Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 64


Bahagi 64

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa mga elder ng Simbahan, sa Kirtland, Ohio, Setyembre 11, 1831. Naghahanda ang Propeta na lumipat sa Hiram, Ohio, upang ipagpatuloy ang kanyang pagsasalin ng Biblia, na naisantabi samantalang siya ay nasa Missouri. Isang pangkat ng mga kapatid na lalaki na inutusang maglakbay patungo sa Sion (Missouri) ang masigasig na naghahanda para sa paglisan sa Oktubre. Sa abalang panahong ito, natanggap ang paghahayag na ito.

1–11, Inuutusan ang mga Banal na magpatawad sa isa’t isa, sapagkat baka manatili sa kanila ang higit na matinding kasalanan; 12–22, Ihaharap sa Simbahan ang mga hindi nagsisisi; 23–25, Siya na nagbigay ng ikapu ay hindi masusunog sa pagparito ng Panginoon; 26–32, Binabalaan ang mga Banal laban sa pagkakautang; 33–36, Ihihiwalay sa Sion ang mga mapanghimagsik; 37–40, Hahatulan ng Simbahan ang mga bansa; 41–43, Mananagana ang Sion.

1 Dinggin, ganito ang wika ng Panginoon ninyong Diyos sa inyo, O kayong mga elder ng aking simbahan, makinig kayo at pakinggan, at tanggapin ang aking kalooban hinggil sa inyo.

2 Sapagkat katotohanan, sinasabi ko sa inyo, aking kalooban na madaig ninyo ang sanlibutan; kaya nga ako ay mahahabag sa inyo.

3 Mayroon sa inyo na nagkasala; subalit katotohanan, sinasabi ko, sa isang pagkakataong ito, para sa aking sariling kaluwalhatian, at para sa kaligtasan ng mga kaluluwa, aking pinatatawad kayo sa inyong mga kasalanan.

4 Ako ay magiging maawain sa inyo, sapagkat ibinigay ko sa inyo ang kaharian.

5 Ang mga susi ng mga hiwaga ng kaharian ay hindi kukunin mula sa aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun., sa pamamagitan ng mga paraang aking itinakda, habang siya ay nabubuhay, yamang sinusunod niya ang aking mga ordenansa.

6 May mga yaong naghahanap ng kasiraan laban sa kanya nang walang kadahilanan;

7 Gayunpaman, siya ay nagkasala; subalit katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ako, ang Panginoon, ay nagpapatawad ng mga kasalanan sa mga yaong nagtatapat ng kanilang mga kasalanan sa aking harapan at humihingi ng kapatawaran, na hindi nagkasala tungo sa kamatayan.

8 Ang aking mga disipulo, noong sinauna, ay naghanap ng kasiraan laban sa isa’t isa at hindi nila pinatawad ang isa’t isa sa kanilang mga puso; at dahil sa kasamaang ito, sila ay pinahirapan at labis na pinarusahan.

9 Samakatwid, sinasabi ko sa inyo, na kinakailangan ninyong patawarin ang isa’t isa; sapagkat siya na hindi nagpapatawad sa kanyang kapatid ng kanyang mga pagkakasala ay nahatulan na sa harapan ng Panginoon; sapagkat nananatili sa kanya ang higit na matinding kasalanan.

10 Ako, ang Panginoon, ay magpapatawad sa yaong aking patatawarin, subalit kayo ay kinakailangang magpatawad sa lahat ng tao.

11 At kinakailangan ninyong sabihin sa inyong mga puso—ang Diyos ang hahatol sa akin at sa iyo, at ikaw ay gagantimpalaan alinsunod sa iyong mga gawa.

12 At siya na hindi nagsisisi ng kanyang mga kasalanan, at hindi ipinagtatapat ang mga yaon, ay inyong ihaharap sa simbahan, at gagawin sa kanya ang katulad ng sinasabi ng banal na kasulatan sa inyo, sa pamamagitan man ng kautusan o sa pamamagitan ng paghahayag.

13 At ito ang inyong gagawin upang ang Diyos ay maluwalhati—hindi dahil sa hindi kayo nagpapatawad, na walang pagkahabag, kundi upang kayo ay mabigyang-katwiran sa mga mata ng batas, nang hindi ninyo masaktan siya na inyong tagabigay ng batas—

14 Katotohanan, sinasabi ko, sa kadahilanang ito ninyo gagawin ang mga bagay na ito.

15 Dinggin, ako, ang Panginoon, ay nagalit sa kanya na aking tagapaglingkod na si Ezra Booth, at gayundin sa aking tagapaglingkod na si Isaac Morley, sapagkat hindi nila sinunod ang batas, ni ang kautusan;

16 Sila ay naghangad ng kasamaan sa kanilang mga puso, at ako, ang Panginoon, ay ipinagkait ang aking Espiritu. Kanilang hinatulang masama ang yaong bagay na hindi masama; gayunpaman, aking pinatatawad ang aking tagapaglingkod na si Isaac Morley.

17 At gayundin ang aking tagapaglingkod na si Edward Partridge, dinggin, siya ay nagkasala, at si Satanas ay naghahangad na mawasak ang kanyang kaluluwa; subalit kung ang mga bagay na ito ay ipaaalam sa kanila, at magsisisi sila sa kasamaan, sila ay patatawarin.

18 At ngayon, katotohanan, sinasabi ko na marapat sa akin na ang aking tagapaglingkod na si Sidney Gilbert, pagkalipas ng ilang linggo, ay bumalik sa kanyang gawain, at sa kanyang pagiging kinatawan sa lupain ng Sion;

19 At ang yaong kanyang nakita at narinig ay maipaaalam sa aking mga disipulo, nang hindi sila masawi. At sa kadahilanang ito ko sinabi ang mga bagay na ito.

20 At muli, sinasabi ko sa inyo, upang ang aking tagapaglingkod na si Isaac Morley ay hindi matukso nang higit pa sa kanyang makakayanan, at magpayo nang mali sa inyong ikapapahamak, ako ay nagbigay ng kautusan na nararapat na ipagbili ang kanyang sakahan.

21 Hindi ko kalooban na ipagbili ng aking tagapaglingkod na si Frederick G. Williams ang kanyang sakahan, sapagkat kalooban ko, ang Panginoon, na magpanatili ng isang matatag na muog sa lupain ng Kirtland, sa loob ng limang taon, kung kailan hindi ko lilipulin ang masasama, nang sa paraang ito ay makapagligtas ako ng ilan.

22 At matapos ang araw na yaon, ako, ang Panginoon, ay hindi pananagutin ang sinumang hahayo nang may bukas na puso sa lupain ng Sion; sapagkat ako, ang Panginoon, ay hinihingi ang mga puso ng mga anak ng tao.

23 Dinggin, ang panahong ito ay tinatawag na ngayon hanggang sa pagparito ng Anak ng Tao, at katotohanan, ito ay araw ng pag-aalay, at araw ng pagbabayad ng ika-sampung bahagi ng aking mga tao; sapagkat siya na nagbibigay ng ikapu ay hindi masusunog sa kanyang pagparito.

24 Sapagkat pagkatapos ng ngayon ay susunod ang pagsunog—ang pangungusap na ito ay alinsunod sa pamamaraan ng Panginoon—sapagkat katotohanan, sinasabi ko, bukas, ang lahat ng palalo at sila na gumagawa ng kasamaan ay magiging katulad ng pinaggapasan; at akin silang susunugin, sapagkat ako ang Panginoon ng mga Hukbo; at hindi ko paliligtasin ang sinumang mamamalagi sa Babilonia.

25 Samakatwid, kung naniniwala kayo sa akin, kayo ay gagawa habang ito ay tinatawag na ngayon.

26 At hindi nararapat na ang aking mga tagapaglingkod na sina Newel K. Whitney at Sidney Gilbert ay ipagbili ang kanilang tindahan at ang kanilang mga ari-arian dito; sapagkat hindi ito karunungan hanggang ang natitira ng simbahan na nananatili sa lugar na ito ay hahayo patungo sa lupain ng Sion.

27 Dinggin, nasasaad sa aking mga batas, o ipinagbabawal, na magkaroon ng pagkakautang sa inyong mga kaaway;

28 Subalit dinggin, hindi nasasaad kailanman na ang Panginoon ay hindi nararapat na kumuha kung kalooban niya iyon, at magbayad alinsunod sa palagay niyang makabubuti.

29 Anupa’t dahil kayo ay mga kinatawan, kayo ay nasa paglilingkod sa Panginoon; at anuman ang inyong gagawin alinsunod sa kalooban ng Panginoon ay gawain ng Panginoon.

30 At itinatalaga niya kayo upang tustusan ang kanyang mga banal sa mga huling araw na ito, upang sila ay magkamit ng mana sa lupain ng Sion.

31 At dinggin, ako, ang Panginoon, ay nagpapahayag sa inyo, at ang aking mga salita ay tiyak at hindi mabibigo, na kanilang makakamit ito.

32 Subalit ang lahat ng bagay ay kinakailangang mangyari sa panahon ng mga ito.

33 Anupa’t huwag mapagod sa paggawa ng mabuti, sapagkat kayo ay nagtatatag ng saligan ng isang dakilang gawain. At mula sa maliliit na bagay nagmumula ang yaong dakila.

34 Dinggin, hinihingi ng Panginoon ang puso at ang isang nagkukusang isipan; at kakainin ng nagkukusa at masunurin ang mabubuting bagay ng lupain ng Sion sa mga huling araw na ito.

35 At ang mapanghimagsik ay ihihiwalay sa lupain ng Sion, at itataboy, at hindi mamamana ang lupain.

36 Sapagkat, katotohanan, sinasabi ko na ang mga mapanghimagsik ay hindi nagmula sa dugo ni Ephraim, kaya nga sila ay bubunutin.

37 Dinggin, ako, ang Panginoon, ay itinayo ang aking simbahan sa mga huling araw na ito na tulad ng isang hukom na nakaupo sa isang burol, o sa isang mataas na lugar, upang maghukom sa mga bansa.

38 Sapagkat ito ay mangyayari na maghuhukom ang mga naninirahan sa Sion sa lahat ng bagay na nauukol sa Sion.

39 At ang mga sinungaling at mapagkunwari ay ilalantad nila, at sila na hindi mga apostol at propeta ay ibubunyag.

40 At maging ang obispo, na isang hukom, at ang kanyang mga tagapayo, kung hindi sila matapat sa kanilang pinangangasiwaan ay parurusahan, at magtatalaga ng iba na kahalili nila.

41 Sapagkat, dinggin, sinasabi ko sa inyo na ang Sion ay mananagana, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay mapapasakanya;

42 At siya ay magiging isang sagisag sa mga tao, at may paroroon sa kanya na mula sa lahat ng bansa sa ilalim ng langit.

43 At sasapit ang araw kung kailan ang mga bansa sa mundo ay mayayanig dahil sa kanya, at mangatatakot dahil sa kanyang mga kakila-kilabot. Ang Panginoon ang nangusap nito. Amen.