Bahagi 61
Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa pampang ng Ilog ng Missouri, sa McIlwaine’s Bend, Agosto 12, 1831. Sa kanilang paglalakbay pabalik sa Kirtland, naglakbay sa Ilog ng Missouri ang Propeta at ang sampung elder sa pamamagitan ng mga bangka. Sa pangatlong araw ng paglalakbay, maraming panganib ang naranasan. Nakita ni Elder William W. Phelps, sa isang pangitain na nangyari sa araw, ang mangwawasak na humahayo nang may kapangyarihan sa ibabaw ng katubigan.
1–12, Nagpataw ang Panginoon ng maraming kapahamakan sa katubigan; 13–22, Isinumpa ni Juan ang katubigan, at humahayo sa ibabaw nito ang mangwawasak; 23–29, May kapangyarihan ang ilan na utusan ang katubigan; 30–35, Ang mga elder ay maglalakbay nang dala-dalawa at ipangangaral ang ebanghelyo; 36–39, Maghahanda sila para sa pagparito ng Anak ng Tao.
1 Dinggin, at makinig sa tinig niya na nagtataglay ng lahat ng kapangyarihan, na mula sa kawalang-hanggan hanggang sa kawalang-hanggan, maging ang Alpha at Omega, ang simula at ang wakas.
2 Dinggin, katotohanan, ganito ang wika ng Panginoon sa inyo, O kayong mga elder ng aking simbahan, na natitipon sa dakong ito, na kung kaninong mga kasalanan ay pinatawad na sa inyo ngayon, sapagkat ako, ang Panginoon, ay nagpapatawad ng mga kasalanan, at maawain sa mga yaong nagtatapat ng kanilang mga kasalanan nang may mga mapagpakumbabang puso;
3 Subalit katotohanan, sinasabi ko sa inyo, na hindi kinakailangan para sa buong samahan ng aking mga elder na mabilis na maglakbay sa mga tubig, samantalang ang mga naninirahan sa magkabilang panig ay nasasawi sa kawalang-paniniwala.
4 Gayunpaman, pinahintulutan ko ito upang inyong mapatotohanan; dinggin, maraming panganib sa mga tubig, at marami pa lalung-lalo na pagkatapos nito;
5 Sapagkat ako, ang Panginoon, ay nagpataw sa aking galit ng maraming kapahamakan sa mga tubig; oo, at lalo na sa mga tubig na ito.
6 Gayunpaman, ang lahat ng laman ay nasa aking kamay, at siya na matapat sa inyo ay hindi masasawi sa pamamagitan ng mga tubig.
7 Anupa’t kinakailangan na ang aking tagapaglingkod na si Sidney Gilbert at ang aking tagapaglingkod na si William W. Phelps ay magmadali sa kanilang sadya at misyon.
8 Gayunpaman, hindi ko pahihintulutan na kayo ay maghiwalay hangga’t hindi kayo naparurusahan sa lahat ng inyong mga kasalanan, upang kayo ay maging isa, upang hindi kayo masawi sa kasamaan;
9 Subalit ngayon, katotohanan, sinasabi ko, minarapat ko na kayo ay nararapat maghiwalay. Samakatwid, isasama ng aking mga tagapaglingkod na sina Sidney Gilbert at William W. Phelps ang kanilang mga dating kasamahan, at maglalakbay sila nang nagmamadali upang kanilang magampanan ang kanilang misyon, at sa pamamagitan ng pananampalataya, sila ay mananaig;
10 At yamang sila ay matatapat, pangangalagaan sila, at ako, ang Panginoon, ay makakasama nila.
11 At ang mga natira ay kukunin ang yaong kinakailangan para sa pananamit.
12 Dadalhin ng aking tagapaglingkod na si Sidney Gilbert ang yaong hindi kinakailangan, ayon sa inyong pagkakasunduan.
13 At ngayon, dinggin, para sa inyong kabutihan ay ibinigay ko sa inyo ang isang kautusan hinggil sa mga bagay na ito; at ako, ang Panginoon, ay mangangatwiran sa inyo tulad sa mga tao noong sinauna.
14 Dinggin, ako, ang Panginoon, sa simula ay pinagpala ang mga tubig; subalit sa mga huling araw, sa pamamagitan ng bibig ng aking tagapaglingkod na si Juan, isinumpa ko ang mga tubig.
15 Samakatwid, darating ang panahon na walang laman na magiging ligtas sa mga tubig.
16 At sasabihin sa mga darating na panahon na walang sinuman ang makatutungo sa lupain ng Sion na magdaraan sa mga tubig, kundi siya na matwid sa puso.
17 At, samantalang ako, ang Panginoon, ay isinumpa ang lupa sa simula, maging sa gayon, pinagpala ko ito sa mga huling araw, sa panahon nito, para gamitin ng aking mga banal, upang makabahagi sila sa katabaan nito.
18 At ngayon, binibigyan ko kayo ng isang kautusan na kung anuman ang sinasabi ko sa isa ay sinasabi ko sa lahat, na babalaan ninyo ang inyong mga kapatid hinggil sa mga tubig na ito, upang hindi sila maglakbay sa mga ito, sapagkat baka mabigo ang kanilang pananampalataya at mahuli sila sa mga patibong;
19 Ako, ang Panginoon, ay nagtakda, at humahayo ang mangwawasak sa ibabaw nito, at hindi ko ipinawawalang-bisa ang aking itinakda.
20 Ako, ang Panginoon, ay nagalit sa inyo kahapon, subalit ngayon, ang aking galit ay napawi na.
21 Anupa’t, tagubilinan ang mga yaong aking binanggit, na dapat magmadaling humayo sa kanilang paglalakbay—muli, sinasabi ko sa inyo, magmadali silang humayo sa kanilang paglalakbay.
22 At hindi mahalaga sa akin, pagkaraan ng sandali, kung mangyayaring ginagampanan nila ang kanilang misyon, kahit na humayo sila sa pamamagitan ng tubig o sa pamamagitan ng lupa; mangyayari ito ayon sa ipaaalam sa kanila alinsunod sa kanilang pagpapasiya pagkaraan nito.
23 At ngayon, hinggil sa aking mga tagapaglingkod na sina Sidney Rigdon, Joseph Smith, Jun., at Oliver Cowdery, hindi na sila muling hahayo pa sa pamamagitan ng mga tubig, maliban sa kanal, habang naglalakbay patungo sa kanilang mga tahanan; o sa ibang salita, hindi sila daraan sa mga tubig sa paglalakbay, maliban sa kanal.
24 Dinggin, ako, ang Panginoon, ay nagtakda ng daan para sa paglalakbay ng aking mga banal; at dinggin, ito ang daan—na matapos nilang lisanin ang kanal, sila ay maglalakbay sa lupa, dahil sila ay inuutusang maglakbay at magtungo sa lupain ng Sion;
25 At gagawin nila ang tulad ng sa mga anak ni Israel, itinatayo ang kanilang mga tolda sa daan.
26 At, dinggin, ang kautusang ito ay inyong ibibigay sa lahat ng inyong mga kapatid.
27 Gayunpaman, sa kanya na binibigyan ng kapangyarihang utusan ang mga tubig, sa kanya ibinibigay sa pamamagitan ng Espiritu na malaman ang lahat ng kanyang mga pamamaraan;
28 Samakatwid, gagawin niya ang tulad ng iuutos sa kanya ng Espiritu ng buhay na Diyos, maging sa lupa o sa mga tubig, tulad ng nasasa akin na gawin pagkaraan nito.
29 At sa inyo ibinibigay ang daraanan para sa mga banal, o ang daan para sa mga banal sa kampo ng Panginoon, sa paglalakbay.
30 At muli, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ang aking mga tagapaglingkod na sina Sidney Rigdon, Joseph Smith, Jun., at Oliver Cowdery, ay hindi magbubukas ng kanilang mga bibig sa mga kongregasyon ng masasama hanggang sa dumating sila sa Cincinnati;
31 At sa lugar na iyon, itataas nila ang kanilang mga tinig sa Diyos laban sa mga taong yaon, oo, sa kanya na kung kaninong galit ay nag-aalab laban sa kanilang kasamaan, mga taong halos nahihinog na para sa pagkalipol.
32 At mula roon, sila ay maglalakbay patungo sa mga kongregasyon ng kanilang mga kapatid, sapagkat ang kanilang mga gawain maging ngayon ay mas higit na kinakailangan nila kaysa sa mga kongregasyon ng masasama.
33 At ngayon, hinggil sa mga natira, sila ay maglalakbay at ipahahayag ang salita sa mga kongregasyon ng masasama, yamang ito ay ibinigay;
34 At yamang ginagawa nila ito, lilinisin nila ang kanilang mga kasuotan, at sila ay magiging walang bahid-dungis sa harapan ko.
35 At sila ay maglalakbay na magkakasama, o dala-dalawa, kung anuman ang sa palagay nilang makabubuti, subalit ang aking tagapaglingkod na si Reynolds Cahoon, at ang aking tagapaglingkod na si Samuel H. Smith, na siya kong lubos na kinasisiyahan, ay huwag maghihiwalay hanggang sa sila ay bumalik sa kanilang mga tahanan, at ito ay para sa isang matalinong layunin sa akin.
36 At ngayon, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, at kung anuman ang sinasabi ko sa isa ay sinasabi ko sa lahat, magalak, maliliit na bata; sapagkat ako ay nasa gitna ninyo, at hindi ko kayo pinabayaan;
37 At dahil nagpakumbaba kayo ng inyong sarili sa harapan ko, ang mga pagpapala ng kaharian ay sa inyo.
38 Bigkisan ang inyong mga balakang at maging maingat at maging mahinahon, hinihintay ang pagparito ng Anak ng Tao, sapagkat siya ay paparito sa oras na hindi ninyo inaakala.
39 Manalangin sa tuwina upang hindi kayo matukso, upang kayo ay makapanatili sa araw ng kanyang pagparito, kahit sa buhay man o sa kamatayan. Maging gayon nga. Amen.