Bahagi 85
Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Kirtland, Ohio, Nobyembre 27, 1832. Ang bahaging ito ay hango sa isang liham ng Propeta kay William W. Phelps, na naninirahan sa Independence, Missouri. Sinasagot nito ang mga katanungan tungkol sa mga yaong Banal na lumipat sa Sion subalit hindi sinunod ang kautusang ilaan ang kanilang mga ari-arian at sa gayon ay hindi natanggap ang kanilang mga mana alinsunod sa itinatag na pamamaraan sa Simbahan.
1–5, Tatanggapin ang mga mana sa Sion sa pamamagitan ng paglalaan; 6–12, Isang makapangyarihan at malakas ang magbibigay sa mga Banal ng kanilang mana sa Sion.
1 Tungkulin ng klerk ng Panginoon, na kanyang itinatalaga, na mag-ingat ng isang kasaysayan, at isang pangkalahatang talaan ng simbahan tungkol sa lahat ng bagay na nagaganap sa Sion, at tungkol sa lahat ng yaong naglalaan ng mga ari-arian, at tumatanggap ng mga karampatang mana mula sa obispo;
2 At gayundin sa kanilang paraan ng pamumuhay, sa kanilang pananampalataya, at mga gawain; at tungkol din sa mga tumalikod na nag-aapostasiya pagkaraang matanggap ang kanilang mga mana.
3 Salungat sa kalooban at kautusan ng Diyos na ang mga yaong hindi tumatanggap ng kanilang mana sa pamamagitan ng paglalaan, sang-ayon sa kanyang batas, na ibinibigay niya, upang mapagbayad niya ang kanyang mga tao ng ikapu, upang ihanda sila laban sa araw ng paghihiganti at pagsusunog, na itala ang kanilang mga pangalan kasama ng mga tao ng Diyos.
4 Ni hindi iingatan ang kanilang talaangkanan, o ilalagay kung saanman ito maaaring matagpuan sa alinman sa mga talaan o kasaysayan ng simbahan.
5 Ang kanilang mga pangalan ay hindi matatagpuan, ni ang mga pangalan ng mga ama, ni hindi isusulat ang mga pangalan ng mga anak sa aklat ng batas ng Diyos, wika ng Panginoon ng mga Hukbo.
6 Oo, ganito ang wika ng marahan at banayad na tinig, na bumubulong na lumalagos at tumatagos sa lahat ng bagay, at kadalasan ay pinanginginig ang aking mga buto habang nagpapahayag ito, sinasabing:
7 At ito ay mangyayari na ako, ang Panginoong Diyos, ay magpapadala ng isa na makapangyarihan at malakas, hawak-hawak ang setro ng kapangyarihan sa kanyang kamay, nadaramitan ng liwanag bilang panakip, na ang bibig ay mangungusap ng mga salita, mga walang hanggang salita; samantalang ang kanyang kaloob-looban ay magiging isang bukal ng katotohanan, upang isaayos ang sambahayan ng Diyos, at upang ayusin alinsunod sa mga lote ang mga mana ng mga banal na ang mga pangalan ay natatagpuan, at ang mga pangalan ng kanilang mga ama, at ng kanilang mga anak, na nakatala sa aklat ng batas ng Diyos;
8 Samantalang ang lalaking yaon, na tinawag ng Diyos at itinalaga, na nag-uunat ng kanyang kamay upang patatagin ang arka ng Diyos, ay babagsak sa pamamagitan ng palaso ng kamatayan, tulad ng isang puno na tinamaan ng matalim na palaso ng kidlat.
9 At lahat sila na hindi natatagpuang nakasulat sa aklat ng alaala ay hindi makatatanggap ng mana sa araw na yaon, sa halip, sila ay pagpuputul-putulin, at ang bahaging itatakda sa kanila ay tulad ng sa mga taong hindi naniniwala, kung saan may pananaghoy at pagngangalit ng mga ngipin.
10 Ang mga bagay na ito ay hindi ko sinasabi nang mula sa aking sarili; kaya nga, tulad ng winiwika ng Panginoon, tutuparin din niya.
11 At sila na kabilang sa Mataas na Pagkasaserdote, na ang mga pangalan ay hindi natatagpuang nakasulat sa aklat ng batas, o na natatagpuang nag-apostasiya, o iwinaksi mula sa simbahan, gayundin ang nakabababang pagkasaserdote, o ang mga kasapi, sa araw na iyon ay hindi makatatanggap ng mana kasama ng mga banal ng Kataas-taasan;
12 Samakatwid, mangyayari sa kanila ang tulad ng nangyari sa mga anak ng saserdote, tulad ng matatagpuang nakatala sa ikalawang kabanata at animnapu‘t isa at dalawang talata ng Ezra.