Bahagi 89
Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Kirtland, Ohio, Pebrero 27, 1833. Bunga ng paggamit ng tabako ng mga unang kapatid sa kanilang mga pagpupulong, nahikayat ang Propeta na pagnilayan ang bagay na ito; dahil dito, nagtanong siya sa Panginoon hinggil dito. Ang paghahayag na ito, kilala bilang Salita ng Karunungan, ang naging resulta.
1–9, Ipinagbabawal ang paggamit ng alak, matatapang na inumin, tabako, at maiinit na inumin; 10–17, Inoorden ang mga halaman, prutas, karne, at butil para gamitin ng tao at ng mga hayop; 18–21, Nagdudulot ng mga temporal at espirituwal na pagpapala ang pagsunod sa batas ng ebanghelyo, kabilang ang Salita ng Karunungan.
1 Isang Salita ng Karunungan, para sa kapakinabangan ng kapulungan ng matataas na saserdote, na tinipon sa Kirtland, at ng simbahan, at gayundin ng mga banal sa Sion—
2 Na ipadadala bilang pagbati; hindi bilang kautusan o pamimilit, sa halip, sa pamamagitan ng paghahayag at ng salita ng karunungan, ipinakikita ang paraan at kalooban ng Diyos sa temporal na kaligtasan ng lahat ng banal sa mga huling araw—
3 Ibinibigay bilang isang alituntunin na may lakip na pangako, iniaangkop sa kakayahan ng mahihina at ng pinakamahihina sa lahat ng banal, na tinatawag o matatawag na mga banal.
4 Dinggin, katotohanan, ganito ang wika ng Panginoon sa inyo: Dahil sa masasama at mga pakana na umiiral at iiral sa mga puso ng mga nagsasabwatang tao sa mga huling araw, kayo ay aking binabalaan, at babalaan, sa pagbibigay sa inyo nitong salita ng karunungan sa pamamagitan ng paghahayag—
5 Na yamang umiinom ang sinumang tao ng alak o matapang na inumin sa inyo, dinggin, ito ay hindi mabuti, ni wasto sa paningin ng inyong Ama, tanging sa sama-samang pagtitipon lamang ng inyong sarili upang maghandog ng inyong mga sakramento sa harapan niya.
6 At, dinggin, ito ay nararapat na alak, oo, dalisay na alak ng ubas ng sanga, na sarili ninyong gawa.
7 At, muli, ang matatapang na inumin ay hindi para sa tiyan, kundi para sa paghuhugas ng inyong mga katawan.
8 At muli, ang tabako ay hindi para sa katawan, ni para sa tiyan, at hindi mabuti para sa tao, sa halip ay isang halamang gamot para sa mga pasa at lahat ng may sakit na baka, na nararapat gamitin nang may karunungan at kasanayan.
9 At muli, ang maiinit na inumin ay hindi para sa katawan o tiyan.
10 At muli, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, lahat ng mabubuting halaman ay inorden ng Diyos para sa kalusugan, katawan, at gamit ng tao—
11 Bawat halamang gamot sa panahon nito, at bawat prutas sa panahon nito; lahat ng ito ay gagamitin nang may pag-iingat at pagpapasalamat.
12 Oo, gayundin ang karne ng mga hayop at ng mga ibon sa himpapawid, ako, ang Panginoon, ay inoorden para gamitin ng tao nang may pagpapasalamat; gayunpaman, ang mga ito ay nararapat gamitin nang katamtaman;
13 At nakalulugod sa akin na ang mga ito ay hindi nararapat gamitin, sa mga panahon lamang ng taglamig, o ng tagginaw, o taggutom.
14 Lahat ng butil ay inoorden para gamitin ng tao at ng mga hayop, na maging tungkod ng buhay, hindi lamang para sa tao kundi para sa mga hayop sa parang, at sa mga ibon sa langit, at ang lahat ng mababangis na hayop na tumatakbo o gumagapang sa lupa;
15 At ang mga ito ay nilikha ng Diyos para gamitin ng tao sa mga panahon lamang ng taggutom at labis na pagkagutom.
16 Lahat ng butil ay mabuti bilang pagkain ng tao; at gayundin ang prutas ng sanga; na yaong namumunga, maging sa lupa o sa ibabaw ng lupa—
17 Gayunpaman, trigo para sa tao, at mais para sa baka, at obena para sa kabayo, at senteno para sa mga ibon at para sa baboy, at para sa lahat ng hayop sa parang, at sebada para sa lahat ng kapaki-pakinabang na hayop, at para sa mga banayad na inumin, gayundin ang ibang mga butil.
18 At lahat ng banal na makatatandang sumunod at gumawa sa mga salitang ito, lumalakad sa pagsunod sa mga kautusan, ay tatanggap ng kalusugan sa kanilang pusod at utak sa kanilang mga buto;
19 At makahahanap ng karunungan at maraming kayamanan ng kaalaman, maging mga natatagong kayamanan;
20 At tatakbo at hindi mapapagod, at lalakad at hindi manghihina.
21 At ako, ang Panginoon, ay nagbibigay sa kanila ng isang pangako, na ang nangwawasak na anghel ay lalampasan sila, tulad sa mga anak ni Israel, at hindi sila papatayin. Amen.