Bahagi 67
Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Hiram, Ohio, sa pagsisimula ng Nobyembre 1831. Ang pangyayari ay isang natatanging pagpupulong, at pinag-isipan at pinasimulan ang paglalathala ng mga paghahayag na natanggap mula sa Panginoon sa pamamagitan ng Propeta (tingnan sa ulo ng bahagi 1). Kamakailan lamang, itinatag ni William W. Phelps ang palimbagan ng Simbahan sa Independence, Missouri. Nagpasiya ang kapulungan na ilathala ang mga paghahayag sa Aklat ng mga Kautusan at maglimbag ng 10,000 kopya (na dahil sa mga hindi inaasahang suliranin ay ibinaba kalaunan sa 3,000 kopya). Marami sa kalalakihan ang nagbigay ng mataimtim na patotoo na tunay ngang totoo ang mga paghahayag na tinipon noon para sa paglalathala, tulad ng ipinaalam sa kanila ng Espiritu Santo. Itinatala sa kasaysayan ni Joseph Smith na matapos matanggap ang paghahayag na kilala bilang bahagi 1, nagkaroon ng ilang pag-uusap hinggil sa wikang ginamit sa mga paghahayag. Ang paghahayag na ito ang sumunod.
1–3, Naririnig ng Panginoon ang mga panalangin at pinangangalagaan ang Kanyang mga elder; 4–9, Kanyang hinahamon ang pinakamarunong na tao na gayahin ang pinakahamak sa Kanyang mga paghahayag; 10–14, Ang matatapat na elder ay palalakasin ng Espiritu at makikita ang mukha ng Diyos.
1 Dinggin at makinig, O kayong mga elder ng aking simbahan, na magkakasamang tinipon ang inyong sarili, na kung kaninong mga panalangin ay aking naririnig, at kung kaninong mga puso ay aking nakikilala, at kung kaninong mga hangarin ay umaabot sa harapan ko.
2 Dinggin at pakinggan, ang aking mga mata ay nakatuon sa inyo, at ang kalangitan at ang mundo ay nasa aking mga kamay, at ang mga kayamanan ng kawalang-hanggan ay akin upang ibigay.
3 Nagsumikap kayong maniwala na matatanggap ninyo ang pagpapala na inihandog sa inyo; subalit dinggin, katotohanan, sinasabi ko sa inyo na may mga takot sa inyong mga puso, at katotohanan, ito ang dahilan kung bakit kayo ay hindi nakatanggap.
4 At ngayon, ako, ang Panginoon, ay nagpapatotoo sa inyo tungkol sa katotohanan ng mga kautusang ito na nakalatag sa harapan ninyo.
5 Ang inyong mga mata ay nakatuon sa aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun., at ang kanyang wika ay inyong nalalaman, at ang kanyang mga kahinaan ay inyong nalalaman; at inyong hinangad sa inyong mga puso ang kaalaman upang makapagpahayag kayo nang mas higit kaysa sa kanyang wika; ito ay batid din ninyo.
6 Ngayon, hanapin ninyo sa Aklat ng mga Kautusan, maging ang pinakahamak sa mga ito, at italaga siya na pinakamarunong sa inyo;
7 O, kung mayroong sinuman sa inyo na makagagawa ng isang tulad nito, sa gayon ay binibigyang-katwiran kayo sa pagsasabing hindi ninyo alam na ang mga yaon ay totoo;
8 Subalit kung hindi kayo makagagawa ng isang katulad nito, kayo ay isinusumpa kung hindi kayo magpapatotoo na totoo ang mga ito.
9 Sapagkat nalalaman ninyo na walang kasamaan sa mga yaon, at ang yaong matwid ay nanggagaling sa itaas, mula sa Ama ng mga liwanag.
10 At muli, katotohanan, sinasabi ko sa inyo na ito ay inyong pribilehiyo, at isang pangako ang aking ibinibigay sa inyo na inorden sa paglilingkod na ito, na yamang inaalis ninyo sa inyong sarili ang mga inggit at takot, at nagpapakumbaba ng inyong sarili sa harapan ko, sapagkat kayo ay hindi sapat na mapagpakumbaba, mapupunit ang tabing at inyo akong makikita at makikilala na ako nga—hindi sa pamamagitan ng makamundo ni ng likas na pag-iisip, kundi ng espirituwal.
11 Sapagkat walang tao, sa laman, ang nakakikita sa Diyos kailanman, maliban kung siya ay pinalakas ng Espiritu ng Diyos.
12 Ni walang sinumang likas na tao ang makatatagal sa harapan ng Diyos, ni alinsunod sa makamundong pag-iisip.
13 Hindi ninyo matatagalan ang pagharap sa Diyos ngayon, ni ang paglilingkod ng mga anghel; kaya nga, magpatuloy nang may pagtitiis hanggang sa kayo ay maging sakdal.
14 Huwag ibaling palayo ang inyong mga isipan; at kapag kayo ay karapat-dapat, sa aking sariling takdang panahon, inyong makikita at malalaman ang yaong iginawad sa inyo sa pamamagitan ng mga kamay ng aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun. Amen.