Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 62


Bahagi 62

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa pampang ng Ilog ng Missouri sa Chariton, Missouri, Agosto 13, 1831. Sa araw na ito, ang Propeta at ang kanyang pangkat, na naglalakbay mula Independence patungong Kirtland, ay nasalubong ang ilang elder na naglalakbay patungo sa lupain ng Sion, at, pagkaraan ng masayang pagbabatian, ay natangagp ang paghahayag na ito.

1–3, Nakatala sa langit ang mga patotoo; 4–9, Ang mga elder ay maglalakbay at mangangaral alinsunod sa pasiya at sa gabay ng Espiritu.

1 Dinggin, at makinig, O kayong mga elder ng aking simbahan, wika ng Panginoon ninyong Diyos, maging si Jesucristo, ang inyong tagapamagitan, na siyang nakaaalam ng kahinaan ng tao at kung paano masasaklolohan sila na natutukso.

2 At katotohanan, ang aking mga mata ay nakatuon sa kanila na hindi pa nakatutungo sa lupain ng Sion; kaya nga ang inyong misyon ay hindi pa tapos.

3 Gayunpaman, kayo ay pinagpala, sapagkat ang patotoo na inyong ipinahayag ay nakatala sa langit upang tingnan ng mga anghel; at sila ay nagsasaya sa inyo, at pinatatawad na ang inyong mga kasalanan.

4 At ngayon, ipagpatuloy ang inyong paglalakbay. Tipunin ang inyong sarili sa lupain ng Sion; at magpulong at magsaya nang sama-sama, at maghandog ng sakramento sa Kataas-taasan.

5 At pagkatapos, makababalik na kayo upang magpatotoo, oo, maging magkakasama, o dala-dalawa, alinsunod sa palagay ninyong makabubuti, hindi ito mahalaga sa akin; maging matapat lamang, at magpahayag ng mabubuting balita sa mga naninirahan sa mundo, o sa mga kongregasyon ng masasama.

6 Dinggin, ako, ang Panginoon, ay dinala kayong magkakasama upang matupad ang pangako, na ang matatapat sa inyo ay pangangalagaan at magsasaya nang magkakasama sa lupain ng Missouri. Ako, ang Panginoon, ay nangangako sa matatapat at hindi makapagsisinungaling.

7 Ako, ang Panginoon, ay nakahanda, kung sinuman sa inyo ang nagnanais na sumakay sa mga kabayo, o sa mga mula, o sa mga karwahe, tatanggapin niya ang pagpapalang ito, kung tinatanggap niya ito mula sa kamay ng Panginoon, na may pasasalamat sa puso sa lahat ng bagay.

8 Ang mga bagay na ito ay nasasa inyo na gawin alinsunod sa pasiya at sa mga paggabay ng Espiritu.

9 Dinggin, ang kaharian ay sa inyo. At dinggin, at makinig; ako ay kasama ng matatapat sa tuwina. Maging gayon nga. Amen.