Bahagi 68
Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Hiram, Ohio, Nobyembre 1, 1831, bilang tugon sa panalangin na ihayag ang kaisipan ng Panginoon hinggil kina Orson Hyde, Luke S. Johnson, Lyman E. Johnson, at William E. McLellin.. Bagama’t nauukol ang paghahayag na ito sa apat na kalalakihang ito, tumutukoy sa buong Simbahan ang marami sa nilalalaman. Pinalawak ang paghahayag na ito sa ilalim ng patnubay ni Joseph Smith nang inilathala ang 1835 na edisyon ng Doktrina at mga Tipan.
1–5, Banal na kasulatan ang mga salita ng mga elder kapag pinapahiwatigan ng Espiritu Santo; 6–12, Ang mga elder ay mangangaral at magbibinyag, at susundan ng mga palatandaan ang mga tunay na naniniwala; 13–24, Maaaring maglingkod ang panganay sa mga anak na lalaki ni Aaron bilang Namumunong Obispo (na taglayin ang mga susi ng panguluhan bilang isang obispo) sa ilalim ng tagubilin ng Unang Panguluhan; 25–28, Inuutusan ang mga magulang na ituro ang ebanghelyo sa kanilang mga anak; 29–35, Ang mga Banal ay igagalang ang Sabbath, masigasig na kikilos, at mananalangin.
1 Ang aking tagapaglingkod na si Orson Hyde ay tinawag sa pamamagitan ng kanyang ordinasyon na ipahayag ang walang hanggang ebanghelyo, sa pamamagitan ng Espiritu ng buhay na Diyos, nang tao sa tao, at nang lupain sa lupain, sa mga kongregasyon ng masasama, sa kanilang mga sinagoga, tinatalakay at ipinaliliwanag ang lahat ng banal na kasulatan sa kanila.
2 At, dinggin, at pakinggan, ito ay isang halimbawa sa lahat ng yaong naorden sa pagkasaserdoteng ito, kung kaninong misyon ay itinatakda sa kanila na humahayo—
3 At ito ang halimbawa sa kanila, na sila ay mangungusap kapag pinapahiwatigan sila ng Espiritu Santo.
4 At anuman ang kanilang sasabihin kapag pinapahiwatigan sila ng Espiritu Santo ay magiging mga banal na kasulatan, magiging kalooban ng Panginoon, magiging kaisipan ng Panginoon, magiging salita ng Panginoon, magiging tinig ng Panginoon, at ang kapangyarihan ng Diyos tungo sa kaligtasan.
5 Dinggin, ito ang pangako ng Panginoon sa inyo, O kayo na aking mga tagapaglingkod.
6 Anupa’t magalak, at huwag matakot, sapagkat ako, ang Panginoon, ay kasama ninyo, at aagapay sa inyo; at magpapatotoo kayo tungkol sa akin, maging si Jesucristo, na ako ang Anak ng buhay na Diyos, na ako ay nabuhay, na ako ay nabubuhay, at na ako ay paparito.
7 Ito ang salita ng Panginoon sa iyo, aking tagapaglingkod na Orson Hyde, at gayundin sa aking tagapaglingkod na si Luke Johnson, at sa aking tagapaglingkod na si Lyman Johnson, at sa aking tagapaglingkod na si William E. McLellin, at sa lahat ng matatapat na elder ng aking simbahan—
8 Humayo kayo sa buong daigdig, ipangaral ang ebanghelyo sa bawat nilikha, gumaganap sa karapatang ipinagkaloob ko sa inyo, nagbibinyag sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo.
9 At siya na naniniwala at nabinyagan ay maliligtas, at siya na hindi naniniwala ay mapapahamak.
10 At siya na naniniwala ay pagpapalain ng mga kasunod na palatandaan, maging tulad ng nasusulat.
11 At ipagkakaloob sa inyo na malaman ang mga palatandaan ng panahon, at ang mga palatandaan ng pagparito ng Anak ng Tao;
12 At hinggil sa kasindami ng patototohanan ng Ama, sa inyo ay ipagkakaloob ang kapangyarihang ibuklod sila hanggang sa buhay na walang hanggan. Amen.
13 At ngayon, hinggil sa mga paksa na dagdag pa sa mga tipan at kautusan, ito ang mga yaon—
14 May matitira pagkaraan nito, sa takdang panahon ng Panginoon, na ibang mga obispo na itatalaga sa simbahan, na maglingkod maging alinsunod sa una;
15 Anupa’t sila ay matataas na saserdote na mga karapat-dapat, at itatalaga sila ng Unang Panguluhan ng Pagkasaserdoteng Melquisedec, maliban kung sila ay mga literal na inapo ni Aaron.
16 At kung sila ay mga literal na inapo ni Aaron, may legal silang karapatan sa obispado, kung sila ay mga panganay sa mga anak na lalaki ni Aaron;
17 Sapagkat tinataglay ng mga panganay ang karapatan sa panguluhan ng pagkasaserdoteng ito, at sa mga susi o karapatan din nito.
18 Walang sinumang tao ang may legal na karapatan sa katungkulang ito, na taglayin ang mga susi ng pagkasaserdoteng ito, maliban kung siya ay isang literal na inapo at ang panganay ni Aaron.
19 Subalit, dahil ang isang mataas na saserdote ng Pagkasaserdoteng Melquisedec ay may karapatang gampanan ang lahat ng nakabababang katungkulan, maaari niyang gampanan ang katungkulan ng obispo kung walang literal na inapo ni Aaron ang matatagpuan, kung siya ay tinatawag at itinatalaga at inoordenan sa kapangyarihang ito, sa ilalim ng mga kamay ng Unang Panguluhan ng Pagkasaserdoteng Melquisedec.
20 At ang isang literal na inapo ni Aaron ay kailangang ding piliin ng Panguluhang ito, at matagpuang karapat-dapat, at hirangin, at ordenan sa ilalim ng mga kamay ng Panguluhang ito, kung hindi, sila ay hindi legal na may karapatang gumanap sa kanilang pagkasaserdote.
21 Subalit, batay sa panuntunan hinggil sa kanilang karapatan sa pagkasaserdote magmula sa ama hanggang sa anak na lalaki, maaari nilang maangkin ang pagkakahirang sa kanila kung sa anumang oras ay mapatutunayan nila ang kanilang angkan, o matitiyak ito sa pamamagitan ng paghahayag mula sa Panginoon sa ilalim ng mga kamay ng mga nabanggit na Panguluhan.
22 At muli, walang obispo o mataas na saserdote na itatalaga sa paglilingkod na ito ang lilitisin o hahatulan sa anumang malaking kasalanan, maliban sa ito ay sa harapan ng Unang Panguluhan ng simbahan;
23 At yamang siya ay natatagpuang may kasalanan sa harapan ng Panguluhang ito, sa pamamagitan ng patotoo na hindi mapabubulaanan, siya ay parurusahan;
24 At kung siya ay magsisisi, patatawarin siya, alinsunod sa mga tipan at kautusan ng simbahan.
25 At muli, yamang ang mga magulang ay may mga anak sa Sion, o sa alinman sa kanyang mga istaka na naitatatag, na hindi nagtuturo sa kanila na maunawaan ang doktrina ng pagsisisi, pananampalataya kay Cristo, ang Anak ng buhay na Diyos, at ng pagbibinyag at ng kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay, pagsapit ng walong taong gulang, ang kasalanan ay pananagutan ng mga ulo ng mga magulang.
26 Sapagkat ito ay magiging batas sa mga naninirahan sa Sion, o sa alinman sa kanyang mga istaka na naitatatag.
27 At ang kanilang mga anak ay bibinyagan para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan pagsapit ng walong taong gulang, at tatanggapin ang pagpapatong ng mga kamay.
28 At tuturuan din nila ang kanilang mga anak na manalangin, at lumakad nang matwid sa harapan ng Panginoon.
29 At igagalang din ng mga naninirahan sa Sion ang araw ng Sabbath upang panatilihin itong banal.
30 At aalalahanin din ng mga naninirahan sa Sion ang kanilang mga gawain, yamang sila ay itinatalagang gumawa, nang buong katapatan; sapagkat ang tamad ay maaalala sa harapan ng Panginoon.
31 Ngayon, ako, ang Panginoon, ay hindi gaanong nasisiyahan sa mga naninirahan sa Sion, sapagkat may mga tamad sa kanila; at ang kanilang mga anak ay lumalaki rin sa kasamaan; hindi rin nila masugid na hinahangad ang mga kayamanan ng kawalang-hanggan, sa halip, ang kanilang mga mata ay puno ng kasakiman.
32 Ang mga bagay na ito ay hindi nararapat mangyari, at kinakailangang mahinto sa kanila; kaya nga, ipaaabot ng aking tagapaglingkod na si Oliver Cowdery ang mga salitang ito sa lupain ng Sion.
33 At isang kautusan ang ibinibigay ko sa kanila—na siya na hindi nananalangin sa harapan ng Panginoon sa oras nito, tatandaan siya ng hukom ng aking mga tao.
34 Ang mga salitang ito ay tunay at tapat; kaya nga, huwag labagin ang mga ito, ni bumawas mula rito.
35 Dinggin, ako ang Alpha at Omega, at ako ay madaling paparito. Amen.