Bahagi 82
Paghahayag na ibinigay kay Joseph Smith, ang Propeta, sa Independence, Jackson County, Missouri, Abril 26, 1832. Ang pangyayari ay isang pagpupulong ng matataas na saserdote at mga elder ng Simbahan. Sa pagpupulong, sinang-ayunan si Joseph Smith bilang Pangulo ng Mataas na Pagkasaserdote, na katungkulan kung saan siya naunang inorden sa isang kapulungan ng matataas na saserdote, mga elder, at kasapi, sa Amherst, Ohio, Enero 25, 1832 (tingnan sa ulo ng bahagi 75). Inuulit ng paghahayag na ito ang mga tagubiling ibinigay sa isang naunang paghahayag (bahagi 78) na magtatag ng isang samahan—na kilala bilang Nagkakaisang Samahan (sa ilalim ng tagubilin ni Joseph Smith, pinalitan kalaunan ng katagang “orden” ang “samahan”)—na mamahala sa pagsusumikap ng Simbahan sa pagkakalakal at paglalathala.
1–4, Kung marami ang ibinibigay, marami ang hinihingi; 5–7, Naghahari ang kadiliman sa sanlibutan; 8–13, Ang Panginoon ay tumutupad kapag ginagawa natin ang Kanyang sinasabi; 14–18, Kinakailangang maragdagan ang Sion sa kagandahan at kabanalan; 19–24, Kinakailangang hangarin ng bawat tao ang kabutihan ng kanyang kapwa.
1 Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, aking mga tagapaglingkod, na yamang pinatatawad ninyo ang isa’t isa sa inyong mga pagkakasala, maging sa gayon, ako, ang Panginoon, ay pinatatawad kayo.
2 Gayunpaman, mayroon sa inyo na labis na nagkakasala; oo, maging lahat kayo ay nagkakasala; subalit katotohanan, sinasabi ko sa inyo, mag-ingat magmula ngayon, at tumigil sa paggawa ng kasalanan, sapagkat baka bumagsak sa inyong ulo ang matitinding paghatol.
3 Sapagkat sa kanya na siyang binibigyan ng marami ay marami ang hinihingi; at siya na nagkakasala laban sa higit na dakilang liwanag ay tatanggap ng higit na masidhing paghatol.
4 Nananawagan kayo sa aking pangalan para sa mga paghahayag, at ibinibigay ko ang mga ito sa inyo; at yamang hindi ninyo sinusunod ang aking mga salita, na aking ibinibigay sa inyo, kayo ay nagiging mga manlalabag; at katarungan at kahatulan ang mga kaparusahan na nakaakibat sa aking batas.
5 Samakatwid, anuman ang sinasabi ko sa isa ay sinasabi ko sa lahat: Magbantay, sapagkat pinalalawak ng kaaway ang kanyang nasasakupan, at ang kadiliman ay naghahari;
6 At ang galit ng Diyos ay nag-aalab laban sa mga naninirahan sa mundo; at walang gumagawa ng kabutihan, sapagkat ang lahat ay nalihis ng landas.
7 At ngayon, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ako, ang Panginoon, ay hindi ipananagot sa inyo ang anumang kasalanan; humayo kayo sa inyong mga gawain at huwag na muling magkasala; subalit sa yaong tao na nagkakasala ay mababalik ang dating kasalanan, wika ng Panginoon ninyong Diyos.
8 At muli, sinasabi ko sa inyo, ibinibigay ko sa inyo ang isang bagong kautusan, upang inyong maunawaan ang aking kalooban hinggil sa inyo;
9 O, sa ibang salita, ibinibigay ko sa inyo ang mga tagubilin kung paano kayo kikilos sa aking harapan, upang ito ay makapagligtas sa inyo.
10 Ako, ang Panginoon, ay tumutupad kapag ginagawa ninyo ang aking sinasabi; subalit kapag hindi ninyo ginagawa ang aking sinasabi, kayo ay walang pangako.
11 Anupa’t katotohanan, sinasabi ko sa inyo, na kinakailangan para sa aking mga tagapaglingkod na sina Edward Partridge at Newel K. Whitney, A. Sidney Gilbert at Sidney Rigdon, at sa aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, at John Whitmer at Oliver Cowdery, at W. W. Phelps at Martin Harris na mataling magkakasama ng isang bigkis at tipan na hindi malalagot ng paglabag, maliban kung ang paghuhukom ay kaagad na susunod, sa inyong iba’t ibang pinangangasiwaan—
12 Na pangasiwaan ang mga bagay-bagay ng mga maralita, at lahat ng bagay na nauukol sa obispado kapwa sa lupain ng Sion at sa lupain ng Kirtland;
13 Sapagkat aking inilalaan ang lupain ng Kirtland sa aking sariling takdang panahon para sa kapakinabangan ng mga banal ng Kataas-taasan, at bilang isang istaka ng Sion.
14 Sapagkat ang Sion ay kinakailangang maragdagan sa kagandahan, at sa kabanalan; ang kanyang mga hangganan ay kinakailangang mapalawak; ang kanyang mga istaka ay kinakailangang patibayin; oo, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ang Sion ay kinakailangang bumangon at isuot ang kanyang magagandang kasuotan.
15 Samakatwid, ibinibigay ko sa inyo ang kautusang ito, na inyong ibigkis ang inyong sarili ng tipang ito, at ito ay mangyayari alinsunod sa mga batas ng Panginoon.
16 Dinggin, narito rin ang karunungan sa akin para sa inyong ikabubuti.
17 At kayo ay magiging pantay-pantay, o sa ibang salita, magkakaroon kayo ng mga pantay-pantay na karapatan sa mga ari-arian, para sa ikabubuti ng pamamahala ng mga bagay-bagay sa inyong mga pinangangasiwaan, bawat tao alinsunod sa kanyang mga kakulangan at kanyang mga pangangailangan, yamang ang kanyang mga kakulangan ay makatwiran—
18 At lahat ng ito ay para sa kapakinabangan ng simbahan ng buhay na Diyos, upang ang bawat tao ay mapabuti ang kanyang talento, upang ang bawat tao ay magtamo ng iba pang mga talento, oo, maging nang isandaang ulit, nang mailagay sa kamalig ng Panginoon, upang maging panlahat na pag-aari ng buong simbahan—
19 Bawat tao ay hinahangad ang kabutihan ng kanyang kapwa, at ginagawa ang lahat ng bagay na may matang nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos.
20 Ang orden na ito ay aking itinatakda upang maging isang walang hanggang orden sa inyo, at sa inyong mga kahalili, yamang kayo ay hindi nagkakasala.
21 At ang tao na nagkakasala laban sa tipang ito, at pinatitigas ang kanyang puso laban dito, ay pakikitunguhan alinsunod sa mga batas ng aking simbahan, at ipauubaya sa mga pananakit ni Satanas hanggang sa araw ng pagtubos.
22 At ngayon, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, at ito ay karunungan, makipagkaibigan kayo gamit ang Mammon ng kasamaan, at hindi nila kayo wawasakin.
23 Ipasaakin ang paghahatol, sapagkat ito ay sa akin at ako ang gaganti. Mapasainyo ang kapayapaan; ang aking mga pagpapala ay magpapatuloy sa inyo.
24 Sapagkat tunay na ang kaharian ay sa inyo pa rin, at magiging gayon magpakailanman, kung kayo ay hindi mabubuwal sa inyong katatagan. Maging gayon nga. Amen.