baka galitin ninyo sila, kundi palihim; at hugasan ang inyong mga paa, bilang isang patotoo laban sa kanila sa araw ng paghahatol.

16 Dinggin, ito ay sapat na sa inyo, at ang kalooban niya na nagsugo sa inyo.

17 At sa pamamagitan ng bibig ng aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun., ipaaalam ang hinggil kina Sidney Rigdon at Oliver Cowdery. Ang natitira pa ay pagkaraan nito. Maging gayon nga. Amen.