Bahagi 74
Paghahayag na ibinigay kay Joseph Smith, ang Propeta, sa Wayne County, New York, noong 1830. Maging bago pa man ang pagtatatag ng Simbahan, nagkaroon na ng mga katanungan tungkol sa wastong paraan ng pagbibinyag, na nagbunsod sa Propeta na maghangad ng mga sagot sa paksa. Ipinahahayag ng kasaysayan ni Joseph Smith na ang paghahayag na ito ay paliwanag sa 1Â Mga Taga-Corinto 7:14, isang banal na kasulatan na kadalasang ginagamit upang bigyang-katwiran ang pagbibinyag sa mga sanggol.
1–5, Pinapayuhan ni Pablo ang Simbahan noong kanyang kapanahunan na huwag sundin ang batas ni Moises; 6–7, Ang maliliit na bata ay banal at pinababanal sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala.
1 Sapagkat ang hindi naniniwalang asawang lalaki ay pinababanal ng asawang babae, at ang hindi naniniwalang asawang babae ay pinababanal ng asawang lalaki; kung hindi, marurumi ang inyong mga anak, subalit ngayon, sila ay banal na.
2 Ngayon, sa mga araw ng mga apostol, ang batas ng pagtutuli ay ginawa sa lahat ng Judio na hindi naniniwala sa ebanghelyo ni Jesucristo.
3 At ito ay nangyari na nagkaroon ng isang malaking pagtatalo sa mga tao hinggil sa batas ng pagtutuli, sapagkat ang hindi naniniwalang asawang lalaki ay naghangad na nararapat matuli ang kanyang mga anak at mapasailalim sa batas ni Moises, na aling batas ay natupad na.
4 At ito ay nangyari na ang mga anak, na pinalaki sa ilalim ng batas ni Moises, ay tumalima sa mga kaugalian ng kanilang mga ama at hindi naniwala sa ebanghelyo ni Cristo, kung saan sila ay hindi naging banal.
5 Samakatwid, sa kadahilanang ito sumulat ang apostol sa simbahan, nagbibigay sa kanila ng isang kautusan, hindi mula sa Panginoon, kundi mula sa kanyang sarili, na ang isang naniniwala ay hindi nararapat makipag-isang dibdib sa isang hindi naniniwala; maliban kung wawakasan na ang batas ni Moises sa kanila,
6 Nang ang kanilang mga anak ay manatiling walang pagtutuli; at nang mawakasan na ang kaugalian, na nagsasabi na ang maliliit na bata ay hindi banal; sapagkat ito ang ginawa sa mga Judio;
7 Subalit ang maliliit na bata ay banal, pinababanal sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Jesucristo; at ito ang ibig sabihin ng mga banal na kasulatan.