Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 70


Bahagi 70

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Hiram, Ohio, Nobyembre 12, 1831. Isinasalaysay ng kasaysayan ng Propeta na apat na natatanging pagpupulong ang ginanap mula ika-1 hanggang ika-12 ng Nobyembre, na nakapaloob dito. Sa pinakahuli sa mga pagtitipong ito, sinuri ang malaking kahalagahan ng mga paghahayag na ilalathala kalaunan bilang ang Aklat ng mga Kautusan at sa kalaunan, ang Doktrina at mga Tipan. Ibinigay ang paghahayag na ito matapos sumang-ayon ang kapulungan na ang mga paghahayag ay “kasinghalaga sa Simbahan ng mga kayamanan ng buong Mundo.” Tinutukoy ng kasaysayan ni Joseph Smith na ang mga paghahayag ay “ang saligan ng Simbahan sa mga huling araw na ito, at isang kapakinabangan sa sanlibutan, ipinakikita na ang mga susi ng mga hiwaga ng kaharian ng ating Tagapagligtas ay muling ipinagkatiwala sa tao.”

1–5, Itinalaga ang mga katiwala na ilathala ang mga paghahayag; 6–13, Ang mga yaong nagpapagal sa mga espirituwal na bagay ay karapat-dapat sa kanilang sahod; 14–18, Pantay-pantay dapat ang mga Banal sa mga temporal na bagay.

1 Dinggin, at makinig, O kayong mga naninirahan sa Sion, at lahat kayong mga tao ng aking simbahan na nasa malayo, at pakinggan ang salita ng Panginoon na ibinibigay ko sa aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun., at gayundin sa aking tagapaglingkod na si Martin Harris, at gayundin sa aking tagapaglingkod na si Oliver Cowdery, at gayundin sa aking tagapaglingkod na si John Whitmer, at gayundin sa aking tagapaglingkod na si Sidney Rigdon, at gayundin sa aking tagapaglingkod na si William W. Phelps, bilang kautusan sa kanila.

2 Sapagkat binibigyan ko sila ng isang kautusan; anupa’t makinig at pakinggan, sapagkat ganito ang wika ng Panginoon sa kanila—

3 Ako, ang Panginoon, ay itinalaga sila, at inordenan sila na maging mga tagapangasiwa sa mga paghahayag at kautusan na aking ibinigay sa kanila, at ang yaong aking ibibigay pa pagkaraan nito sa kanila;

4 At isang ulat ng pangangasiwang ito ang aking hihingin sa kanila sa araw ng paghuhukom.

5 Samakatwid, nagtalaga ako sa kanila, at ito ang kanilang tungkulin sa simbahan ng Diyos, na pamahalaan ang mga ito at ang mga nauukol dito, oo, ang mga kikitain mula rito.

6 Samakatwid, isang kautusan ang ibinibigay ko sa kanila, na hindi nila ihahayag ang mga bagay na ito sa simbahan, ni sa sangkatauhan;

7 Gayunpaman, yamang sila ay tumatanggap nang labis sa kakailanganin para sa kanilang mga pangangailangan at kanilang mga kakulangan, ito ay ibibigay sa aking kamalig;

8 At ang mga kikitain ay ilalaan sa mga naninirahan sa Sion, at sa kanilang mga salinlahi, yamang sila ay magiging mga tagapagmana alinsunod sa mga batas ng kaharian.

9 Dinggin, ito ang hinihingi ng Panginoon sa lahat ng tao sa kanyang pangangasiwa, maging alinsunod sa ako, ang Panginoon, ay nagtalaga o magtatalaga pa pagkaraan nito sa sinumang tao.

10 At dinggin, wala ni isa ang hindi saklaw ng batas na ito na kabilang sa simbahan ng buhay na Diyos;

11 Oo, ni hindi ang obispo, ni ang kinatawang nangangasiwa sa kamalig ng Panginoon, ni siya na itinalaga sa pangangasiwa sa mga bagay na temporal.

12 Siya na itinatalagang mamahala sa mga espirituwal na bagay, siya rin ay karapat-dapat sa kanyang sahod, maging katulad ng mga yaong itinatalaga sa pangangasiwa na mamahala sa mga bagay na temporal;

13 Oo, maging higit na masagana, kung aling kasaganahan ay pinarami para sa kanila sa pamamagitan ng mga pagpapahayag ng Espiritu.

14 Gayunpaman, sa inyong mga temporal na bagay ay magiging pantay-pantay kayo, at ito ay hindi laban sa kalooban, kung hindi, ang kasaganahan ng mga pagpapahayag ng Espiritu ay ipagkakait.

15 Ngayon, ang kautusang ito ay ibinibigay ko sa aking mga tagapaglingkod para sa kanilang kapakinabangan samantalang nananatili sila, bilang pagpapakita ng aking mga pagpapala sa kanilang mga ulo, at bilang gantimpala sa kanilang pagsusumigasig at para sa kanilang kaligtasan;

16 Para sa pagkain at para sa kasuotan; para sa mana; para sa mga bahay at para sa mga lupain, sa anumang kalagayan ko, ang Panginoon, sila ilalagay, at saanman ko, ang Panginoon, sila isusugo.

17 Sapagkat sila ay naging matatapat sa maraming bagay, at gumawa ng mabuti yamang sila ay hindi nagkasala.

18 Dinggin, ako, ang Panginoon, ay maawain at pagpapalain sila, at sila ay papasok sa kagalakan ng mga bagay na ito. Maging gayon nga. Amen.