Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 75


Bahagi 75

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Amherst, Ohio, Enero 25, 1832. Binubuo ang bahaging ito ng dalawang magkaibang paghahayag (ang una sa mga talata 1 hanggang 22 at ang pangalawa sa mga talata 23 hanggang 36) na ibinigay sa magkaparehong araw. Ang kaganapan ay isang pagpupulong kung saan pinagtibay at inorden si Joseph Smith na maging Pangulo ng Mataas na Pagkasaserdote. Nagnais ang ilang elder na matuto pa tungkol sa kanilang mga kasalukuyang tungkulin. Ang mga paghahayag na ito ang sumunod.

1–5, Magtatamo ng buhay na walang hanggan ang matatapat na elder na nangangaral ng ebanghelyo; 6–12, Manalangin upang matanggap ang Mang-aaliw, na nagtuturo ng lahat ng bagay; 13–22, Hahatulan ng mga elder ang mga yaong tumatanggi sa kanilang mensahe; 23–36, Tatanggap ng tulong mula sa Simbahan ang mga mag-anak ng mga misyonero.

1 Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ako na nangungusap maging sa pamamagitan ng tinig ng aking Espiritu, maging ang Alpha at Omega, ang inyong Panginoon at inyong Diyos—

2 Makinig, O kayong nagbigay ng inyong mga pangalan na hahayo upang ipahayag ang aking ebanghelyo, at upang pungusan ang aking ubasan.

3 Dinggin, sinasabi ko sa inyo na aking kalooban na kayo ay nararapat na humayo at huwag magpaliban, ni maging tamad, bagkus gumawa nang inyong buong lakas—

4 Itinataas ang inyong mga tinig na tulad ng tunog ng isang trumpeta, ipinahahayag ang katotohanan alinsunod sa mga paghahayag at kautusan na aking ibinibigay sa inyo.

5 At sa gayon, kung kayo ay matatapat, magpapasan kayo ng maraming bungkos, at puputungan ng karangalan, at kaluwalhatian, at kawalang-kamatayan, at buhay na walang hanggan.

6 Anupa’t katotohanan, sinasabi ko sa aking tagapaglingkod na si William E. McLellin, aking binabawi ang pagtatalaga na ibinigay ko sa kanya na magtungo sa mga bayan sa kasilanganan;

7 At ako ay nagbibigay sa kanya ng isang bagong pagtatalaga at isang bagong kautusan, kung saan ako, ang Panginoon, ay pinagsasabihan siya dahil sa mga pagbubulung-bulong ng kanyang puso;

8 At siya ay nagkasala; gayunpaman, akin siyang pinatatawad at sinasabi sa kanya muli, Humayo ka sa mga bayan sa katimugan.

9 At sasamahan siya ng aking tagapaglingkod na si Luke Johnson, at ipahahayag ang mga bagay na aking ipinag-uutos sa kanila—

10 Nananawagan sa pangalan ng Panginoon para sa Mang-aaliw, na magtuturo sa kanila ng lahat ng bagay na kinakailangan nila—

11 Mananalangin sa tuwina nang sila ay hindi manghina; at yamang kanilang ginagawa ito, ako ay makakasama nila maging hanggang sa katapusan.

12 Dinggin, ito ang kalooban ng Panginoon ninyong Diyos hinggil sa inyo. Maging gayon nga. Amen.

13 At muli, katotohanan, ganito ang wika ng Panginoon, ang aking tagapaglingkod na si Orson Hyde at ang aking tagapaglingkod na si Samuel H. Smith ay hahayo sa kanilang paglalakbay patungo sa mga bayan sa kasilanganan, at ipahahayag ang mga bagay na aking ipinag-uutos sa kanila; at yamang sila ay matatapat, dinggin, ako ay makakasama nila maging hanggang sa katapusan.

14 At muli, katotohanan, sinasabi ko sa aking tagapaglingkod na si Lyman Johnson, at sa aking tagapaglingkod na si Orson Pratt, sila ay hahayo rin sa kanilang paglalakbay patungo sa mga bayan sa kasilanganan; at dinggin, at makinig, ako ay makakasama rin nila, maging hanggang sa katapusan.

15 At muli, sinasabi ko sa aking tagapaglingkod na si Asa Dodds, at sa aking tagapaglingkod na si Calves Wilson, na sila ay hahayo rin sa kanilang paglalakbay patungo sa mga bayan sa kanluran, at ipahahayag ang aking ebanghelyo, maging tulad ng ipinag-uutos ko sa kanila.

16 At siya na matapat ay madaraig ang lahat ng bagay, at dadakilain sa huling araw.

17 At muli, sinasabi ko sa aking tagapaglingkod na si Major N. Ashley, at sa aking tagapaglingkod na si Burr Riggs, sila ay hahayo rin sa kanilang paglalakbay patungo sa mga bayan sa katimugan.

18 Oo, lahat sila ay hahayo sa kanilang paglalakbay, tulad ng aking ipinag-uutos sa kanila, humahayo nang bahay sa bahay, at nang baryo sa baryo, at nang lungsod sa lungsod.

19 At saanmang bahay kayo papasok, at kanila kayong tinatanggap, iwan ang inyong basbas sa bahay na yaon.

20 At saanmang bahay kayo papasok, at hindi nila kayo tinatanggap, kayo ay lilisan kaagad mula sa bahay na yaon, at ipapagpag ang alikabok ng inyong mga paa bilang isang patotoo laban sa kanila.

21 At kayo ay mapupuspos ng kagalakan at kasayahan; at alamin ito, na sa araw ng paghuhukom, kayo ay magiging mga hukom ng yaong sambahayan, at hahatulan sila;

22 At higit na matitiis ng mga pagano ang araw ng paghuhukom, kaysa sa yaong sambahayan; kaya nga, bigkisan ang inyong mga balakang at maging matapat, at inyong madaraig ang lahat ng bagay, at dadakilain sa huling araw. Maging gayon nga. Amen.

23 At muli, ganito ang wika ng Panginoon sa inyo, O kayong mga elder ng aking simbahan, na nagbigay ng inyong mga pangalan upang inyong malaman ang kanyang kalooban hinggil sa inyo—

24 Dinggin, sinasabi ko sa inyo, na tungkulin ng simbahan na tumulong sa pagtataguyod sa mga mag-anak nila, at itaguyod din ang mga mag-anak nila na mga tinawag at talagang kinakailangang isugo sa sanlibutan upang ipangaral ang ebanghelyo sa sanlibutan.

25 Samakatwid, ako, ang Panginoon, ay ibinibigay sa inyo ang kautusang ito, na makahanap kayo ng mga lugar para sa inyong mga mag-anak, yamang ang inyong mga kapatid ay nakahandang buksan ang kanilang mga puso.

26 At lahat ng yaong makahahanap ng mga lugar para sa kanilang mga mag-anak, at makatatamo ng pagtataguyod ng simbahan para sa kanila, ay hindi mabibigong humayo sa sanlibutan, maging sa silangan o sa kanluran, o sa hilaga, o sa timog.

27 Sila ay hihingi at sila ay makasusumpong, kakatok at sila ay pagbubuksan, at ipaaalam mula sa kaitaasan, maging ng Mang-aaliw, kung saan sila tutungo.

28 At muli, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, na bawat lalaki na may tungkuling maglaan para sa kanyang sariling mag-anak, siya ay maglalaan, at hindi mawawala sa kanya ang putong niya; at gagawa siya sa simbahan.

29 Maging masigasig ang bawat tao sa lahat ng bagay. At ang tamad ay hindi magkakaroon ng lugar sa simbahan, maliban sa siya ay magsisisi at babaguhin ang kanyang mga gawi.

30 Anupa’t ang aking tagapaglingkod na si Simeon Carter at ang aking tagapaglingkod na si Emer Harris ay magsasama sa paglilingkod;

31 At gayundin ang aking tagapaglingkod na si Ezra Thayre at ang aking tagapaglingkod na si Thomas B. Marsh;

32 Gayundin ang aking tagapaglingkod na si Hyrum Smith at ang aking tagapaglingkod na si Reynolds Cahoon;

33 At gayundin ang aking tagapaglingkod na si Daniel Stanton at ang aking tagapaglingkod na si Seymour Brunson;

34 At gayundin ang aking tagapaglingkod na si Sylvester Smith at ang aking tagapaglingkod na si Gideon Carter;

35 At gayundin ang aking tagapaglingkod na si Ruggles Eames at ang aking tagapaglingkod na si Stephen Burnett;

36 At gayundin ang aking tagapaglingkod na si Micah B. Welton at gayundin ang aking tagapaglingkod na si Eden Smith. Maging gayon nga. Amen.