Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 63


Bahagi 63

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Kirtland, Ohio, Agosto 30, 1831. Dumating ang Propeta, si Sidney Rigdon, at si Oliver Cowdery sa Kirtland noong Agosto 27 mula sa kanilang pagdalaw sa Missouri. Inilalarawan ng kasaysayan ni Joseph Smith ang paghahayag na ito: “Sa mga nagsisimulang araw na ito ng Simbahan, may matinding pagkabalisa na makamit ang salita ng Panginoon tungkol sa bawat paksa na sa anumang pamamaraan ay may kinalaman sa ating kaligtasan; at sapagkat ang lupain ng Sion ngayon ang pinakamahalagang bagay rito sa lupa na isinasaalang-alang, nagtanong ako sa Panginoon para sa karagdagang kaalaman tungkol sa pagtitipon ng mga Banal, at sa pagbili ng lupain, at sa iba pang mga bagay.”

1–6, Sasapit sa masasama ang isang araw ng pagkapoot; 7–12, Dumarating ang mga tanda sa pamamagitan ng pananampalataya; 13–19, Ang mga nangangalunya sa puso ay magtatatwa sa pananampalataya at itatapon sa lawa ng apoy; 20, Tatanggap ang matapat ng mana sa nagbagong-anyong mundo; 21, Hindi pa inihahayag ang isang buong salaysay ng mga pangyayari sa Bundok ng Pagbabagong-anyo; 22–23, Tatanggapin ng masunurin ang mga hiwaga ng kaharian; 24–31, Bibilhin ang mga mana sa Sion; 32–35, Ang Panginoon ay nagpapahayag ng mga digmaan, at papatayin ng masasama ang masasama; 36–48, Ang mga Banal ay magtitipon sa Sion at maglalaan ng mga salapi upang itayo ito; 49–54, Tiniyak ang mga pagpapala sa matatapat sa Ikalawang Pagparito, sa Pagkabuhay na mag-uli, at sa Milenyo; 55–58, Ito ay isang araw ng babala; 59–66, Ang pangalan ng Panginoon ay ginagamit sa walang saysay ng mga yaong gumagamit nito nang walang karapatan.

1 Makinig, O kayong mga tao, at buksan ang inyong mga puso at makinig mula sa malayo; at dinggin, kayo na tumatawag sa inyong sarili na mga tao ng Panginoon, at pakinggan ang salita ng Panginoon at ang kanyang kalooban hinggil sa inyo.

2 Oo, katotohanan, sinasabi ko, pakinggan ang salita niya na ang galit ay nag-aalab laban sa masasama at mapanghimagsik;

3 Na siyang nagpapasiyang kunin maging sila na ninanais niyang kunin, at pinangangalagaan ang buhay nila na ninanais niyang pangalagaan;

4 Na nagtatayo alinsunod sa sarili niyang kalooban at kasiyahan; at nangwawasak kapag naibigan niya, at may kakayahang iwaksi ang kaluluwa sa impiyerno.

5 Dinggin, ako, ang Panginoon, ay nangungusap sa aking tinig, at ito ay masusunod.

6 Samakatwid, katotohanan, sinasabi ko, tatalima ang masasama, at matatakot at manginginig ang mga mapanghimagsik; at ititikom ng mga hindi naniniwala ang kanilang mga labi, sapagkat ang araw ng kapootan ay sasapit sa kanila na katulad ng isang buhawi, at malalaman ng lahat ng laman na ako ang Diyos.

7 At siya na naghahanap ng mga tanda ay makakikita ng mga tanda, subalit hindi tungo sa kaligtasan.

8 Katotohanan, sinasabi ko sa inyo, mayroon sa inyo na naghahanap ng mga tanda, at mayroon ngang gayon maging mula sa simula;

9 Subalit, dinggin, ang pananampalataya ay hindi dumarating sa pamamagitan ng mga tanda, kundi ang mga tanda ay sumusunod sa mga yaong naniniwala.

10 Oo, ang mga tanda ay dumarating sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng kalooban ng tao, ni alinsunod sa kanilang naiibigan, kundi sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos.

11 Oo, ang mga tanda ay dumarating sa pamamagitan ng pananampalataya, tungo sa mga dakilang gawain, sapagkat kung walang pananampalataya, walang taong makasisiya sa Diyos; at kung kanino ang Diyos ay nagagalit, hindi siya lubos na nasisiyahan; kaya nga, sa gayon ay wala siyang ipinakikitang mga tanda, maliban sa kapootan tungo sa kanilang pagkakasumpa.

12 Samakatwid, ako, ang Panginoon, ay hindi nasisiyahan sa mga yaon sa inyo na naghahangad ng mga tanda at kababalaghan upang magkaroon ng pananampalataya, at hindi sa ikabubuti ng tao tungo sa aking kaluwalhatian.

13 Gayunpaman, nagbibigay ako ng mga kautusan, at marami ang tumatalikod sa aking mga kautusan at hindi sinusunod ang mga ito.

14 Mayroon sa inyo na mga nangangalunyang lalaki at babae; ilan sa kanila ang tumalikod sa inyo, at nananatili ang iba sa inyo na pagkatapos nito ay ibubunyag.

15 Ang mga yaon ay mag-ingat at magsisi agad, kung hindi, ang paghahatol ay sasapit sa kanila katulad ng isang patibong, at ang kanilang kahangalan ay ipahahayag, at ang kanilang mga gawa ay susunod sa kanila sa mga mata ng mga tao.

16 At katotohanan, sinasabi ko sa inyo, katulad ng aking sinabi noon, siya na tumitingin sa isang babae upang pagnasahan siya, o kung sinuman ang magkakasala ng pakikiapid sa kanilang mga puso, hindi mapapasakanila ang Espiritu, kundi itatatwa ang pananampalataya at matatakot.

17 Anupa’t ako, ang Panginoon, ay nagsasabi na ang mga duwag, at ang mga hindi naniniwala, at lahat ng sinungaling, at sinumang nagmamahal at gumagawa ng kasinungalingan, at ang mga patutot, at ang mga manggagaway, ay magkakaroon ng kanilang bahagi sa lawang yaon na nagniningas sa apoy at asupre, na ikalawang kamatayan.

18 Katotohanan, sinasabi ko, na sila ay hindi makababahagi sa unang pagkabuhay na mag-uli.

19 At ngayon, dinggin, ako, ang Panginoon, ay nagsasabi sa inyo na hindi kayo binibigyang-katwiran, sapagkat ang mga bagay na ito ay nasa inyo.

20 Gayunpaman, siya na nagtitiis nang may pananampalataya at ginagawa ang aking kalooban, siya rin ay mananaig, at makatatanggap ng mana sa mundo kapag ang araw ng pagbabagong-anyo ay sasapit na;

21 Kapag ang mundo ay magbabagong-anyo, maging alinsunod sa huwarang ipinakita sa aking mga apostol sa bundok; na kung aling ulat, ang kabuuan ay hindi pa ninyo natatanggap.

22 At ngayon, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, na katulad ng aking sinabi na ipaaalam ko ang aking kalooban sa inyo, dinggin, aking ipaaalam ito sa inyo, hindi bilang kautusan, sapagkat marami ang hindi sumusunod sa aking mga kautusan.

23 Subalit sa kanya na sumusunod sa aking mga kautusan, ihahayag ko ang mga hiwaga ng aking kaharian, at ang yaon din sa kanya ay magiging isang balon ng tubig na buhay, bumubukal tungo sa buhay na walang hanggan.

24 At ngayon, dinggin, ito ang kalooban ng Panginoon ninyong Diyos hinggil sa kanyang mga banal, na sila ay sama-samang magtipun-tipon sa lupain ng Sion, hindi nagmamadali, sapagkat baka magkaroon ng kaguluhan, na nagdadala ng salot.

25 Dinggin, ang lupain ng Sion—ako, ang Panginoon, ay hawak ito sa sarili kong mga kamay;

26 Gayunpaman, ako, ang Panginoon, ay ibinibigay kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar.

27 Samakatwid, ako, ang Panginoon ay nagnanais na inyong bilhin ang mga lupain, upang kayo ay magkaroon ng kalamangan sa sanlibutan, nang magkaroon kayo ng karapatan sa sanlibutan, upang sila ay hindi mapukaw sa galit.

28 Sapagkat inilalagay ni Satanas sa kanilang mga puso na magalit sa inyo, at magpadanak ng dugo.

29 Anupa’t ang lupain ng Sion ay hindi makukuha maliban kung sa pamamagitan ng pagbili o sa pamamagitan ng dugo, kung hindi ay walang mana para sa inyo.

30 At kung sa pamamagitan ng pagbili, dinggin, kayo ay pinagpala;

31 At kung sa pamamagitan ng dugo, sapagkat kayo ay pinagbabawalang magpadanak ng dugo, dinggin, ang inyong mga kaaway ay sasalakay sa inyo, at kayo ay pahihirapan nang lungsod sa lungsod, at nang sinagoga sa sinagoga, at ilan lamang ang mananatili upang tumanggap ng mana.

32 Ako, ang Panginoon, ay galit sa masasama; ipinagkakait ko ang aking Espiritu sa mga naninirahan sa mundo.

33 Ako ay nanumpa sa aking kapootan, at nagpahayag ng mga digmaan sa balat ng lupa, at ang masasama ay papatayin ang masasama, at takot ang mananaig sa bawat tao;

34 At ang mga banal din ay bahagyang makatatakas; gayunpaman, ako, ang Panginoon, ay kasama nila, at bababa sa langit mula sa kinaroroonan ng aking Ama at tutupukin ang masasama gamit ang hindi maaapulang apoy.

35 At dinggin, hindi pa ito sa ngayon, subalit nalalapit na.

36 Anupa’t nakikita na ako, ang Panginoon, ang nagpapahayag sa lahat ng bagay na ito sa balat ng lupa, ninanais ko na ang aking mga banal ay magtipun-tipon sa lupain ng Sion;

37 At na ang bawat tao ay nararapat magtangan ng katwiran sa kanyang mga kamay at katapatan sa kanyang mga balakang, at magtaas ng tinig ng babala sa mga naninirahan sa mundo; at ipahayag kapwa sa salita at sa pagtakas na sasapit ang kapanglawan sa masasama.

38 Anupa’t isasaayos ng aking mga disipulo sa Kirtland ang kanilang mga temporal na pangangailangan, na naninirahan sa sakahang ito.

39 Ipagbibili ng aking tagapaglingkod na si Titus Billings, na siyang namamahala roon, ang lupain, upang siya ay maging handa sa darating na tagsibol na siya ay humayo sa kanyang paglalakbay patungo sa lupain ng Sion, kasama nila na naninirahan sa lupaing iyon, maliban sa kanila na aking ilalaan sa aking sarili, na hindi hahayo hanggang sa aking iutos sa kanila.

40 At ipadadala ang lahat ng salapi na maaaring matira, hindi mahalaga sa akin kung ito man ay kaunti o marami, sa lupain ng Sion, sa kanila na aking itinalagang tumanggap.

41 Dinggin, ako, ang Panginoon, ay magbibigay sa aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun., ng kakayahan kung kaya’t magagawa niyang makilala sa pamamagitan ng Espiritu ang mga yaong magsisitungo sa lupain ng Sion, at ang aking mga yaong disipulo na maiiwan.

42 Pananatilihin ng aking tagapaglingkod na si Newel K. Whitney ang kanyang tindahan, o sa ibang salita, ang tindahan, nang kaunti pang panahon.

43 Gayunpaman, ibabahagi niya ang lahat ng salapi na maaari niyang ibahagi, upang ipadala sa lupain ng Sion.

44 Dinggin, ang mga bagay na ito ay nasa sarili niyang mga kamay, gawin niya ang naaalinsunod sa karunungan.

45 Katotohanan, sinasabi ko, iorden siya bilang isang kinatawan sa mga disipulo na maiiwan, at iorden siya sa kapangyarihang ito;

46 At ngayon, dalawin agad ang mga simbahan, ipinaliliwanag ang mga bagay na ito sa kanila, kasama ng aking tagapaglingkod na si Oliver Cowdery. Dinggin, ito ang aking kalooban, magtamo ng mga salapi maging katulad ng aking itinagubilin.

47 Siya na matapat at nagtitiis ay madaraig ang sanlibutan.

48 Siya na nagpapadala ng mga kayamanan sa lupain ng Sion ay makatatanggap ng mana sa daigdig na ito, at susunod sa kanya ang mga gawa niya, at gayundin ang isang gantimpala sa susunod na daigdig.

49 Oo, at pinagpala ang mga patay na namamatay sa Panginoon, mula ngayon, kapag ang Panginoon ay pumarito, at ang mga lumang bagay ay lilipas, at lahat ng bagay ay magiging bago, babangon sila mula sa mga patay, at hindi na mamamatay pagkatapos, at tatanggap ng mana sa harapan ng Panginoon, sa banal na lungsod.

50 At siya na nabubuhay kapag ang Panginoon ay paparito, at nanatiling tapat, pinagpala siya; gayunpaman, itinatakda sa kanya na mamatay alinsunod sa gulang ng tao.

51 Anupa’t ang mga bata ay lalaki hanggang sa tumanda sila; ang matatandang tao ay mamamatay; subalit hindi sila matutulog sa alabok, sa halip, sila ay magbabago sa isang kisap-mata.

52 Anupa’t sa kadahilanang ito ipinangaral ng mga apostol sa sanlibutan ang pagkabuhay na mag-uli ng mga patay.

53 Ang mga bagay na ito ang mga bagay na kailangan ninyong asahan; at, nangungusap alinsunod sa paraan ng Panginoon, ang mga ito ngayon ay nalalapit na, at sa panahon na darating, maging sa araw ng pagparito ng Anak ng Tao.

54 At hanggang sa oras na yaon, magkakaroon ng mga hangal na birhen sa gitna ng marurunong; at sa oras na yaon magaganap ang isang lubusang paghihiwalay ng mga matwid at ng masasama; at sa araw na yaon, isusugo ko ang aking mga anghel upang bunutin ang masasama at itapon sila sa hindi maapulang apoy.

55 At ngayon, dinggin, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ako, ang Panginoon, ay hindi nasisiyahan sa aking tagapaglingkod na si Sidney Rigdon; dinadakila niya ang kanyang sarili sa kanyang puso, at hindi tumatanggap ng payo, sa halip ay pinagpipighati ang Espiritu;

56 Samakatwid, ang kanyang isinulat ay hindi katanggap-tanggap sa Panginoon, at gagawa siya ng isa pa; at kung hindi ito tatanggapin ng Panginoon, dinggin, hindi na siya kikilos sa katungkulang aking itinalaga sa kanya.

57 At muli, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ang mga yaong nagnanais sa kanilang mga puso, sa kaamuan, na balaan ang mga makasalanan na magsisi, iorden sila sa kapangyarihang ito.

58 Sapagkat ito ay araw ng babala, at hindi araw ng maraming salita. Sapagkat ako, ang Panginoon, ay hindi makukutya sa mga huling araw.

59 Dinggin, ako ay mula sa kaitaasan, at may kapangyarihan ako sa ibaba. Ako ay sumasaibabaw sa lahat, at nasa lahat, at sumasalahat, at sinisiyasat ang lahat ng bagay, at darating ang panahon na ang lahat ng bagay ay mapapasailalim sa akin.

60 Dinggin, ako ang Alpha at Omega, maging si Jesucristo.

61 Samakatwid, mag-ingat ang lahat ng tao kung paano nila sinasambit ang aking pangalan sa kanilang mga labi—

62 Sapagkat dinggin, katotohanan, sinasabi ko, na marami sila na nasa ilalim ng sumpang ito, na gumagamit sa pangalan ng Panginoon, at ginagamit ito nang walang saysay, na walang karapatan.

63 Samakatwid, magsisi ang simbahan sa kanilang mga kasalanan, at ako, ang Panginoon, ay kikilalanin sila; kung hindi, sila ay ihihiwalay.

64 Tandaan na ang yaong nagmumula sa kaitaasan ay sagrado, at kailangang sambitin nang may pag-iingat, at sa pagpipigil ng Espiritu; at dito ay walang sumpa, at ipagkakaloob sa inyo ang Espiritu sa pamamagitan ng panalangin; kaya nga, kung wala nito ay mananatili ang sumpa.

65 Ihahanap sila ng tahanan ng aking mga tagapaglingkod na sina Joseph Smith, Jun., at Sidney Rigdon, katulad ng itinuro sa kanila sa pamamagitan ng panalangin ng Espiritu.

66 Ang mga bagay na ito ay nananatili upang madaig sa pamamagitan ng pagtitiis, nang ang mga yaon ay makatanggap ng lalong higit at walang hanggang timbang ng kaluwalhatian, kung hindi, isang higit na masidhing sumpa. Amen.