Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 77


Bahagi 77

Paghahayag na ibinigay kay Joseph Smith, ang Propeta, sa Hiram, Ohio, mga Marso 1832. Ipinahahayag sa kasaysayan ni Joseph Smith, “Kaugnay ng pagsasalin ng mga Banal na Kasulatan, natanggap ko ang sumusunod na paliwanag tungkol sa Apocalipsis ni San Juan.”

1–4, Ang mga hayop ay may espiritu at mamumuhay sa walang hanggang kaligayahan; 5–7, Ang mundong ito ay may temporal na buhay na 7,000 taon; 8–10, Maraming anghel ang nagpapanumbalik ng ebanghelyo at naglilingkod sa mundo; 11, Ang pagtatatak sa 144,000; 12–14, Paparito si Cristo sa simula ng ikapitong libong taon; 15, Dalawang propeta ang ibabangon sa bansa ng mga Judio.

1 T. Ano ang dagat na salamin na binanggit ni Juan, sa ika-4 na kabanata, at ika-6 na talata ng Apocalipsis?S. Ito ang mundo, sa banal, walang kamatayan, at walang hanggang kalagayan nito.

2 T. Ano ang nararapat nating maunawaan ukol sa apat na hayop, na binanggit sa talata ring ito?S. Ang mga yaon ay mga matalinghagang pagpapahayag na ginamit ng Tagapaghayag na si Juan, sa paglalarawan ng langit, ng paraiso ng Diyos, ng kaligayahan ng tao, at ng mga hayop, at ng mga gumagapang na hayop, at ng mga ibon ng himpapawid; na ang espirituwal ay kahalintulad ng yaong temporal; at na ang yaong temporal ay kahalintulad ng yaong espirituwal; ang espiritu ng tao ay kahalintulad ng kanyang katauhan, at gayundin ang espiritu ng hayop, at ng lahat ng iba pang nilalang na nilikha ng Diyos.

3 T. Ang apat na hayop ba ay nauukol lamang sa isa-isang uri ng hayop o kumakatawan ba sila sa mga uri o lahi?S. Ang mga ito ay nauukol lamang sa apat na uri ng hayop, na ipinakita kay Juan, upang kumatawan sa kaluwalhatian ng mga uri ng nilalang sa kanilang kinabibilangang lahi o kalagayan ng paglikha, sa pagtatamasa ng kanilang walang hanggang kaligayahan.

4 T. Ano ang nararapat nating maunawaan ukol sa mga mata at pakpak, na mayroon ang mga hayop?S. Ang mga mata ng mga ito ay kumakatawan sa liwanag at kaalaman, na ang kahulugan ay puno sila ng kaalaman; at ang kanilang mga pakpak ay kumakatawan sa kapangyarihan, na gumalaw, na kumilos, atbp.

5 T. Ano ang nararapat nating maunawaan ukol sa apat at dalawampung elder, na binanggit ni Juan?S. Nararapat nating maunawaan na ang mga elder na ito na nakita ni Juan ay mga elder na naging matatapat sa gawain ng paglilingkod at mga patay na; na nabibilang sa pitong simbahan, at sa gayon ay nasa paraiso na ng Diyos.

6 T. Ano ang nararapat nating maunawaan ukol sa aklat na nakita ni Juan, na tinatakan sa likod ng pitong tatak?S. Nararapat nating maunawaan na nilalaman nito ang inihayag na kalooban, mga hiwaga, at mga gawain ng Diyos; ang mga natatagong bagay na nauukol sa kanyang pamamahala hinggil sa mundong ito sa loob ng pitong libong taon ng pagpapatuloy nito, o ang temporal na buhay nito.

7 T. Ano ang nararapat nating maunawaan ukol sa pitong tatak na itinatak dito?S. Nararapat nating maunawaan na ang unang tatak ay naglalaman ng mga bagay tungkol sa unang isanlibong taon, at ang pangalawa rin ay tungkol sa ikalawang isanlibong taon, at sa gayon hanggang sa ikapito.

8 T. Ano ang nararapat nating maunawaan ukol sa apat na anghel, na binanggit sa ika-7 kabanata, at ika-1 talata ng Apocalipsis?S. Nararapat nating maunawaan na sila ay apat na anghel na isinugo mula sa Diyos, kung kanino ibinibigay ang karapatan sa apat na sulok ng mundo, upang magligtas ng buhay at magwasak; sila ang mga yaong nagdadala ng walang hanggang ebanghelyo sa bawat bansa, lahi, wika, at tao; na may kakayahang magsara ng kalangitan, na magbuklod ng buhay, o na magwaksi sa mga pook ng kadiliman.

9 T. Ano ang nararapat nating maunawaan ukol sa anghel na pumapailanglang mula sa silangan, sa Apocalipsis, ika-7 kabanata at ika-2 talata?S. Nararapat nating maunawaan na ang anghel na pumapaitaas mula sa silangan ang siyang pinagkalooban ng tatak ng buhay na Diyos sa labindalawang lipi ni Israel; kaya nga, siya ay sumusigaw sa apat na anghel na nagtataglay ng walang hanggang ebanghelyo, sinasabing: Huwag ninyong pinsalain ang lupa, ni ang dagat, ni ang mga punungkahoy, hanggang sa ating matatakan ang mga tagapaglingkod ng Diyos sa kanilang mga noo. At, kung ito ay inyong tatanggapin, ito ay si Elias na darating upang magkakasamang tipunin ang mga lipi ni Israel at ipanumbalik ang lahat ng bagay.

10 T. Anong panahon isasakatuparan ang mga bagay na binanggit sa kabanatang ito?S. Ang mga ito ay isasakatuparan sa ikaanim na libong taon, o sa pagbubukas ng ikaanim na tatak.

11 T. Ano ang nararapat nating maunawaan ukol sa pagtatatak sa isandaan at apatnapu’t apat na libo, mula sa lahat ng lipi ni Israel—labindalawang libo mula sa bawat lipi?S. Nararapat nating maunawaan na ang mga yaong natatatakan ay matataas na saserdote, inorden sa banal na orden ng Diyos, na pamahalaan ang walang hanggang ebanghelyo; sapagkat sila ang mga yaong inorden mula sa bawat bansa, lahi, wika, at tao, ng mga anghel na silang pinagkalooban ng karapatan sa mga bansa sa mundo, na magdala ng kasindami sa mga nagnanais na magtungo sa simbahan ng Panganay.

12 T. Ano ang nararapat nating maunawaan ukol sa pagpapatunog ng mga trumpeta, na binanggit sa ika-8 kabanata ng Apocalipsis?S. Nararapat nating maunawaan na yamang ginawa ng Diyos ang daigdig sa loob ng anim na araw, at sa ikapitong araw ay kanyang tinapos ang kanyang gawain, at ginawa itong banal, at nilalang din ang tao mula sa alabok ng lupa, maging sa gayon, sa pagsisimula ng ikapitong libong taon, gagawing banal ng Panginoong Diyos ang mundo, at tutuparin ang kaligtasan ng tao, at hahatulan ang lahat ng bagay, at tutubusin ang lahat ng bagay, maliban sa mga yaong kanyang hindi inilagay sa ilalim ng kanyang kapangyarihan, kapag kanyang natatakan na ang lahat ng bagay, tungo sa hangganan ng lahat ng bagay; at ang pagpapatunog ng mga trumpeta ng pitong anghel ay ang paghahanda at pagtatapos ng kanyang gawain, sa pagsisimula ng ikapitong libong taon—ang paghahanda ng daan bago ang panahon ng kanyang pagparito.

13 T. Kailan isasakatuparan ang mga bagay, na nasusulat sa ika-9 na kabanata ng Apocalipsis?S. Ang mga yaon ay isasakatuparan pagkatapos ng pagbubukas ng ikapitong tatak, bago ang pagparito ni Cristo.

14 T. Ano ang nararapat nating maunawaan ukol sa maliit na aklat na kinain ni Juan, na binanggit sa ika-10 kabanata ng Apocalipsis?S. Nararapat nating maunawaan na ito ay isang misyon, at ordenansa, upang kanyang tipunin ang mga lipi ni Israel; dinggin, siya si Elias, na, tulad ng nasusulat, talagang darating at ipanunumbalik ang lahat ng bagay.

15 T. Ano ang nararapat nating maunawaan ukol sa dalawang saksi, sa ikalabing-isang kabanata ng Apocalipsis?S. Sila ay dalawang propeta na babangon sa bansa ng Judio sa mga huling araw, sa panahon ng pagpapanumbalik, at magpopropesiya sa mga Judio matapos silang matipon at maitayo ang lungsod ng Jerusalem sa lupain ng kanilang mga ama.