Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 72


Bahagi 72

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Kirtland, Ohio, Disyembre 4, 1831. Maraming elder at kasapi ang nagtipon upang malaman ang kanilang mga tungkulin at lalong maliwanagan sa mga turo ng Simbahan. Ang bahaging ito ay isang pagtitipon ng tatlong paghahayag na natanggap sa loob ng isang araw. Ipinaaalam ng talata 1 hanggang 8 ang pagtawag kay Newel K. Whitney bilang isang obispo. Pagkatapos, siya ay tinawag at inorden, natanggap kasunod nito ang mga talata 9 hanggang 26, na nagbibigay ng karagdagang kaalaman hinggil sa mga tungkulin ng obispo. Pagkatapos nito, ibinigay ang mga talata 24 hanggang 26, na nagbibigay ng mga tagubilin hinggil sa pagtitipon sa Sion.

1–8, Magbibigay-ulat ang mga elder sa obispo tungkol sa kanilang pangangasiwa; 9–15, Ang obispo ang mangangasiwa sa kamalig at mangangalaga sa mga maralita at nangangailangan; 16–26, Patutunayan ng mga obispo ang pagiging karapat-dapat ng mga elder.

1 Makinig, at pakinggan ang tinig ng Panginoon, O kayong magkakasamang nagtipon ng inyong sarili, na matataas na saserdote ng aking simbahan, kung kanino ibinigay ang kaharian at kapangyarihan.

2 Sapagkat katotohanan, ganito ang wika ng Panginoon, marapat na sa akin na magtalaga ng isang obispo sa inyo, o mula sa inyo, sa simbahan sa dakong ito ng ubasan ng Panginoon.

3 At katotohanan, ang bagay na ito ay inyong nagawa nang matalino, sapagkat hinihingi ito ng Panginoon sa kamay ng bawat katiwala, na magbigay-ulat sa kanilang pangangasiwa, kapwa sa buhay at sa kawalang-hanggan.

4 Sapagkat siya na matapat at matalino sa buhay ay itinuturing na karapat-dapat na magmana ng mga mansiyon na inihanda para sa kanya ng aking Ama.

5 Katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ang mga elder ng simbahan sa dakong ito ng aking ubasan ay magbibigay-ulat sa kanilang pangangasiwa sa obispo, na itatalaga ko sa dakong ito ng aking ubasan.

6 Ang mga bagay na ito ay itatala, na ibibigay sa obispo sa Sion.

7 At ang tungkulin ng obispo ay ipababatid sa pamamagitan ng mga kautusang ibinibigay, at ng tinig ng kapulungan.

8 At ngayon, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ang aking tagapaglingkod na si Newel K. Whitney ang siyang taong itatalaga at ioorden sa kapangyarihang ito. Ito ang kalooban ng Panginoon ninyong Diyos, ang inyong Manunubos. Maging gayon nga. Amen.

9 Ang salita ng Panginoon, na karagdagan sa batas na ibinibigay, ipinababatid ang katungkulan ng obispo na siyang inorden sa simbahan sa dakong ito ng ubasan, na sa katotohanan ay ito nga—

10 Na pangasiwaan ang kamalig ng Panginoon; na tumanggap sa mga salapi ng simbahan sa dakong ito ng ubasan;

11 Na tanggapin ang ulat ng mga elder katulad ng ipinag-uutos noon; at na ibigay ang kanilang mga pangangailangan; na silang magbabayad sa yaong kanilang natatanggap, yamang sila ay may ipambabayad;

12 Nang ito rin ay mailaan para sa ikabubuti ng simbahan, para sa mga maralita at nangangailangan.

13 At siya na walang ipambabayad, isang ulat ang itatala at ibibigay sa obispo ng Sion, na siyang magbabayad ng pagkakautang mula sa yaong ilalagay sa kanyang mga kamay ng Panginoon.

14 At ang mga gawa ng matatapat na gumagawa sa mga espirituwal na bagay, sa pangangasiwa sa ebanghelyo at sa mga bagay ng kaharian sa simbahan, at sa sanlibutan, ang tutugon sa pagkakautang sa obispo sa Sion;

15 Sa gayon, ito ay nagmumula sa simbahan, sapagkat alinsunod sa batas, ang lahat ng taong paroroon sa Sion ay kinakailangang ibigay ang lahat ng bagay sa harapan ng obispo sa Sion.

16 At ngayon, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, sapagkat ang bawat elder sa dakong ito ng ubasan ay kinakailangang magbigay-ulat sa kanyang pangangasiwa sa obispo sa dakong ito ng ubasan—

17 Isang katibayan mula sa hukom o obispo sa dakong ito ng ubasan, para sa obispo sa Sion, ang magpapatunay sa bawat tao na karapat-dapat, at tumutugon sa lahat ng bagay, para sa mana, at na matanggap bilang isang matalinong katiwala at bilang isang matapat na manggagawa;

18 Kung hindi, siya ay hindi tatanggapin ng obispo ng Sion.

19 At ngayon, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, bibigyan ng pagpapatibay ang bawat elder na magbibigay-ulat sa obispo ng simbahan sa dakong ito ng ubasan ng simbahan o mga simbahan, kung saan siya gumagawa, upang mapatunayan niya ang kanyang sarili at mapagtibay ang kanyang mga ulat sa lahat ng bagay.

20 At muli, magkakaroon ng karapatang humingi ng tulong ang aking mga tagapaglingkod na itinatalaga bilang mga katiwala sa mga bagay na hinggil sa panitikan ng aking simbahan sa obispo o mga obispo sa lahat ng bagay—

21 Upang ang mga paghahayag ay mailathala, at maipadala hanggang sa mga dulo ng mundo; upang makakuha rin sila ng mga salaping makatutulong sa simbahan sa lahat ng bagay;

22 Upang mapatunayan din nila ang kanilang sarili sa lahat ng bagay, at maituring na matatalinong katiwala.

23 At ngayon, dinggin, ito ay magiging halimbawa para sa lahat ng maraming sangay ng aking simbahan, saanmang lupain ito itatatag. At ngayon, tinatapos ko ang aking mga pangungusap. Amen.

24 Ilang salita bilang karagdagan sa mga batas ng kaharian, hinggil sa mga kasapi ng simbahan—sila na itinatalaga ng Banal na Espiritu na magtungo sa Sion, at sila na may pagkakataong magtungo sa Sion—

25 Magdadala sila sa obispo ng isang katibayan mula sa tatlong elder ng simbahan, o isang katibayan mula sa obispo;

26 Kung hindi, siya na magtutungo sa lupain ng Sion ay hindi ituturing na isang matalinong katiwala. Ito ay isa ring halimbawa. Amen.