Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 69


Bahagi 69

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Hiram, Ohio, Nobyembre 11, 1831. Pinahintulutan ang pagkakatipon ng mga paghahayag na nilayong mabilis na mailathala sa natatanging pagpupulong noong Nobyembre 1–2. Noong Nobyembre 3, idinagdag ang paghahayag na makikita rito bilang bahagi 133, na tinawag kalaunan na Apendise. Nauna nang itinalaga si Oliver Cowdery na dalhin ang manuskrito ng mga tinipong paghahayag at kautusan sa Independence, Missouri para sa paglilimbag. Dadalhin din niya ang salapi na iniambag para sa pagpapatayo ng Simbahan sa Missouri. Tinatagubilinan ng paghahayag na ito si John Whitmer na samahan si Oliver Cowdery at nagpatnubay rin kay Whitmer na maglakbay at magtipon ng mga akdang pangkasaysayan sa kanyang tungkulin bilang mananalaysay at tagasulat ng Simbahan.

1–2, Sasamahan ni John Whitmer si Oliver Cowdery sa Missouri; 3–8, Siya rin ay mangangaral at magtitipon, magtatala, at magsusulat ng mga kaalamang pangkasaysayan.

1 Makinig sa akin, wika ng Panginoon ninyong Diyos, para sa kapakanan ng aking tagapaglingkod na si Oliver Cowdery. Hindi karunungan sa akin na nararapat na ipagkatiwala sa kanya ang mga kautusan at ang mga salapi na kanyang dadalhin sa lupain ng Sion, maliban kung may isa na sasama sa kanya na magiging tunay at tapat.

2 Samakatwid, ako, ang Panginoon, ay nagnanais na nararapat sumama ang aking tagapaglingkod na si John Whitmer sa aking tagapaglingkod na si Oliver Cowdery;

3 At gayundin, na siya ay magpapatuloy sa pagsusulat at paggawa ng kasaysayan ng lahat ng mahahalagang bagay na kanyang mapapansin at malalaman hinggil sa aking simbahan;

4 At gayundin, na siya ay tatanggap ng payo at tulong mula sa aking tagapaglingkod na si Oliver Cowdery at sa iba pa.

5 At gayundin, ang aking mga tagapaglingkod na nasa ibang bansa sa mundo ay nararapat magpadala ng mga ulat ng kanilang mga pangangasiwa sa lupain ng Sion;

6 Sapagkat ang lupain ng Sion ay magiging puno at lugar na tanggapan at gawaan ng lahat ng bagay na ito.

7 Gayunpaman, maglalakbay ang aking tagapaglingkod na si John Whitmer nang maraming ulit nang lugar sa lugar, at nang simbahan sa simbahan, upang siya ay higit na madaling makatamo ng kaalaman—

8 Nangangaral at nagpapaliwanag, nagsusulat, nagsisipi, pumipili, at kumukuha ng lahat ng bagay na para sa ikabubuti ng simbahan, at para sa bumabangong salinlahi na magsisilaki sa lupain ng Sion, upang ariin ito nang sali’t salinlahi, magpakailanman at walang katapusan. Amen.